BIGONG MAPATALSIK ng De La Salle University (DLSU) Lady Booters ang Far Eastern University (FEU) Women’s Football Team sa trono, 2–3, sa pagsasara ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Football Tournament sa Rizal Memorial Football Stadium, Disyembre 15. Bunsod nito, nailuklok ang Berde at Puting koponan sa ikalawang puwesto sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Sa gitgitang palitan ng malalakas na sipa, nagliyab ang pag-asa ng pangkat mula Taft matapos ang matibay na pasa ni Chenny Mae Dañoso kay Team Captain Shai del Campo. Subalit, sumala ang tangkang pag-arangkada ng DLSU.
Samantala, bumida ng atake si Season 86 Rookie of the Year Judie Arevalo ng FEU sa ika-28 minuto ng bakbakan upang ibigay ang bentahe sa mga taga-Morayta, 0–1.
Agad namang sinalakay ng Taft-based squad ang kampo ng mga Tamaraw nang umukit ng long-range goal si Dañoso sa ika-33 minuto ng salpukan at itabla ang talaan, 1–all.
Uminit ang opensa ng Morayta-based squad upang higitan ang puwersa ng DLSU. Ginawaran pa ng penalty shot si FEU player Carmela Altiche bago matapos ang first half. Bigong madakip ni goalkeeper Jessica Pido ang lumiliyab na tirada ni Altiche na nagpanumbalik ng kalamangan sa FEU, 1–2.
Naging agresibo ang dalawang koponan sa pagsisimula ng second half. Gayunpaman, nakabuwelo si Lady Booter Rocelle Mendaño upang takasan ang mahigpit na depensa ng Tamaraws at buhayin ang pag-asa ng DLSU, 2–all.
Hindi naman nagpaawat ang FEU nang selyuhan ni Regine Rebosura ang tangkang panapos sa ika-69 na minuto, 3–2. Nagpatuloy pa ang pagpapasiklab ng atake mula sa parehong grupo, ngunit nanaig ang depensa ng Morayta mainstays hanggang sa maupos ang mga minuto sa orasan.
Sa kabila ng kabiguan ng DLSU na agawin ang kampeonato mula sa kamay ng nagngangalit na FEU, dinagundong ng bagong saltang si Lady Booter Dani Tanjangco ang entablado matapos hakutin ang mga parangal na Rookie of the Year, Best Striker, at Golden Boot sa pagtatapos ng torneo.