
Pagpapahiya sa panawagan ng Pilipinas at maliliit na bansa para sa matibay na kasunduan sa hustisyang pangklima ang ikinasang USD300 bilyong anwal na pondong magmumula sa malalaking bansa hanggang 2035 sa United Nations Climate Changes Conference sa Baku, Azerbaijan nitong Nobyembre 2024. Balintuna, dagdag lamang sa utang ng mayayamang bansa ang nasabing halaga gayong matinding kakapusan ito mula sa USD1.3 trilyong kinakailangan bawat taon upang tugunan ang mga isyung pangkapaligiran batay sa siyensiya.
Ayon sa datos ng Potsdam Institute for Climate Impact Research, maiuugnay sa European Union at Estados Unidos na mga sentro ng Rebolusyong Industriyal ang 37.5% pag-init ng mundo mula 1850 hanggang 2012. Sa pagbabago ng kahulugan ng sibilisasyon noong ika-19 na siglo, tangan ng mga industriyalisadong bansa ang emisyon, pang-aabuso sa fossil fuels, at kawalan ng likas-kayang aksiyon. Samantala, pinakaunang naaapektuhan ng matinding pagbabago ng klima ang mga bansang tulad ng Pilipinas na matatagpuan sa lokasyong lantad sa mga sakuna.
Nasa mayayamang bansa ang kakayahang pondohan ang paghilom ng planetang kanilang inubos. Gayunpaman, hindi ito dahilan upang manlimos ang Pilipinas sa mga dayuhan gayong tahasang isinasawalang-bahala ng pambansang gobyerno ang kapakanan ng mamamayan sa mahinang disaster management na nakasalalay sa mga relief operation.
Isiniwalat ng IBON Foundation na umabot sa 2 milyon ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho sa sektor ng agrikultura dulot ng sunod-sunod na bagyo sa Pilipinas nitong mga huling buwan ng 2024. Bunga ito ng kawalan ng konsepto ng maagap na pagpaplano sa bansa. Sa Php10.5 bilyong pagtaas ng 2025 National Disaster Risk Reduction and Management Fund mula sa nakaraang taon, kinakailangang mag-isip ang pamahalaan ng bagong solusyon sa pangmatagalang suliranin ng mga Pilipino.
Tumitindig ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) para sa makatarungang pagsalba sa kinabukasan ng bawat isang nagsisimula sa pangangalaga sa planeta. Naniniwala ito sa makatuwirang pagbuo ng internasyonal na batayan ng legal na responsibilidad ng mga bansa at paggamit ng ipinaglalabang pondo sa interes ng bayan at hindi ng mga nasa upuan.
Sa napakaraming buhay na nabiktima ng mga sakuna at trabahong nawala dahil sa pagkaubos ng likas na yaman, isang nakamamatay na krimen ang pagtakas ng malalaking bansa sa kanilang mga pagkakasala. Kaisa ang APP sa pangangalampag para sa pinansiyal na responsibilidad na hindi makagigipit sa hustisya.