![](https://www.plaridel.ph/wp-content/uploads/2025/02/photo_2025-02-11_20-00-45-1024x682.jpg)
“Edukasyon, edukasyon, karapatan ng mamamayan!”
IDINAOS ng University Student Government (USG) ang isang unity walk sa De La Salle University – Manila bilang pagtutol sa nakaambang pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon 2025–2026, Pebrero 5.
Nagsimula ang protesta sa Yuchengco Grounds at nagpatuloy sa Central Plaza, St. Joseph Hall Walkway, Velasco Hall, at Cory Aquino Democratic Space. Nagtapos ito sa Amphitheater upang ganapin ang talakayan hinggil sa panukalang 0% tuition fee increase (TFI) at mga rekomendasyong isinumite sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF).
Abot-kamay na edukasyon
Pinangunahan ni Juan Miguel Agcolicol, college president ng Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education, ang kaniyang talumpati tungkol sa mithiin ni San Juan Bautista De La Salle na gawing abot-kamay ang edukasyon para sa lahat. Pagpapatuloy niya, “He wanted to make education as accessible as possible, for individuals who wanted to learn, [to give them] a chance to continue education [and] to mold their future.”
Ikinabahala ni Sofia del Rosario, executive vice president ng Santugon sa Tawag ng Panahon, ang mungkahing taasan ang matrikula sapagkat napipilitang isaalang-alang ng mga Lasalyano ang kanilang kakayahan na ipagpatuloy ang pag-aaral sa Pamantasan. Aniya, galing sa sakripisyo at dedikasyon ng mga Lasalyano at kanilang pamilya ang bawat pisong kinikita nila.
Itinuturing naman ni Hannah Castillo, college president ng Ramon V. del Rosario College of Business, ang pagtaas ng matrikula bilang balakid sa potensyal na pagbabago sa kinabukasan ng mga Lasalyano. Giit niya, “We are not asking for a free pass, we are demanding fairness.”
Isinalaysay naman ni Darlene Cayco, college president ng College of Liberal Arts, ang karanasan ng ilang estudyanteng kinailangan ng scholarship o trabaho upang mapondohan ang kanilang edukasyon. Ipinahayag din niya ang posibilidad ng pagtigil ng ilang mga estudyante sa kanilang pag-aaral bunsod ng posibleng pagpapatupad ng 8% pagtaas ng matrikula.
Kinuwestiyon din ni Liway Molines, miyembro ng Anakbayan Vito Cruz, ang hindi pagtamasa sa kabuoang halaga ng matrikulang ibinabayad ng mga Lasalyano bawat termino. Wika niya, “Itong pagtataas ng matrikula ay isa lamang galamay na pribadisasyon ng mga serbisyo at karapatan.”
Ipinunto naman ni Laguna Campus Student Government President Nauj Agbayani na nagiging balakid sa kalidad na edukasyon ang limitadong saklaw ng mga programa, serbisyo, at oportunidad sa Laguna Campus.
Pagputol sa siklo
Iginiit ni Alfonso Arteta, college president ng Carlos L. Tiu School of Economics, na tumututol siya sa antas ng implasyon bilang basehan ng pagtaas ng porsyento sa bayarin. Ayon sa kaniya, hindi pribilehiyo ang isang dekalidad na edukasyon bagkus dapat itong maging abot-kamay sa lahat. Bilang kinatawan ng mga Lasalyano sa MSCCTF, nangako siyang lalaban siya para sa 2,271 estudyanteng sumagot sa TFI survey na nagbabalak na tumigil sa pag-aaral.
Dumaing din si USG Executive Treasurer Bianca Manzano para sa mga estudyanteng apektado ng tuition fee increase. “Let us protect the drive, not just for ourselves, but for every student who deserves the chance to stay here and thrive as a student,” paghihikayat niya.
Tiniyak ni USG President Ashley Francisco na patuloy ang panawagan ng kanilang opisina para sa pagsulong ng 0% tuition fee increase. Inaasahan din niyang magkakaroon ng pantay na oportunidad at karanasan ang bawat Lasalyano.
Ipinabatid naman ni Manzano sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang gaganapin na town hall meeting kasama ang MSCCTF bilang huling programa ng #TamaNaFees campaign. Sa ilalim ng proyektong ito, tatalakayin ang mga resulta sa usaping TFI kasama ang iba pang miyembro ng komite.
Ipinaglaban din ni James Almazon, ID 122 mula sa Bachelor of Arts in Sociology, sa APP ang karapatan ng bawat kabataan para sa kalidad na edukasyon. Pagtindig niya, “If we all congregate here, then change will happen.”