INILUKLOK bilang mga batch president sina Nicole Sagovac ng 78th ENG, Kevin Tejano ng 79th ENG, Aliexandra Po ng CATCH2T25, Annika Campos ng CATCH2T26, Kiana Hernaez ng EXCEL2027, at Aaliyah Villanueva ng EDGE2024 sa ikatlong espesyal na sesyon ng Legislative Assembly, Enero 15.
Pinangalan din sina Andre Villanueva bilang deputy ombudsman at Isaac Armogenia bilang FAST2021 batch legislator. Kinilala naman sina Aiquin Manansala, Aliyah Climacosa, Michael Marasigan, Danelle Morales, Abegail Magaling, Ahyel Rodriguez, at Lydia Alaguena bilang mga opisyales ng Laguna Campus Student Government (LCSG).
Pagtalaga sa opisyales ng LCSG
Binuksan ang sesyon para sa opisyal na pagluluklok ng mga kinatawan ng LCSG. Unang sumalang si Manansala at tinalakay ang mga hangarin para sa Pamantasan. Tututukan aniya ang pagsasaayos sa mga sistema at proseso ng LCSG, at bubuo ng mga seminar para sa mga opisyal ng kanilang sangay.
Pagbibida ni Manansala, “I see myself contributing to the development of LCSG; tasks will be more efficient and we will see results.”
Ipinunto naman ni Chief Legislator Zach Quiambao ang mga prosesong nangangailangan ng pagbabago sa LSCG. Tiniyak ni Manansala na bibigyang-pansin niya ang pagpapabatid sa mga bagong halal tungkol sa panloob na sistema ng kanilang sangay.
Iniluklok si Manansala bilang secretary ng LCSG sa botong 5-3-0.
Isinusulong naman ni Climacosa ang pagkakaroon ng allowance para sa mga estudyanteng may pangangailangang pinansyal sa Laguna campus. Layunin din niyang magkaroon ng transparency report na naglalaman ng mga ulat ukol sa kabuoang gastusin at kita na nagmumula sa mga proyekto ng LCSG.
Inilatag ni Climacosa ang mga pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng kanilang programa. Nakabatay aniya ito sa kanilang isusumiteng Certificate of Indigency at Letter of Appointment.
Isinapuwesto si Climacosa bilang LCSG treasurer sa botong 5-0-3.
Inihain ni Marasigan ang kaniyang mga proyektong naglalayong maging tulay para sa mga estudyante ng College of Science ng Laguna campus. Kabilang sa kaniyang mga adhikain ang paglulunsad ng COSamahan, isang general assembly na gaganapin kada termino. Isusulong din niya ang Ecosphere, isang student services database, na naglalaman ng mga kasagutang nakatuon sa mga maaaring tanong ng mga Lasalyano hinggil sa Laguna COS.
Ibinida rin ni Marasigan ang kaniyang planong baguhin ang pangalan ng College of Science Student Government (COSSG) at gawin itong mas angkop sa mga unit sa Laguna campus.
Nanalo sa pagiging kinatawan ng LCSG COS si Marasigan sa botong 8-0-0.
Palalakasin naman ni Morales ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang batch sa pamamagitan ng CLAmustahan. Hangad din niyang magdaos ng mga aktibidad tulad ng isang classical guitar concert at screening ng mga pelikulang may kaugnayan sa People Power Revolution.
Itinalagang kinatawan ng LCSG CLA si Morales sa botong 8-0-0.
Idaraos naman ni Magaling ang Student Voice Hub, isang platapormang magsisilbing direktang daan para sa mga estudyante ng CCS sa Laguna campus upang iparating ang kanilang mga hinaing at mungkahi sa administrasyon. Ibinahagi rin niya ang Expanding OJT Horizons at Code and Conquer, isang coding competition, na naglalayong gumawa ng mga robot gamit ang recycled materials.
Inaprubahan si Magaling bilang kinatawan ng LCSG CSS sa botong 8-0-0.
Maghahanda naman si Rodriguez ng isang Engineering Exhibition Fair na naglalayong magbigay oportunidad sa mga Lasalyano mula sa GCOE Laguna na maibahagi ang kanilang mga proyekto at makipag-ugnayan sa iba pang mga eksperto.
Hangad ni Rodriguez na makapagbahagi ng mga materyales sa pag-aaral para sa mga estudyante sa ilalim ng programang PahingENG Notes at PahingENG Lab. Isusulong din niya ang ENGcyclopedia upang suriin ang mga aspektong maaari pang pagbutihin ng administrasyon.
Pinangalanan bilang kinatawan ng LCSG GCOE si Rodriguez sa botong 8-0-0.
Itatatag naman ni Alaguena ang COBee Project: Brews and Bites upang bigyan ng libreng kape at pagkain ang mga Lasalyano tuwing midterms at finals exam. Nais din niyang ilunsad ang Unitary Business Summit, isang kolaborasyon sa pagitan ng iba’t-ibang kolehiyo sa Laguna na mag-iimbita ng mga kilalang negosyante upang magbahagi ng kanilang kaalaman.
Kinilala si Alaguena bilang kinatawan ng LCSG COB sa botong 8-0-0.
