Agarang aksiyon para sa climate emergency, isinulong sa KAMALAYAN

Kuha ni Betzaida Ventura

BINIGYANG-LALIM sa Kamustahan ng Malalayang Lasalyano (KAMALAYAN) ang usapin ukol sa pagbabago ng klima at kahalagahan ng pagdeklara ng climate emergency sa Pilipinas sa pangunguna ng De La Salle University Committee on National Issues and Concerns at Sustainability Hub-Manila sa Teresa Yuchengco Auditorium, Enero 15.

Nagbigay-aral sina Lou Arsenio, ecology coordinator ng Roman Catholic Archdiocese of Manila; Yolanda Esguerra, kinatawan ng Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI) at Arnold Belver, deputy chief ng Policy Research and Development Division ng Climate Change Commission (CCC) tungkol sa temang “Hamon sa Climate Emergency”.

Gumanap bilang tagapagpadaloy ng diskusyon sina Dr. Jerome Montemayor, propesor ng graduate program ng Department of Biology for Environmental Science, at Vida Mar Maylem, environmental sustainability and governance specialist ng Center for Social Action and Concern.   

Pagsulong tungo sa pangangalaga ng kalikasan

Ibinahagi ni Arsenio ang kahalagahan ng Laudato Si’, isang encyclical letter na isinulat ni Pope Francis para sa lahat ng mamamayan ukol sa pangangalaga ng planeta. Idiniin niya rin ang kahalagahan ng dekalidad na edukasyon ukol sa mga usaping pangkalikasan. 

Patuloy namang isinusulong sa kamara ni Esguerra, katuwang ang PMPI, ang kampanya para sa pagkilala ng Rights of Nature bilang batas sa pangangalaga ng kalikasan. Aniya, “Ang ibig sabihin kasi ng kampanya na ito ay bibigyan natin ng karapatan [ang] ating ekosistema at nature, hindi lamang ang tao.” 

Hinikayat din ni Esguerra ang pagkakaroon ng paradigm shifting upang baguhin ang pakikitungo ng mga tao sa kalikasan at hindi ito ituring na ari-arian lamang. Ipinapanawagan din nila ang pagdeklara ng climate emergency sa mga Local Government Unit (LGU) upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa gitna ng mga isyung pangkalikasan.

Binuksan naman ni Belver ang talakayan tungkol sa pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa pananalasa ng Bagyong Ondoy noong 2009. Buhat ng trahedyang ito, nabuo ang CCC na nagmamandatong gumawa at pag-aralan ang mga proyekto at polisiya ng gobyerno ukol sa pagbabago ng klima. Kinakatawan din aniya ng komisyon ang Pilipinas sa mga internasyonal na negosasyon ukol sa kalikasan.

Gayundin, iginiit ni Belver na global, historic, at systemic ang isyu sa pagbabago ng klima dahil hindi hawak ng isang bansa ang solusyon para rito. Paghahamon niya, “How do we transform this takot to actions para matugunan natin ‘yung usapin ng climate change?”

Kampanya laban sa pagkasira ng kalikasan

Tinukoy ni Belver na kaakibat ng pag-unlad ng ekonomiya ang pag-abuso sa mga likas na yaman. Isinisi naman ni Esguerra sa konsumerismo ang pagkasira ng kalikasan. Gayundin, binigyang-halaga niya ang pagkakaroon ng tamang batas upang mabigyang proteksyon ang kalikasan laban sa maling pagtrato ng mga tao rito.

Inalmahan naman ni Arsenio ang mga negosyante at kompanyang nagpapatayo ng naglalakihang imprastraktura. Pagdidiin niya, “The mentality of business industries is born out of greed.”

Ipinabatid ni Belver ang pangangailangan ng “just transition” para sa mga kompanya tungo sa green development. Ipinahayag niyang responsibilidad ng gobyernong ibigay sa mga kompanya ang mga pangangailangan upang baguhin ang kanilang sistema para mapababa ang carbon emission.

Isiniwalat din niya ang pagkukulang sa implementasyon ng mga batas na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan. Wika niya, “We are good [at] creating laws but fail to implement [them]. Implementation of law is really a challenge.” 

Inanyayahan ni Arsenio ang mga estudyante ng Pamantasan na sumulat upang hikayatin ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ideklara ang climate emergency sa lungsod. Samantala, ipinaalala naman ni Belver na kinakailangan munang magkaroon ng climate literacy bago maglunsad ng climate emergency ang LGU.

Dagok sa pamumuhay 

Ipinaalam naman ni Dr. Brian Limson, propesor mula sa Department of Biology, na nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng pinakamataas na climate change anxiety. Pahiwatig niya, “This is another concern and soon we will be needing a climate therapist.”  

Ibinuod naman ni Joseph Rosal, director ng DLSU Sustainability Hub-Manila, ang mahahalagang paksang umikot sa buong diskusyon ng climate emergency. Ipinunto niyang ang agarang aksiyon tungo sa pangangalaga ng kalikasan ang nangibabaw sa kabila ng pagkakaiba ng mga tagapagsalita. 

Gayunpaman, humingi ng kapatawaran si Antonio Maralit, executive director ng University Sustainability Office, sa mga estudyanteng nakiisa sa diskusyon dahil bigo ang kanilang henerasyong pigilan ang paglala ng epekto ng nagbabagong klima. Pangangatuwiran niya, “ We came from that memory where we had a chance—all these things you are experiencing, we were in a time [that] could have been avoided.”

Pinayuhan naman ni Montemayor ang mga estudyante na baunin ang mga aral na kanilang napulot mula sa diskusyon upang makagawa ng maayos na desisyon para sa kanilang kinabukasan.