
Mistulang mga salitang nakaayon sa isang mapangahas na puwersa ang siya pang nagpakawala mula sa mga kadenang nanggapos sa mga pinagkaitan ng kalayaan sa sarili nilang bayan. Anong sarap na maangkin ang isang bagay na pagmamay-ari ng mga taong kinuha ang lahat mula sa inyo? Sa ilalim ng ilang siglong paniniil, isinilang sa mga lugar ng Zamboanga at Cavite ang wikang Chabacáno, isang simbolo ng pagtatambis ng balintiyak na paghihimagsik.
Ngunit gaano man katibay ang tindig ng mga nagpumiglas, hindi hamak na mas naging matayog ang itinanim sa isipan ng mga Pilipino—mga kaisipang bumuo ng tulay tungo sa pagkamit ng kanluraning pamantayan. Sa paglipas ng mga taon, tila walang laban ang mga wikang kumukulay sa kultura sa mga taong mas pinipiling umayon sa katauhan ng iba. Idineklara ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Chabacáno bilang hindi ligtas na wika noong 2018. Isa itong marka ng pagsasawalang-bahala sa dakila nitong kahalagahan sa identidad ng mga Pilipino.
Pamana ng pakikibaka
Dilang kabigkis ng dayuhang wika, ngunit may pagkakakilanlang natatangi sa nagsasalita. Kawangis man ng wikang Kastila, taktika upang hindi makatunog sa nilulutong rebolusyon ang kasaysayan ng wikang Chabacáno de Zamboanga. Ilang dekada na ang lumipas, ngunit patuloy pa ring ginagamit ng mga taga-Zamboanga ang wikang ito bilang kasangkapan sa kanilang pakikipag-usap hanggang sa kasalukuyan. Waring nanahan sa lugar kung saan nagmula—simbolo ng tapang at saysay ng salita sa pakikidigma at pagbaklas ng sistema ng pananakop.
Bagaman nahahaluan na ng Tagalog, iniingatan pa rin ang wikang Chabacáno dahil sa dalisay na kasaysayan nito. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Maria Anya Patricia Nacuda, tubong Zamboanga, inihayag niyang mas winiwika niya ang Filipino tuwing nasa Maynila, ngunit hindi pa rin nalilimutan ng kaniyang dila ang wikang Chabacánong ipinasa pa ng kaniyang lola. Pagbabahagi niya, “For me, it serves as my parang representation ng identity ko as a Zamboangueña, kasi it’s not something na naiintindihan ng lahat. . . so it holds a lot of heritage to it.”
Gayunpaman, hindi pa rin matatakasan ang katotohanang isa ang Chabacáno sa mga wikang unti-unti nang naisasantabi ng mga taong nagsasalita nito. Para kay Nacuda, kahit hindi niya inaasahan ang paglaho ng Chabacáno sa hinaharap, may posibilidad pa ring mabawasan ang kaalaman tungkol dito, lalo pa at nababahiran na rin ang paggamit nito ng iba pang wika. Hudyat nito, hinihikayat niyang mabigyang-pagkakataon ang mga susunod na henerasyong linangin ang kanilang mga sariling wika sa mga paaralan upang pigilan ang tuluyang paglaho ng mga ito.
Napipintong pahimakas
May mga wakas na hindi nasisilayan ng mga mata. Dahan-dahan at akala hindi kailanman darating hanggang tuluyan na lamang maging alaala. Madalas ganito rin ang pagkamatay ng isang wika, graduwal at hindi namamalayan; inaakalang nariyan pa, subalit naglaho na.
Ayon sa KWF, nahahati sa mga klasipikasyon ang digri ng panganganib ng wika—ligtas, hindi ligtas, tiyak na nanganganib, matinding nanganganib, malubhang nanganganib, at naglaho. Nakabatay ang mga kategoryang ito sa dami ng mga henerasyong nagsasalita ng isang wika. Sa kaso ng Chabacáno, nangangahulugan ang hindi ligtas na estado nitong ginagamit ang mga barayti ng wika hanggang sa henerasyon ng kabataan, subalit sa iilang larangan na lamang.
Sa panayam ng APP kay Dr. Deborrah Anastacio, propesor mula sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University-Manila, binigyang-diin niyang nakasalalay sa mismong mamamayang nagsasalita ng wika ang pagpapanatili sa buhay nito. Pagpapalawig niya, malaki man ang gampanin ng pamahalaan at akademya sa paglikha ng mga programa upang ikintal ang esensiya ng wika, walang makakamit na tagumpay sa naturang misyon hanggang hindi niyayakap ng komunidad bilang bahagi ng kanilang identidad ang mga ito.
“Napakahalagang pangalagaan [ang wika], dahil repleksiyon iyon at kumakatawan doon sa kultura, danas, [at] kasaysayan ng bayan na nagsasalita nito,” pagpapaunawa ni Anastacio. Kaakibat ng bawat salitang Chabacánong sinasambit ng mga taga-Zamboanga ang paggalang sa kulturang hinulma ng kanilang mga ninuno sa mahabang proseso ng pakikibaka. Hindi lamang mensahe ang naipapasa sa daanan ng wika, ngunit maging ang kasaysayan at tradisyong natatangi mula sa iba.
Bansag ng kamalayan
Higit pa sa naiwanang bakas ng pagkalupig, dimasalang patunay ang mga wikang creole sa matatag na diwa ng mga Pilipino. Gampanin ng mga lokal na wika ang masusing maisalaysay ang kuwento ng lahing marunong tumindig, umangkop, at magpanibago. Masiglang pamana ng mayamang nakaraan ang mga pagkakaiba-ibang nagbibigkis sa ating identidad.
Bagaman malaking bagay ang indibidwal na paggamit ng wika at pagpapasa nito sa susunod na henerasyon, marapat na patnubayan ito ng kongkretong adhikain sa lehislatura upang lubos na mapangalagaan. Naninindigan si Anastacio na nararapat pag-ibayuhin ang mga programang Mother Tongue-Based Multilingual Education. Higit na mapalalalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral gamit ang kani-kaniyang rehiyonal na wika habang napalalapit sila sa kanilang kultura at sariling pagkakakilanlan. Pagsasaad niya, “Mahalaga ang batas na nakabatay sa pangangailangan ng bayan at [ang] masusing implementasyon nito para sa ikakaunlad ng bayan.”
Wika ang kaluluwa ng ating bayan. Gayunpaman, tila naiiwanan sa kahapon ang pananagutang itaguyod ito sa ating paggising sa globalisadong lipunan. Dahan-dahang tinatapalan ng panibagong mga kultura hanggang tuluyang mapiit ang mga ito sa nakaraan. Nakalilimutan na ng karamihang hindi matatawaran ang papel ng wika sa paghubog ng kamalayan ng bawat batang Pilipino, at gayundin ng buong bayan. Hindi ba’t mas natural at epektibong kinalalakhan ng mga bata ang wikang pinakamalapit sa kanilang puso at tahanan?