
ITATAYA ang lahat para sa namumukod-tanging pangalan. Gaya ng dalawang mukha ng baraha, kaakibat ng katanyagan ni De La Salle University Lady Spiker Angel Canino ang mga hamon at pambabatikos na tumutupok sa kaniyang naglalagablab na karera. Sa pag-asang tumodas pabalik sa tuktok ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP), nagsisilbing kanlungan ng Berde at Puting koponan ang dedikasyong gumigiti sa puso ni Canino.
Sa pagbugso ng kaniyang ikatlong taon sa Pamantasan, isatititik ni Canino sa panibagong papel ang gampanin bilang kapitana. Nagpupunyagi niyang ibinahagi sa Ang Pahayagang Plaridel na nakahulagpos na ang lubid ng masalimuot na nakaraan at hindi na niya alintana ang mga alingasngas sa pagtinta ng linya sa ibaba ng kaniyang numero.
Hikbi ng makasaysayang entrada
Sa unang pagsabak ng 5’11 outside hitter na si Canino sa UAAP, agad niyang ipinarada ang Pamantasan sa ika-12 kampeonato nito. Ibinulsa rin niya ang indibidwal na parangal na 2nd Best Outside Spiker bukod pa sa pambihirang tambalang titulong Rookie of the Year at Most Valuable Player (MVP). Ikinintal naman ni Canino na hindi kailanman nakaapekto ang mga ito sa kaniyang pamamayani. Bida ng tubong Bacolod, “After ng award na ‘yon, the day itself, wala nang effect sa’kin ‘yon, kasi what’s done is done.”
Kilala man bilang isa sa mga pinakadekoradang atleta sa liga, binigyang-linaw ni Canino na wala pa sa hangganan ang kaniyang mithiin. Kasabay ng paglalim ng kuwento niya sa paligsahan, patuloy na nagpapabigat sa 21-anyos na atleta ang ekspektasyong kaniyang binabalikat. Higit pang pinakurba ang postura ni Canino ng mga nakaririnding panunuligsa, lalo na nang pumalya ang Lady Spikers na depensahan ang kanilang titulo noong Season 86.
Sa mga napipiping sigaw at napauurong na luha, napagwaring itinatak ni Canino ang damdamin ng pagkabigo. Paninindigan niya, “Kung dito nag-fail kami, next time, alam na namin kung ano’ng gagawin namin, kasi alam [na] namin ‘yung feeling.”
Dalawang talim ng kasikatan
Nakamtan ni Canino bilang isang manlalaro ang rurok ng tagumpay, subalit mabibigat na pagsubok at mga hindi matatawarang hamon ang naging kaanib ng kaniyang bawat hakbang. Habang tinatamasa ang panalo sa loob ng kort, dala rin ni Canino ang matinding pamumuna mula sa mga kritiko.
Tila mga pangil na patuloy na sumusugat sa kaniyang emosyon ang mga negatibong komentong ibinabaon sa kaniya. Pagtatapat ni Canino, “I wouldn’t say na walang epekto talaga sa’kin [‘yung mga kritisismo]. Kasi, kung sasabihin ko ‘yon, hindi ako tao.”
Sa halip na malugmok sa mga batikos, ginamit ni Canino ang mga ito bilang inspirasyon sa paghasa ng kaniyang talento. Nagsilbing mantra ng Ilonggang mas bigyang-pansin ang pagpapabuti ng kaniyang kakayahan at bitawan ang mga bagay na nasa labas ng kaniyang impluwensiya, tulad ng opinyon ng iba. Sa bawat dagok ng mga hamon, hinubog niya ang kaniyang mga kahinaan bilang sandata upang makabangon mula sa pagkatalo at patuloy na lumaban para sa pangarap.
Pagsulong ng bagong liderato
Sa nalalapit na pagsisimula ng kanilang kampanya sa UAAP Season 87, mas mabibigyang-kulay ang mga tungkulin ni Canino bilang bagong kapitana ng Taft-based squad. Sinindihan na niya ang tanglaw para sa pagbalangkas sa panibagong hamon at pag-alis ng pasanin ng kompetisyon sa puso at isipan ng kampo.
Determinadong ipinaalam ni Canino ang kaniyang mithiing ibalik ang trono sa Pamantasan. Gayunpaman, hindi maikakaila ang bigat ng kanilang pagkatalo noong Season 86, gayong hindi nila naabot ang gintong gantimpala sa kabila ng lahat ng isinakripisyo ng kanilang tagapagsanay na si Ramil De Jesus.
Sa paghawak niya sa baton ng luntiang pangkat, masigasig na iniwan ni Canino ang mga katagang, “I also have that pride na gusto [ko] habang nandito ako sa La Salle, mag-champion kami. Alam ko ‘yung feeling na natalo at sobrang sakit. At ayaw kong maulit [iyon] habang nandito ako sa La Salle.”
Hindi lamang pagpupursigi ang ipinakikita ni Season 85 Rookie-MVP Canino sa pagtapak niya sa makasaysayang entablado ng UAAP. Sa kabila ng mga mapanuring matang nakasubaybay, taas-noo niyang sinusuong ang bawat hamon hindi lamang para sa sarili, ngunit maging para sa pamayanang Lasalyano. Sa bawat pagkamada, minamarkahan ni Canino at ng buong Lady Spikers ang kanilang dedikasyong muling pagningningin ang pumusyaw na Berde at Puting liwanag.