INANI ng mga estudyante at kawani ng De La Salle University (DLSU) ang bunga ng kanilang masigasig na paglilingkod at pagbibigay-dangal sa pamayanang Lasalyano sa Gawad Lasalyano 2024 na may temang “Alon sa Pagkakaisa: Isang Pagpupugay sa Nagkakaisang Lakas ng Pamayanang Lasalyano” sa Teresa Yuchengco Auditorium, Nobyembre 29.
Itinampok sa gabi ng pagkilala ang mga pangunahing parangal, service merit award, at University commendation.
Pagpapailaw sa entablado ng nagdaang taon
Binigyang-diin ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC sa kaniyang pambungad na talumpati ang hangaring manatili ang pagkakaisa ng pamayanan sa panahong umiiral ang pagkakawatak-watak sa lipunan. Paghalina niya sa mga Lasalyano, “Magtulungan tayo upang maging higit pang inspirasyon sa hinaharap. Ang lakas ng pamayanang Lasalyano ay nasa ating lahat.”
Binalangkas naman nina Screening Committee Chair Abraham Garcia at Vice Committee Chair Juanito Alcazar ang mga tiyak na panuntunan sa pagpili ng mga nagwaging indibidwal sa bawat kategorya. Sinuri ang mga nominado batay sa kanilang mga isinumiteng rekisito, natanggap na ebalwasyon mula sa direktor ng kinabibilangang organisasyon at mga katrabaho, at dinaanang panayam kasama ang mga panelista ng Gawad Lasalyano.
Naging pamantayan din para sa mga pangunahing parangal ang kahusayan sa pamumuno, kontribusyon sa komunidad, at mga nalikom na pagkilala.
Paggawad ng mga pangunahing parangal
Ipinagkaloob ang Gawad Br. Andrew Gonzalez FSC sa Paroon sa Kinamulatan: Isang Balik-Lingkod sa Nueva Vizcaya ng Harlequin Theatre Guild para sa pagpapayabong ng palihan sa larangan ng sining-pagganap. Napabilang sa mga nominado sa naturang kategorya ang Para sa Bayan at Lasalyano 2024 ng Ang Pahayagang Plaridel.
Tinanggap naman ng ENGLICOM ang Gawad Obispo Felix Paz Perez, D.D. na simbolo ng kanilang mga inisyatibang nagpalawak ng ugnayan sa komunidad. Samantala, iginawad kay C/COL Josiah Iñigo Yucoco 1CL ang Gawad Col. Jesus Villamor para sa kaniyang hindi matutumbasang serbisyong pangmilitar. Naglingkod si Yucoco bilang corps commander ng 247th Naval Reserve Officers’ Training Corps Unit (NROTCU) nitong akademikong taon 2023–2024.
Pinarangalan naman si Elayza Vergara, dating company manager ng La Salle Dance Company – Folk, ng Gawad Leandro V. Locsin para sa kaniyang kontribusyon sa pagtataguyod ng sining at kultura. Kinilala rin ang natatanging pamumuno ni Cheryl Patricia Uy bilang pangulo ng Industrial Management Engineering Society sa Gawad Br. Acisclus Michael FSC.
Gayundin, nagsilbing modelo ng disiplina si Chanel Jordan, dating pangulo ng Student Discipline Formation Office (SDFO) Paragons, na pinagkalooban ng Gawad Br. Imar William FSC. Inihandog naman kay Ashley Sensico, co-convenor ng social formation and advocacy ng Center for Social Concern and Action (COSCA) Lasallian Outreach and Volunteer Effort, ang Gawad Fr. Gratian Murray AFSC para sa ipinamalas niyang dedikasyon sa pagpapaunlad sa komunidad.
Pinatunayan naman ni Kim Balasabas, dating punong patnugot ng The LaSallian, ang kaniyang katapatan sa larangan ng midyang pangkampus nang makamtan ang Gawad Ariston J. Estrada, Sr. Samantala, nangibabaw si University Student Government (USG) President Raphael Hari-Ong mula sa walong nominado para sa Gawad Francisco V. Ortigas, Jr. matapos pangalanan bilang natatanging estudyanteng lider dahil sa inialay niyang serbisyo sa pamayanan.
Taos-pusong ikinintal ni Hari-Ong na isang pagdiriwang ng mga prinsipyong Lasalyano, kabilang ang pananampalataya, serbisyo, at pakikiisa, ang isinagawang pagtitipon. Ibinahagi rin niyang hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay bilang pangulo ng USG. Gayunpaman, nagsilbing gabay at motibasyon para sa kaniya ang layuning mabigyang-realidad ang mga katagang “Your Genuine Lasallian Experience.”
Wika ni Hari-Ong, “Ang aming layunin ay maisabuhay ang diwa ng pagiging Lasalyano sa bawat aspekto ng buhay-estudyante—sa akademikong tagumpay, sa extracurricular na tagumpay, at sa bawat sandaling nararamdaman nila na bahagi sila ng mas malawak na komunidad.”
Saludo sa makataong serbisyo
Kinilala ang 161 estudyante para sa kanilang makabuluhang serbisyo bilang miyembro ng mga organisasyong pangkampus na nakatuon sa iba’t ibang adbokasiya, kagaya ng Lasallian Outreach and Volunteer Effort at Red Cross Youth.
Binigyang-halaga rin ang mga kasapi ng Student Lasallian Animators, Lasallian Youth Corps, Liturgical Ministers, at Catholic Religious Organization of Students mula sa Lasallian Pastoral Office (LSPO).
Tumayo sa entablado ang mga estudyanteng kinatawan mula sa Counseling and Psychological Services. Pinagtibay rin ang pasasalamat sa mga kadeteng opisyal ng 247th NROTCU ng National Service Training Program and Formation Office (NFO). Hindi rin nagpahuli ang mga huwarang estudyante mula sa SDFO Paragons, Lasallian Ambassadors, Student Consultants, at Lasallian Ambassadors for Graduate Education.
Sa kabilang banda, ipinagbunyi ang mga service learning faculty ng COSCA na umagapay sa misyong Lasalyano. Kasama sa mga pinarangalan ang mga propesor mula sa mga kolehiyo at yunit ng Pamantasan. Binigyang-pagkilala rin ang mga kawani ng LSPO, Lasallian Social Enterprise for Economic Development, Lasallian Mission Office, at mga katuwang na komunidad.
Bumida sa programa ang pagsusumikap ng mga social engagement lecturer at SAS2000 resource person mula sa NFO. Sa huli, ginawaran ang mga tagapayo ng mga organisasyong pang-estudyante sa ilalim ng Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment.
Muli ring itinatak ang kahusayan ng mga estudyanteng nagtagumpay sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa sa mga larangan ng isports, pakikipagtalastasan, sining, at inobasyon para sa likas-kayang kaunlaran. Ilan sa mga binigyan ng espesyal na pagkilala ang mga natatanging atleta mula sa iba’t ibang koponan ng DLSU, gayundin ang Lasallian Youth Orchestra at mga miyembro ng La Salle Debate Society.