Pagwawakas ng kabanata: Mga panapos na programa ng administrasyong Hari-Ong, inilatag sa huling SSG

Mula DLSU USG

NAGBALIK-TANAW si 14th University Student Government (USG) President Raphael Hari-Ong sa mga nailunsad na inisyatiba ng USG sa unang termino ng akademikong taon 2024–2025 sa kaniyang huling State of Student Governance, Disyembre 20.

Pinasadahan ni Hari-Ong ang mga naipatupad na proyekto ng Office of the President (OPRES), Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA), Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA), Office of the Secretary (OSEC), at Office of the Executive Treasurer (OTREAS) sa naturang termino. Nagpasalamat din siya sa lahat ng kuwento, suliranin, at hangarin ng pamayanang Lasalyanong ipinagkatiwala sa kaniya.

Dedikasyon at serbisyo ng OPRES

Binuksan ng OPRES ang termino sa pagsulong ng proyektong Archer’s Homebound na nagtampok ng mga aktibidad para sa pagbabalik-eskuwela ng mga Lasalyano, kabilang ang AniMovie Night at Archers Got Talent. Nilayon ng mga itong pagtibayin ang samahan at ipamalas ang talento ng mga estudyante ng De La Salle University (DLSU).

Naipasa rin ng OPRES ang polisiyang Approved Absences for Menstruation-Induced Pain bilang tugon sa hamong pangkalusugan ng mga estudyante nitong Nobyembre. Bida ni Hari-Ong, “We proudly presented this groundbreaking policy proposal to the Academics Council, making a significant milestone, as it is a rare privilege for the USG to be included in this decision-making body.”

Pinangunahan din ng opisina ang Archer’s Access, isang inisyatibang matagumpay na nakapagpahiram ng walong laptop bawat termino. Umagapay ito sa mga akademikong pangangailangan kaugnay ng nararanasang limitasyon sa teknolohiya ng mga estudyante. Dinagsa naman ang proyektong ID on Wheels: Passport on Wheels ng OPRES at Department of Foreign Affairs na nakapaghatid ng tulong para sa aplikasyon at renewal ng pasaporte sa mahigit 500 Lasalyano.

Muli namang nasaksihan ang pagtitipon-tipon ng mga miyembro ng pamayanan sa pagdiriwang ng Animo Christmas 2024 na gumunita sa diwa ng kapaskuhan sa kampus. Hindi nawala sa selebrasyon ang Gift Box Donation Drive para sa mga estudyante mula sa mga karatig-lugar ng DLSU na St. La Salle Preschool at mga Barangay 717 at 714.

Nagkakaisang layunin ng ehekutibong sangay

Binigyang-atensiyon ni Hari-Ong ang Lasallian Mission Week 2024 na nagtaguyod sa misyon ng Pamantasang magbigay-serbisyo sa mga nasa laylayan. Pinangasiwaan ito ng OVPIA bilang kaagapay ng Office of the Vice President for Lasallian Mission nito ring Nobyembre.

Tumatak sa mga aktibidad ng makabuluhang linggo ang Para sa Bayan: Tinig ng Kabataan para sa Bansang Nakaugat sa Paglilingkod na panel discussion kasama si Atty. Chel Diokno, gayundin ang Gabriela Women’s Party-list at Kabataan Party-list.

Nanumbalik naman ang Archer’s Kitchen ng OVPIA, katuwang ang Parents of University Students Organization, na sumuporta sa mga estudyante sa kanilang mga midterms at pinal na pagsusulit. Isinakatuparan din ng nasabing opisina ang Lasallian Teachers’ Appreciation Day na nagbigay-pugay sa dedikasyon ng mga guro sa Pamantasan.

Inorganisa naman ng OVPEA ang She Bangs na beneficiary concert ng mga Lasalyano para sa Correctional Institute for Women. Pinamunuan din nila ang The Martial Law Anniversary – Alab ng Alaala: Remembrance and Resistance na sumariwa sa kasaysayan ng Batas Militar sa mga ikinasang eksibit, forum, prayer vigil, at solidarity walk para sa ika-52 anibersaryo nito.

Binigyang-pagkakataon naman ng OSEC ang mga estudyanteng ipakalat ang kanilang mga akademikong sarbey at bumuo ng plataporma para sa pinaigting na kolaborasyon sa pananaliksik sa Lasallian Research Pulse. Inilunsad din ng kanilang opisina ang Sign It Forward, isang palihan ukol sa deaf awareness at sign language, upang palawigin ang inklusibidad sa pamayanang Lasalyano.

Samantala, nakapagpamahagi ang OTREAS ng mga scholarship at assistance grant sa mahigit 150 estudyante. Ilan sa kanilang mga naipatupad na programa ang Unified Sectoral Scholarship Program, Dean’s Lister Grant, at Working Students Assistance Grant. Nakalikom din ang OTREAS ng Php1.2 milyon para sa mga iskolar ng USG mula sa Handog: Himig ng Lasalyanong Pasko Bazaar 2024.

Mensahe ng alaala at pag-asa

Binigyang-diin ni Hari-Ong na testamento ang kanilang nagdaang panunungkulan sa kolektibong dedikasyon upang isabuhay ang misyong Lasalyano. Wika niya, “Bawat proyekto ay itinaguyod hindi lamang bilang tugon sa pangangailangan, kundi bilang patunay ng ating malasakit sa isa’t isa bilang mga Lasalyano.”

Hinimok din ni Hari-Ong ang pamayanang Lasalyanong pagnilayan ang bawat hamon, tagumpay, at sandaling puno ng pasasalamat na bumuo sa mga nakalipas na termino. Sa pagtatapos ng kaniyang pamamahala, ikinintal ng Pangulo ang pagtiyak na napapansin, napahahalagan, at nabibigyang-lakas ang bawat estudyante bilang patunay ng pagtamasa sa “Genuine Lasallian Experience.”

Kaugnay nito, ipinaabot ni Hari-Ong ang kaniyang pagbati sa pamayanang Lasalyano ngayong Pasko at sa huling pagkakataon. Sambit ni Hari-Ong, “Ito ang diwa ng pagiging Lasalyano—ang maging tagapagbigay ng pag-asa sa bawat isa.”