ITINAMPOK ng Akbayan Youth, isang progresibong politikal na organisasyon, ang kanilang bisyon sa gitna ng mga lumalalang isyung panlipunan sa bansa sa idinaos na Akbayan Youth Orientation Seminar, Enero 15.
Isinulong sa diskusyon ang pagtataguyod ng isang makatarungang lipunang may pantay na oportunidad at karapatan para sa lahat. Pinagtuunan din ng pansin ang malalim na suliranin ng kahirapan at diskriminasyon sa bansa. Pinangunahan ni Ken Paolo Gilo, Akbayan Youth vice chairperson, ang talakayan, na nagbigay-diin sa papel ng kabataan sa paghahanap ng makabago at makabuluhang solusyon para sa isang mas inklusibo at progresibong hinaharap.
Kaagapay sa hamon
Ipinahayag ni Gilo ang kaniyang mariing pagtutol sa Php61.2 bilyong pondo para sa Reserve Officers’ Training Corps, iginiit niyang may mas agarang pangangailangan ang lipunan. Aniya, dapat unahin ang paglalaan ng pondo sa mga pangunahing suliranin tulad ng kakulangan ng mga silid-aralan, guro, at counselor upang matiyak ang dekalidad at inklusibong edukasyon para sa lahat.
Ipinunto rin ni Gilo na mas nagiging mahirap para sa nakararami ang makahanap ng pag-asa at solusyon sa kanilang mga suliranin dahil sa umiiral na elitistang demokrasya sa Pilipinas. Bunga nito, direktang naapektuhan ang mga kabataan, na hindi rin ligtas sa mga hamong dulot ng pamamayani ng political dynasty at kapitalismo sa bansa.
Sa harap ng mga hamong ito, patuloy na isinulong ng Akbayan Youth ang pagpapabuti ng kasanayan ng kabataan at pagbibigay-inspirasyon tungo sa pagbuo ng isang progresibong lipunan. Giit ni Gilo, “Sa pagkakaisa, hindi pangarap ang pagbabago, kundi isang hangaring abot-kamay.”
Pagpapalalim ng kaalaman
Inilatag ni Gilo ang mga hakbang na isinusulong ng Akbayan Youth upang palakasin ang tinig ng kabataan. Kabilang dito ang pagpapalalim ng kaalaman ng mamamayan sa mga isyung panlipunan, pagpapalawak ng kanilang partisipasyon sa mga pampublikong diskurso, at pagtataguyod ng mga makatarungang lider na magsusulong ng mga polisiyang magbibigay-priyoridad sa pantay na representasyon at kapangyarihan ng bawat sektor ng lipunan.
Ipinaalala ni Gilo na hindi lamang sa pagboto nakabatay ang isang demokratikong bansa, kundi sa aktibong pakikilahok ng mamamayan sa mga desisyon at hakbang na direktang nakakaapekto sa kanilang buhay.
Hinimok din ni Gilo ang kabataan na sumali sa mga diskurso at protesta upang maipahayag ang kanilang paninindigan at labanan ang arbitraryong paggamit ng kapangyarihan.
Pag-asa ng bayan
Ipinabatid ni Gilo ang kaniyang mensahe ng pag-asa at lakas sa mga kabataan. “[Nananahan] ang tunay na kapangyarihan sa kamay ng nakararami at sa pamamagitan ng kolektibong aksiyon,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni Gilo, hindi kailangang gumamit ng dahas upang umunlad. Aniya, isang paalala itong hindi makakamtan ang pagbabago sa pamamagitan ng paglabag sa karapatang-pantao.
“Hindi lamang ideya ang pag-asa, kundi aksiyon na pinagmumulan ng pagbabago. Ang kabataan, sa kanilang lakas, tapang, at pagkakaisa, ang magdadala ng liwanag sa gitna ng dilim,” mensahe ni Gilo.