HINIRANG sina Xymoun Rivera bilang vice president for external affairs (VPEA) at Nauj Agbayani bilang pangulo ng Laguna Campus Student Government (LCSG) sa ikalawang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Enero 11.
Itinalaga naman sina Darlene Cayco, Kiko Osis, Miggy Agcolicol, at Alfonso Arteta bilang mga college president ng Arts College Government (ACG), Engineering College Government (ECG), College Government of Education (CGE), at School of Economics Government (SEG). Inaprubahan din ang pagbibitiw ni Brent Pasague bilang associate magistrate ng Judiciary (JD).
Pagkompleto sa pinakamatataas na puwesto
Iniangkla ni Rivera, dating chief presidential advisor ng Office of the President (OPRES), ang kaniyang mga plano para sa Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) sa layunin ng 15th University Student Government (USG) na itaguyod ang isang “Realized Lasallian Purpose.”
Pagpapalawig niya, “My vision for [the] OVPEA is an OVPEA that is driven by purpose and defined by action. . . Gusto ko, ‘yung mga proyektong ilalabas namin, nakaangkla [sa mga] pamantayan natin. . . Gusto ko, ‘yung mga proyekto natin, nagla-last siya nang matagal.”
Tututukan ni Rivera ang mga usaping pambansa at pampolitika, kaunlaran ng komunidad, at panlabas na oportunidad para sa mga estudyante bilang VPEA. Ilan sa kaniyang mga plataporma ang pagtatatag ng sistema para sa mga inilalabas na pahayag ng USG.
Nais din ni Rivera na isakatuparan ang institusyonalisasyon ng Boto Lasalyano, Sulong Pilipino para sa Halalan 2025 na tutukoy sa kanilang i-e-endosong kandidato at ipapasa ang syllabus ng kursong human rights democracy upang mailunsad ito sa College of Liberal Arts (CLA). Palalawakin din niya ang Animo Skillsprint para sa karanasang propesyonal at isasapubliko ang Disaster Risk Reduction Management Manual para sa kaligtasan ng mga estudyante.
Ibinida ni Rivera na nakabuo siya ng mahigit 19 na proyekto para sa ikalawang termino matapos ang mabilisang pagtatalaga sa kaniya bilang officer-in-charge ng OVPEA nitong Disyembre 2024.
Binusisi ni Jules Valenciano, CATCH2T28, ang desisyon ni Rivera na maglingkod bilang VPEA gayong nauna siyang kumandidato para sa posisyong executive treasurer noong Special Elections (SE) 2023. Giit ni Rivera, “I don’t think na transferring from an OTREAS [Office of the Executive Treasurer] candidate to being [in the] OVPEA now is something that is a big factor, because. . . it has been over more than a year already and my role [and] skillset has been changed.”
Pinangalanan si Rivera bilang VPEA sa botong 8 for, 0 against, at 0 abstain.
Isasaayos naman ni LCSG President Nauj Agbayani ang kanilang mga intercampus at administratibong proseso. Nakasentro din ang kaniyang mga programa sa paghahatid ng mga panlabas na oportunidad sa mga estudyante at pagpapalakas ng kanilang pangkalahatang partisipasyon.
Isusulong ni Agbayani ang Laguna Initiative Process for Activity Development na mag-aapruba sa mga bagong organisasyong pang-estudyante sa De La Salle University Laguna Campus. Tutugunan nito ang maliit na bilang ng mga naturang grupo bunsod ng kawalan ng akreditasyon mula sa Council of Student Organizations Laguna Campus at mababang antas ng kaalaman ng mga estudyante hinggil sa mga proseso.
Paninimulan din ni Agbayani ang Sports Adoption and Development Program na magbibigay-pagkakataon sa mas maraming estudyanteng atleta sa tulong ng Office of Sports Development. Salaysay niya, “We are also looking into getting some organizations that are currently based in Manila to have satellite organizations in Laguna under the supervision of CSO in Laguna [so that] the communication and data gathering [would be faster].”
Sinuri ni Chief Legislator Zach Quiambao ang opinyon ni Agbayani sa usaping paghihiwalay ng LCSG at USG sa harap ng nakaambamg pag-enmiyenda ng Konstitusyon. Ipinaunawa ni Agbayani na naaayon ang mga hakbang ng LCSG sa pagpapairal ng Pamantasan sa mga operasyon nito sa iba’t ibang kampus.
Pagbibigay-diin niya, “I think that moving forward, a more united USG and ensuring that people and visitation are happening in both campuses would be key in revising the Constitution. Just people participation and equal representation lang talaga.”
Iniluklok si Agbayani bilang pangulo ng LCSG sa botong 8-0-0.
Serbisyong tutok sa CLA at GCOE
Pinahalagahan ni Cayco ang pinaigting na representasyon, oportunidad, at kolaborasyon sa pagbuo ng isang “Purpose-Driven Liberal Arts Community.”
Palalakasin ni Cayco ang suporta sa mga estudyante ng CLA gamit ang proseso ng pagdaan ng mga reklamo at katanungan sa kanilang student services (SS) team bago iakyat sa administrasyon ng Pamantasan. Maglulunsad din siya ng ACG website para sa lahat ng mga isyung nakatuon sa SS at gagawing ground service room ang espasyo ng kanilang tanggapan sa St. Miguel Hall Room 205.
