Araw-araw na panghimagas: Tamis ng pagtitindang ginagabayan ng pananampalataya at pamilya

Kuha ni Payapa Julia Guieb

Sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa pait ng buhay, kinakailangan ng tamang sukat ng mga sangkap upang patamisin ang ilang sandali. Panghimagas ang karaniwang hinahanap ng panlasa; siyang paalalang maaari pa ring asahan ang tamis sa dulo ng samot-saring danas. 

Bunsod ng mga hamon, kani-kaniyang kayod ang mga tao upang matustusan ang araw-araw na pamumuhay ng sarili at pamilya. Para sa mga negosyante, biyayang maituturing ang bawat mamimili ng kanilang produkto. Sa anomang halaga, nabibigyan sila ng pag-asang magpatuloy. Hirap mang makipagsapalaran sa buhay, ginhawa ang naidudulot ng bawat naibebentang panghimagas.

Puhunang galing at alay sa Kaniya

Sala-salabid ang daan sa paghahanapbuhay. Nararapat na kumayod, dumiskarte, at magpakatatag upang makakain at mairaos ang pang-araw-araw na pangangailangan. Puhunan ni Danilo Ortilla, o mas kilala bilang Kuya Danny, ang pananampalataya sa Diyos. Mula taong 2019, itinatag na niya ang kaniyang pangalan bilang lokal na tagapaghatid ng matatamis na ligaya sa labas ng Green Mall sa Taft Avenue, Maynila. Napangingiti ang kaniyang mga suki sa pagbebenta niya ng iba’t ibang panghimagas tulad ng cookies, brownies, graham balls, at iba pa. Sa lokasyong madalas daanan ng mga estudyante, isa itong abot-kaya at simpleng kasiyahan matapos ang mahabang araw ng pag-aaral. 

Malaking hadlang sa pagtitinda ng mga negosyante ang minsang matumal na benta. Sa ganitong mga pagkakataon, binabawasan niya ang dinadalang produkto upang hindi ito masayang. Ani Kuya Danny sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), “sa biyaya ng Diyos na pinapadala Niya, kaya nabebenta lahat.” Sa walang kapagurang pagsisikap at pananatiling positibo sa buhay, bakas lagi ang kaniyang pagtitiwala sa Panginoon sa pagpapalang mauubos ang kaniyang paninda.

Ibinahagi rin niyang umuuwi siya nang mas maaga kaysa sa karaniwan tuwing Martes upang makadalo sa kanilang lingguhang Bible study. Hindi alintana ang pagiging abala niya sa negosyo upang bigyan ng puwang sa kaniyang buhay ang Maykapal. Lagi niyang dalangin, “Panginoon, hihintayin ko ‘yung ipapadala mo. . . itong pagtitinda ko ay para sa ‘yo e.” Nananatili ang tiwala sa pusong lubos na nananampalataya—ito ang ilaw na hindi napupundi sa kabila ng mga hamong sumusubok kumitil sa kaniyang mga hangarin. 

Pamilyang sandigan

Humuhugot si Kuya Danny ng lakas at inspirasyon mula sa pagmamahal ng kaniyang pamilya—isang liwanag na patuloy na gumagabay sa bawat unos ng buhay. Nang hindi na siya makabalik sa dating trabaho noong 2017, inudyok siya ng kaniyang asawang magtinda na lamang ng leche flan at ube halaya. Katuwang naman nila sa paggawa ng bawat produktong binebenta ang kaniyang pamangkin na mula pa sa Cavite. Sa kanilang tulong, unti-unting dumarami ang mga produktong tinatangkilik ng mga guro at mag-aaral sa kaniyang negosyo. 

Malaki ang utang na loob ni Kuya Danny sa kaniyang pamilya. Para sa kaniya, sila ang dahilan upang higit siyang magpursiging kumita. Nagsisilbing pambayad ng kuryente, tubig, at iba pang gastusin ang kaniyang mga naiipon mula sa pagtitinda. Tunay na nasusuklian ng grasya ang mga nagkakaisa. Sa pagsuporta ng kaniyang mga mahal sa buhay, patuloy siyang nagsusumikap upang makatulong pabalik sa kanila. 

Pagbalik ng pagtangkilik

Maaaring maging pampagana bago simulan ang araw, o magsilbing pantawid gutom matapos ang maghapong pagsusumikap ang kaniyang mga produkto. Puwede rin itong gawing regalo para sa mga kaibigan, o kaya isang handog para sa minamahal. Gaano man kasimple ang dahilan, tiyak na kailangan ng bawat isa ng tamis sa araw-araw na daloy ng buhay.

Sa pagbili sa mga maliliit na negosyo tulad ng kay Kuya Danny, malalaking mga pangarap ang natutupad. Isang grasya mula sa Diyos ang pagsubaybay sa kaniyang mga paninda. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa pagdapo ng dapithapon, buong puso niyang inihahatid ang tamis at ligaya sa bawat tumatangkilik sa kaniyang paninda.