Pagkompleto sa mga batch president ng USG
Isinusulong ni Sagovac ang Building Opportunities and Outstanding Skills for Tomorrow or BOOST, isang buong-buwang kaganapang naglalayong ihanda ang ID123 sa pagtatrabaho. Bibigyan din nito ng oportunidad ang mga Lasalyanong mag-pitch ng mga proyekto sa harap ng mga propesor at mga propesyonal sa iba’t-ibang espesyalidad ng engineering.
Isasagawa rin niya ang One Hour and One Change: Pitch It, Build It, Change It, isang plataporma para sa pagsusumite ng mga project proposal, na naglalaman ng engineering-based sustainability solutions. Nais din niyang makipagtulungan sa Ateneo Environmental Science Board at ibang non-governmental organization.
Hinirang si Sagovac bilang 78th ENG batch president sa botong 8-0-0.
Ibinahagi ni Tejano ang kaniyang layuning ipatupad ang ENGBox, isang centralized platform para sa ID124 GCOE, na naglalaman ng mga mahahalagang link at tutorial videos para sa enlistment.
Pinaplano rin niyang ilunsad ang proyektong CoreConnect, isang culminating event, na magtatampok ng mga paligsahan tulad ng bridgemaking gamit ang popsicle sticks. Nais din niyang mag-imbita ng mga lider-publiko tulad nina Kiko Pangilinan at Chel Diokno upang palawigin ang kamalayan ng mga Lasalyano sa darating na eleksyon.
Iniluklok si Tejano bilang 79th ENG batch president sa botong 8-0-0.
Bubuhayin muli ni Po ang Facebook page at student services committee ng CATCH2025 para matiyak na naaabot ng mga mahahalagang anunsiyo ang kanilang batch. Hangad din niyang aktibong makipag-ugnayan sa USG at sa Computer Studies Government President Hannah Tayzon upang direktang matugunan ang mga problema ng kanilang batch hinggil sa graduation at pagtatrabaho.
Inusisa ni Quiambao ang motibasyon ni Po sa pagtakbo dahil magtatapos na siya sa kaniyang programa. Salaysay niya, “After working with so many people in the batch, I’ve come to realize that I think now is the most important time to actually stay in position and to further assist them, because they were able to give me their trust in the first place.”
Hinirang si Po bilang CATCH2T25 batch president sa botong 8-0-0.
Ibinida ni Campos ang gagawin niyang Notion workplace at buwanang newsletter para malinaw na mailahad sa CCS 122 ang mga napapanahong anunsiyo tulad ng iskedyul ng mga kaganapan ng kaniyang unit at mga bukas na oportunidad sa internship. Ilulunsad din niya ang Peer Learning Service at bubuo ng mga study group para sa mga interesadong Lasalyano upang makatulong sa kanilang pag-aaral.
Inihalal si Campos bilang CATCH2T26 batch president sa botong 8-0-0.
Ilulunsad ni Hernaez ang “Sulong, Pinunong Ekonomista,” isang aktibidad na naglalayong paigtingin ang pagtutulungan at kakayahan ng SOE na mamuno. Isasagawa rin niya ang “Paglakaw sa Kinabukasan,” isang community engagement project, na naglalayong matulungan ang mga SOE na maunawaan ang tungkulin ng kanilang propesyon.
Binusisi ni Cayanan ang plano ni Hernaezsa ukol sa pagbibigay-tulong sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF). Isinaad ni Hernaez na kasalukuyang tumutulong ang School of Economics Government sa nabanggit na inisyatiba.
Manunungkulan si Hernaez bilang EXCEL2027 batch president sa botong 8-0-0.
Isasagawa ni Aaliyah Villanueva ang “CEDukado sa PagBOTO”, isang online na kampanya, na naglalayong magbigay ng tagubilin sa proseso ng pagboto at mga mahalagang impormasyon ukol sa mga tatakbong kandidato. Mag-iimbita rin siya ng mga tagapagsalita upang talakayin ang mga paksang may kaugnayan sa mental health at sa pagtatrabaho.
Kinilala si Villanueva bilang EDGE2024 batch president sa botong 8-0-0.
Tututukan naman ni Andre Villanueva ang pagpapalawak sa kamalayan ng pamayanang Lasalyano hinggil sa Office of the Ombudsman gamit ang Student Government Recruitment Week dahil kaunti lamang aniya ang nakakaalam hinggil dito.
Itinanghal si Andre Villanueva bilang deputy ombudsman sa botong 6-2-0.
Isusulong ni Armogenia ang Telehealth Equity Bill na naglalayong payagan ang mga Lasalyano na magkaroon ng virtual na konsultasyon sa mga doktor ng Health Services Offices (HSO). Sa kasalukuyan, kinakailangan pa aniya ng mga estudyanteng pumunta sa HSO upang magpa-apruba ng excused absence.
Ipaglalaban din niya ang Post-Trauma Academic Success at Support Bill, na magbibigay ng akademikong akomodasyon para sa mga Lasalyanong nakaranas ng karahasan, pananakit, o mga nakakapinsalang insidente.
Isinapormal ang pagkakaluklok kay Armogenia bilang FAST2021 batch legislator sa botong 8-0-0.