Pangungunahan naman ni Cayco ang pagbuo ng lifetime partnership kasama ang College of Liberal Arts Professional Organizations upang mabigyang-pansin ang pangangailangan ng mga estudyante mula sa 13 departamento ng CLA. Ipinanukala rin niya ang “A Bill Calling for Partnership Exchange Programs Towards the Accredited Schools in DLSU.” Gayundin, magpapamahagi si Cayco ng working students grant at mental health subsidy.
Itinanghal si Cayco bilang pangulo ng ACG sa botong 8-0-0.
Nahahati naman sa tatlong bahagi ang mga plano ni Osis para sa pagsasakatuparan ng adbokasiyang “Engineering Opportunities for You.” Isasaalang-alang ng mga proyekto sa ilalim ng Shaping Professionals, Optimized Support, at Engineered Wellness ang mga propesyonal at personal na aspekto ng buhay-estudyante sa Gokongwei College of Engineering.
Paglalahad ni Osis, “I experienced entering frosh na wala akong kaalam-alam. I was very fortunate enough na may mentor akong nakuha. . . I want to be someone na kahit mahirap siyang gawin para sa kanila ay gagawin ko pa rin para magsilbing inspirasyon para sa kanila.”
Inihalal si Osis bilang pangulo ng ECG sa botong 8-0-0.
Matatandaang nabigong tumakbo sina Cayco at Osis bilang mga kandidato ng Santugon sa Tawag ng Panahon para sa mga parehong puwesto bunsod ng mga aberya sa paghahain ng Certificates of Candidacy nitong SE 2024.
Mga adhikain para sa BAGCED at CLTSOE
Inilatag ni CGE President Miggy Agcolicol ang kaniyang planong magtakda ng mga course representative at pagbutihin ang SS sa Br. Andrew Gonzalez College of Education (BAGCED). Iniugnay niya ito sa magkakaibang anunsiyong natatanggap ng kanilang mga estudyante dahil sa mga departamentong kinabibilangan nila.
Makikipag-ugnayan din si Agcolicol sa mga organisasyon upang makapaghandog ng oportunidad na nakapokus sa tatahaking karera ng kanilang mga estudyante. Ibinalita niyang may mga lumapit na sa kaniyang mga paaralan, organisasyon, at lingguwistiko upang magrekluta o magbahagi ng kanilang adbokasiya sa BAGCED.
Isinapormal si Agcolicol bilang pangulo ng CGE sa botong 8-0-0.
Iprinisenta ni Arteta ang kaniyang mga hangarin para sa SEG. Binigyang-diin niya ang inklusibidad at inobasyon bilang mga salik sa pagpapatupad ng mga pangmatagalang proyekto. Pagtindig ni Arteta, “What we need for us to be sustainable are long-term innovative projects that would not only resolve problems that are currently experienced by the students, but also problems that would be encountered by the future School of Economics students.”
Idaraos ni Arteta ang Dataverse Analytics Bootcamp na layong hasain ang kasanayan ng mga estudyante sa paggamit ng mga data analytics software, kagaya ng Stata, R, at Python. Bukod dito, nais niyang ipagpatuloy ang mga nasimulang programa ng mga nagdaang administrasyon ng SEG.
Tiniyak naman ni Arteta na patuloy na susuportahan ng SEG ang kampanya ng OPRES at OTREAS laban sa pagtaas ng matrikula gamit ang pagbibigay ng kinakailangang datos.
Inusisa ni Ken Cayanan, FAST2024, ang plano ni Arteta upang mapagtibay ang mga isinasagawang aksiyon ng SEG bilang bahagi ng Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees. Ani Arteta, “The School of Economics is very small. . . With that, I made sure that I’m opening this particular endeavor of the SEG to all batches. And I’m thankful that I’ve seen [the ID] 124 and 123 students help us in making those research data.”
Inaprubahan si Arteta bilang pangulo ng SEG sa botong 8-0-0.
Pagsasara ng isang kabanata
Ipinarating ni Quiambao ang iniwang mensahe ni Pasague kasabay ng kaniyang paglisan sa puwesto. Nagbalik-tanaw ang dating mahistrado sa malalaking kasong hinawakan niya, kabilang ang Peñaflor v. Gaw noong SE 2023 at SANTUGON v. COMELEC nitong SE 2024.
Binigyang-diin din ni Pasague ang kaniyang pagtuligsa sa ipinataw na diskalipikasyon sa LIKAS COALITION sa nakaraang halalan bilang isa sa mga hindi niya malilimutang kontribusyon sa JD. Saad ni Pasague, “I advocated for a liberal interpretation of election laws—an approach I believe was more aligned with our shared goals of inclusivity—in opposition with my fellow magistrates.”
Ipinasa ang resolusyon sa botong 8-0-0.
Ibinahagi ni Quiambao sa Ang Pahayagang Plaridel na nagbitiw si Pasague dahil sa kaniyang pagkakatalaga bilang komisyoner ng Law Commission.
Sunod namang ihahain sa LA floor ang pagluluklok ng mahigit 20 opisyal para sa mga batch student government ng USG.