Green Archers, bigong tumungtong sa ginintuang pedestal ng UAAP

Kuha ni Niño Almonte

DUMUPILAS sa kamay ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang inaasam na tropeo matapos pumailalim sa nakasasapaw na puwersa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 62–66, sa pagwawakas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 15.

Pinasan ni Mythical Five member Mike Phillips ang hanay ng DLSU matapos kumamada ng double-double output na 18 puntos, 12 rebound, dalawang assist, isang steal, at isang block. Umagapay si two-time Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao tangan ang 13 puntos at apat na rebound. Samantala, pinangunahan ni Finals MVP JD Cagulangan ang pagratsada ng Fighting Maroons sa bisa ng 12 puntos, apat na assist, tatlong steal, at dalawang rebound.

Naglipana ang mga pana ng Green Archers sa pag-arangkada ng unang kuwarter nang sumalaksak ng tres si point guard Jcee Macalalag na agad ginatungan ng nagbabagang dunk ni Phillips, 7–6. Nagpumiglas ang hukbo ng Diliman matapos magpasiklab ng one-hand dunk si Francis Lopez, 16–17. Ipinako naman ng Taft-based squad sa tabla ang talaan gamit ang umaatikabong tres ni Macalalag at swift layup ni DLSU rookie Andrei Dungo, 21–all.

Walang-pakundangang inangkin ng Fighting Maroons ang momentum sa ikalawang yugto nang patumbahin ni guard Harold Alarcon ang depensa ni CJ Austria, 26–29. Sa kabila nito, lumilok ng dos si Green Archer Matt Rubico sa loob ng arko, 32–38. Namuhunan naman ng apat na puntos si Phillips mula sa sunod-sunod na pagtapak sa free throw line, 36–40. Gayunpaman, tuluyang napasakamay ng Diliman-based squad ang kalamangan sa bisa ng jump shot ni foreign student-player Dikachi Udodo, 36–42.

Binasag ng floater ni Fighting Maroon Quentin Millora-Brown ang nagyeyelong talaan pagdako ng ikalawang minuto ng second half, 37–44. Nakipagsabayan naman ang mga manunudla sa tulin ng mga taga-Diliman nang magpalitan ng tres sina UP sophomore Lopez at DLSU one-and-done Lian Ramiro, 40–47. Lumobo ang bentahe ng mga nakapula buhat ng 7–0 run sa pangangalaga ni Gerry Abadiano na pumukol ng tres at dalawang free throw, 40–54. Pagpatak ng 4:42 marka, dinagundong ni Green Archer Austria ang The Big Dome gamit ang nag-aalab ng three-point jump shot mula sa pasa ni Vhoris Marasigan, 43–54. Lumikom ng sariling bersiyon ng 7–0 run ang Taft mainstays kasunod ng mga tirada ni power forward Quiambao sa perimeter at Kapitan Josh David sa labas ng arko, 50–56. 

Agad na pinawalang-bisa ni Phillips ang depensa ng katunggali sa kaniyang isinumiteng layup shot upang buksan ang huling kuwarter ng banggaan, 52–56. Sinarado rin ni Quiambao ang ikinamadang kaangatan ng UP gamit ang isang free throw shot at wide-open na tres, 56–all. Gayunpaman, kinabig ni Millora–Brown ang kalamangan pabalik sa Diliman-based squad, 56–58. Sinubukan pang tapyasin ni EJ Gollena ang bentahe ng mga iskolar gamit ang isang pukol mula sa loob ng arko, ngunit hindi na napigilan ng mga taga-Taft ang muling paghahari ng Fighting Maroons sa UAAP, 62–66.

Bunsod ng matinding pagkawasiwas sa Berde at Puting bandila, nabigo ang Green Archers na sundan ang sampung kampeonatong inukit ng koponan sa kasaysayan ng torneo.

Mga Iskor:

DLSU 62 – Phillips 18, Quiambao 13, David 6, Macalalag 6, Agunanne 5, Ramiro 5, Austria 3, Gollena 2, Rubico 2, Dungo 2, Marasigan 0, Gonzales 0

UP 66 – Millora-Brown 14, Lopez 12, Cagulangan 12, Abadiano 9, Alarcon 7, Fortea 4, Stevens 4, Torres 2, Ududo 2, Felicilda 0, Bayla 0, Torculas 0

Quarter scores: 21–21, 36–42, 50–56, 62–66