MASIGABONG IPINAGDIWANG ng pamayanang Lasalyano ang Animo Christmas 2024 sa temang “Diwa ng Pasko, Nasa Puso ng Bawat Lasalyano” na inorganisa ng Office of the President at Office of the Executive Treasurer (OTREAS) sa De La Salle University (DLSU), Nobyembre 18 hanggang Disyembre 9.
Binuksan ang selebrasyon sa Christmas Message Writing at Giftbox Donation Drive booths sa Don Enrique T. Yuchengco Hall Cave. Sinundan ang mga ito ng Handog: Himig ng Lasalyanong Pasko Bazaar na nakalikom ng Php1.2 milyon para sa mga scholarship ng OTREAS.
Itinampok naman ang photobooth, pambungad na programa, pagpapailaw ng Christmas tree, at Animo Christmas Concert sa Corazon Aquino Democratic Space (CADS). Isinara ng mga boluntaryo ng Lasallian Buddy Day ang isang-buwang kasiyahan sa pagbahagi ng diwa ng Pasko sa mga bata.
Muling pagkutitap ng Pasko
Malugod na sinalubong ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC ang Lasalyanong Pasko sa kaniyang pambungad na talumpati. Ipinaalala niya sa mga Lasalyanong nakalaan ang panahon ng kapaskuhan para sa kanilang mga mahal sa buhay. Higit sa lahat, binigyang-halaga niya ang sama-samang paggunita sa kapanganakan ni Hesukristo bilang isang pamilyang Lasalyano.
Ikinintal din ni Oca na hindi lamang isang pagdiriwang ang Animo Christmas. Pagninilay niya, “We celebrate, but we also remember those who are in need, those who are victims, [and] those who do not feel secure. Let us remember them [and let] our hearts go out to them not only by intention, but by action.”
Ipinamalas naman ng mga organisasyon mula sa Culture and Arts Office at mga miyembro ng iba’t ibang sektor ng pamayanan ang galing at husay ng mga Lasalyano sa kani-kanilang inihandang pagtatanghal at sa isinagawang tagisan ng talento. Samantala, nagningning sa gitna ng gabing bumalot sa kampus ang pinakainabangang lineup ng Animo Christmas Concert.
Binigyang-buhay ng P-Pop boy group New:ID ang konsiyerto sa kanilang debut single na Ghost. Nangharana rin sila sa awiting The Day We Meet Again na sumimbolo sa hangarin ng mga Lasalyanong tagahangang masaksihan muli ang rookie artists sa entablado.
Hindi naudlot ang himig ng pag-ibig sa pagtapak ng bandang Over October sa harap ng CADS. Pinainit nila ang maagang Pasko ng mga manonood hanggang sa kanilang huling awiting Ikot.
Nagpakilig naman ang kumpas ng gitara ng Original Pilipino Music ensemble na The Ridleys para sa unang kanta sa kanilang setlist na Strangest Love. Mistulang makata rin nilang inawit ang mga liriko ng Aphrodite, Prodigal’s Anthem, Summertown, Meaningful Silence, Love Is, at Be With You.
Patuloy namang lumakas ang hiyawan ng mga Lasalyano sa presensiya ng drag queen na si Viñas DeLuxe bilang Mariah Carey. Nagtapos ang mga pagtatanghal sa mga sayaw at awitin ni Denise Julia, kagaya ng Sugar n’ Spice, Butterflies, at NVMD.
Sentimiyento ng mga Lasalyano
Inilahad ni Cherry Cipriano, ID 124 mula Bachelor of Science in Pre-Med Physics, na nagsilbing pagkakataon ang Animo Christmas upang muling makakita ng mga kaibigan at pamilyar na mukha sa kampus. Pinagkalooban din siya nito ng pahinga mula sa mga akademikong gawain.
Hiling naman ni Cipriano na lalong mapagbuti ang pamamalakad ng susunod na sentral na komite ng Animo Christmas sa proyekto, partikular na sa pagpapalawak ng abot ng kanilang mga social media post sa mas maraming estudyante.
Binigyang-halaga rin ni Zairylle Danica Navarroza, ID 121 mula Bachelor of Science in Civil Engineering with specialization on Transportation Engineering, ang nangingibabaw na pagkakaisa ng mga Lasalyano tuwing idinaraos ang Animo Christmas.
Gayunpaman, ipinunto ni Navarroza na walang naging malaking pagbabago sa naturang programa sa tatlong taong pamamalagi niya sa Pamantasan. Giit niya, “Halos pare-parehas ang ganap bawat Animo Christmas, kaya alam na alam na [ng mga estudyante] ang mga ganap taon-taon. ‘Yung tipong hindi mahuhulaan sana at panibago [ang matunghayan sa susunod].”
Sinubukan ng Ang Pahayagang Plaridel na kunan ng panayam ang sentral na komite ng Animo Christmas 2024, subalit wala pang natatanggap na kasagutan ang publikasyon sa araw ng pagkakasulat ng artikulong ito.