Kahinaan ng grievance system, nananatiling hamon sa DLSU

Kuha ni Betzaida Ventura at Likha ni Trisha Louise Abon

KINAHAHARAP ng De La Salle University (DLSU) ang mga suliranin sa kahabaan ng proseso, takot sa paghahain, at mababang antas ng kamalayan ng mga estudyante kaugnay ng grievance system ng Pamantasan.

Nakapaloob sa Seksyon 6 ng Student Handbook ang karapatan ng mga estudyanteng maghain ng grievance case na pangangasiwaan ng mga miyembro ng administrasyon ng Pamantasan at University Student Government (USG). Ginagabayan naman ng Judiciary student advisers (SA) ang mga estudyante sa kabuoang proseso nito.

Sistema ng hustisya

Tinalakay nina SA Director Jesame Mundala at dating SA Director Regine de Guzman sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kanilang proseso para sa pagsusumite at pangangasiwa ng mga grievance complaint. Ibinida nilang nagsisimula ito sa pagsagot ng estudyante sa online grievance form na hihingin ang kaniyang pangalan, sitwasyon, at hinahangad na resulta.

Magtatalaga naman ang SA director ng isang miyembrong aagapay sa apektadong estudyante upang tumungo sa mga hakbang ng informal grievance at mabigyang-pagkakataon ang magkabilang panig na magkaroon ng maayos na usapan. Itataas lamang ang kaso sa formal grievance sakaling hindi maresolbahan ng impormal na diyalogo ang hinaing ng estudyante.

Sa bahagdang ito, inirerekomenda ng SA na dumulog ang naghain sa department chair o mga opisinang may kinalaman sa kaniyang hinaing. Direktang makikipag-ugnayan ang mga nabanggit na awtoridad sa inirereklamong propesor. Humahantong sa formal grievance ang mabibigat na suliranin, kagaya ng pagbabago ng grado.

Magtatagal ng hanggang anim na araw ang pagproseso ng kinauukulan sa mga naturang reklamo. Makatatanggap naman ang estudyante ng tugong nararapat niyang sagutin sa loob ng partikular na bilang ng mga araw. May kakayahan din ang department chair na magpatawag ng pagpupulong kasama ang mga kasangkot na tauhan bago magbigay ng hatol batay sa inilatag na ebidensiya.

Maaari pang itaas ng estudyante ang kaso sa Ad Hoc Grievance Board na binubuo ng associate dean, senior faculty member, USG president, college president, at department chair. Ibinahagi ni de Guzman na kadalasang nareresolba ang mga nasabing kaso sa lebel na ito, ngunit may karapatan ang mga estudyanteng umapela sa pangulo o provost ng DLSU.

Isinaad ni Mundala na akademikong isyu ang karaniwang pinag-uugatan ng mga grievance complaint, partikular na ang mga hinaing kaugnay ng petsa ng pagpapasa ng mga takdang-aralin, hindi patas na marka, at reklamo sa paraan ng pagtuturo ng propesor.

Ipinunto naman ni de Guzman ang labis na kahabaan ng proseso ng formal grievance at ang pagkawala ng karapatan ng estudyanteng isaboses ang kaniyang hinaing dahil sa mahigpit na takdang petsa para sa pagsasakatuparan ng mga hakbang nito.

Tinukoy nina Mundala at de Guzman ang paghintay ng tugon mula sa mga opisina at pagsunod sa mga takdang petsa ng pagsusumite ng kasagutan bilang mga pangunahing suliranin ng mga estudyante sa grievance process. Sa kabilang banda, isinaad ni Mundala na nagiging hamon din para sa mga estudyanteng tanggapin ang kanilang mga pagkakamali o kapabayaan.

Pagsilip sa likod ng bawat ulat

Ipinahayag ni de Guzman na hindi pa lubos na epektibo ang grievance process sa Pamantasan. Wika niya, “Kailangan magkaroon ng awareness among all the professors na mayroong grievance process, and we have to be more proactive to [implement] it. Tapos, the awareness of the students that there is a grievance process.”

Inilahad naman ni Reneese Aquino, dating BLAZE2025 batch legislator, sa APP na batid ng mga Lasalyanong may grievance system sa Pamantasan. Gayunpaman, nagdudulot ng kalituhan ang kanilang kakulangan ng impormasyon ukol sa detalyadong proseso nito.

Isiniwalat ni Aquino na bigong maipatupad ng USG ang Student Grievance Redress Act na ipinasa ng Legislative Assembly noong Nobyembre 2023. Nilayon nitong magdaos ng grievance workshop para sa bawat kolehiyo upang mabigyang-linaw ang naturang proseso para sa mga opisyal ng USG at regular na estudyante.

Ibinahagi ni Vina Villamayor*, ID 122, sa APP na napagdesisyonan niyang ituloy ang paghahain ng academic grievance sa kabila ng pangamba sa magiging reaksiyon ng kaniyang propesor dahil sa pagbibigay-balidasyon ng mga estudyanteng opisyal na makatarungan ang kaniyang hinaing.

Gayunpaman, inamin ni Villamayor na nagdulot sa kaniya ng mental na kapaguran ang pinagdaanang proseso at walang pinagkaibang resulta nito. Pagninilay niya, “Sa huli, [may] pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, dahil wala na kaming magawa para baguhin ang mga nangyari.”

Nakisimpatiya si de Guzman sa nararamdamang agam-agam ng mga estudyante sa pagsampa ng grievance laban sa kaguruan. Aniya, nagmumula ito sa awtoridad ng mga propesor, takot ng mga estudyanteng mabigyan ng mas mababang marka, o posibilidad na muling maging guro ang kanilang mga inireklamo.

Sa kabila nito, nanindigan si de Guzman para sa pagbibigay-suporta sa mga estudyante. Pangako niya, “Gustuhin man ng mga SA na ibigay ‘yung grade na deserve mo or i-serve ‘yung justice, we don’t have the power to decide on the case. . . Pero what I could guarantee you is that the SA are always here to guide you on the process and you can talk to them.”

*Hindi tunay na pangalan