Balota: Kilabot at katatawanan ng politika 

mula Cinemalaya

Mataas na sahod, mababang bilihin—mga malimit na bukambibig ng mga kandidato tuwing panahon ng halalan. Sa paulit-ulit na pangako ng pagbabago mula sa mga politiko, patuloy na umaasa ang taumbayan para sa pag-unlad at magandang kinabukasan. Subalit, sa kabila ng makukulay na slogan at magagarang plataporma, madalas ding nananatili bilang pawang salita ang mga ito. Naiiwang nakatanghod ang mga Pilipino sa bulaang panata ng mga politikong naglalaho na lamang kasabay ng pag-upo sa puwesto. 

Talamak din ang pagbili ng boto, pananakot, at maging pagpatay na tila bahagi na ng demokrasya sa bansa. Handang gawin ng karamihan sa mga kandidato ang lahat manalo lamang sa halalan—umabot man sa pandaraya o karahasan. Walang habas na sumisira sa lipunan ang mga gawaing hindi kumikilala ng batas at nagiging sanhi ng takot at pagkabasag ng tiwala ng mga tao sa sistema.

Bunsod nito, lumilitaw ang pangangailangan para sa mas malalim na pag-unawa at pagsusuri sa ating mga karapatan bilang mamamayan. Ano nga ba ang halaga ng boto sa patuloy na pambababoy ng mga ganid na politiko rito? Sa direksiyon ni Kip Oebanda, nagsilbing salamin ng lipunan ang pelikulang Balota—isang paanyayang muling pag-isipan ang papel ng mga botante at gamitin ang boses ng bayan laban sa katiwalian.

Bigat ng balota

Sa pagbukas ng malawak na iskrin, bumungad ang bidyo ng mga kandidatong nangangampanya para sa paparating na eleksiyon. Kaagapay nito ang mga himig na madaling matandaan at bisuwal na naghahatid ng halakhak. Malinaw nitong isiniwalat ang layunin ng mga kandidatong sina Edraline at Hidalgo, na ginampanan nina Gardo Versoza at Mae Paner, upang himukin ang boto ng masa. 

Tampok bilang Teacher Emmy, binigyang-lalim ni Marian Rivera ang danas ng isang ina at gurong naatasang maging isa sa mga tagapagbantay ng balota sa eleksiyon. Subalit, nauwi sa mas malalim na tungkulin ang simpleng responsibilidad ng pagbantay sa kahon ng mga boto—ang pagtanggol sa masang Pilipinong tunay na pinagmumulan ng kapangyarihan.

Hindi likas sa mga nasa tuktok ng lipunan ang kapangyarihan, kaya’t nararapat lamang alalahaning may angking lakas ang masang pinaglilingkuran. Sa pagkamit ng makatarungang pamamahala, nananahan sa mamamayan ang silakbo ng paglaban. Isinabuhay ang siklab na ito ng mga taong nakapalibot kay Teacher Emmy, gaya ng anak niyang si Enzo, na ginampanan ni Will Ashley, at ng pulis na si SPO1 Morales, na pinagbidahan ni Royce Cabrera. Ibinigay nila ang kanilang buong lakas upang maisalba si Teacher Emmy mula sa mga kamay ng tusong si Edraline. Sa suporta ng mga tunay na kakampi, ipinagpatuloy nila ang laban at itinaya ang buhay para sa bayan.

Kargo ni Teacher Emmy hindi lamang ang bigat ng dilaw na kahong dala-dala, ngunit maging ang kinabukasan ng kaniyang bansa. Higit pa sa sandatang panglaban sa mga nagtatangka sa kaniyang buhay ang naging gampanin ng pagkaposas ng kaniyang kamay sa bitbit na kahon. Isa rin itong pagpapahayag sa bigat ng bawat boto, sapagkat maaaring maging susi ito sa pagpapalit ng liderato.

Gayunpaman, bigong makamit ang pagbabago sa pilit na pagsusumiksik sa puwesto ng mga taong walang hangad na pagsilbihan nang tapat ang taumbayan, tulad na lamang nina Edraline at Hidalgo na parehong mukha ng trapo. Tunay na mahalaga ang boto ng bawat indibidwal. Ngunit habang pare-pareho ang nauupo at walang pagbabagong hatid ang pagpipilian, nararamdaman ang paghina ng demokrasya sa bayan.

Balimbing na emosyon 

Hindi man pangkaraniwan ang karahasang ipinakita sa pelikula, ipinaramdam ng Balota ang magulong emosyon sa panahon ng eleksiyon. Walang labis at mahusay ang pag-usli ng emosyon mula sa iskrin tungo sa madla. Takot, kaba, tuwa, at pag-aalala—tumatagos ang magkakahalong damdamin sa bawat eksena. Kagaya ni Teacher Emmy, binalot din ang mga manonood ng nakapanlulumong kawalan ng pag-asa sa kamay ng mga kontrabida. Nagbunyi naman ang madla sa sama-samang pag-aalsa ng mga tauhan tungo sa tagumpay. Sa huli, nagdalamhati ang mga manonood sa mga dumaang trahedya sa buhay ng mga karakter.

Tunay ang damdaming tumagos sa manonood, ngunit repleksiyon nga ba ito ng mga pangyayari sa realidad ng eleksyion? Gaya ng mga teleserye, isteryotipiko ang depiksiyon ng Balota sa politika, kaya hindi maiwasang mapatanong hinggil sa kalapitan nito sa totoong mundo. Nakatatawa rin minsan ang mga eksenang sinusubukang palalimin ang tensiyon, kaya nakalilitong panoorin ang pagbalanse ng komedya sa seryosong tema ng pelikula. Subalit, hindi rin nalalayo ang paglalarawang ito sa mundo sa labas ng iskrin. Natatawa rin naman ang mga Pilipino sa komedyang ipinamamalas ng mala-sirkong politika sa Pilipinas, kahit pa sa seryosong mga paksa.

Sa pagtatapos ng kuwento, mapagtatantong isa itong salamin ng ating nakababaliw na lipunan. Mistulang nakakikilabot na komedyang may halong drama ang mabuhay sa Pilipinas.

Simulan sa matalinong pagboto

Sa pagdaan ng bawat halalan, nabibigyang-linaw ang kalagayan ng demokrasya sa bansa. Kadalasang nagiging pansamantala at walang laman ang pangako ng mga kandidato, kaya naiiwan ang mga mamamayan sa estado ng pagdududa at pagkabigo. Mula sa pagbili ng boto hanggang sa pananakot sa mga sibilyan, humahadlang ang maruruming taktika ng mga politiko sa inaasam ng bayang pagbabago.

Ngunit hindi rin dito nagwawakas ang tunay na istorya. Nananatili sa kamay ng mamamayan ang pagpili sa mas makatarungan at maliwanag na kinabukasan. Hindi lamang isang likhang-sining ang pelikulang Balota, bagkus isa itong panawagan at paalalang may halaga ang bawat boto at may kapangyarihan ang boses ng masa. Isang hakbang tungo sa pagbabago ang pag-unawa ng ating mga karapatan bilang mamamayan. Ito ang magiging basehan sa bawat pagboto—sino nga ba ang kandidatong ipaglalaban ang kapakanan ng mga Pilipino?

Sa gitna ng mga pagsubok at pagsusumikap, patuloy na umasa at lumaban para sa lipunang may saysay upang magawang realidad ang bawat pangarap. Sa pagkilos ng mga botante, naaaninag ang hangarin mula sa loob ng kahon ng balota tungo sa madidilim na sulok ng ating sistema.