LUMUPAYPAY ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa pagbangga sa kompletong hanay ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 65–73, sa kanilang unang pasiklaban sa best-of-three finals series ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 8.
Bagaman bigong masikwat ang panalo sa kanilang pag-entrada sa serye, sumakmal ng 19 na puntos si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao kaakibat ang isang assist at block. Umagapay rin sina big man Mike Phillips at EJ Gollena na nagpasiklab ng pinagsamang 28 puntos. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si UP one-and-done Quentin Millora-Brown tangan ang 17 puntos, siyam na rebound, tatlong assist, dalawang steal, at isang block.
Sumulot ng drive si DLSU shooting forward Vhoris Marasigan upang basagin ang malamlam na unang sampung minuto ng tapatan, 2–all. Humarurot naman mula sa labas ng arko si center Phillips upang pakawalan ang panimulang tres para sa Berde at Puting koponan, 5–7. Nagpatuloy ang momentum ng Taft-based squad nang tumikada ng magkakasunod na puntos mula sa loob si sophomore Gollena, 11–9. Tuluyan nang dinomina ng DLSU ang unang kuwarter matapos umabante ng pitong puntos mula sa and-1 ni Phillips, 18–11.
Agad na umariba si Fighting Maroon point guard Terrence Fortea ng isang floater upang ibaba ang kaangatan ng Green Archers pagdako ng ikalawang kuwarter, 18–13. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng mga naka-Maroon sa mga sumunod na minuto ng laro, ngunit kumabig ng layup si Quiambao bago tumira ng isa pang isang three-point shot upang pigilan ang pagpanig ng momentum sa oposisyon, 34–27. Samantala, rumatsada rin si UP Team Captain JD Cagulangan ng tres upang tapyasin sa isang marka ang distansiya ng talaan, 38–37. Subalit, pinagtibay ni point guard Lian Ramiro ang bentahe ng Taft sa bisa ng kaniyang triple shot, 41–37.
Taliwas sa binagtas na kuwento sa first half, hindi naigapos ng Green Archers ang paghagpang ni UP power forward Francis Lopez sa pagbukas ng ikatlong kuwarter, 41–39. Pumoste na rin sa ilalim ang center na si Millora-Brown tangan ang dalawang hook shot na may kasama pang foul, 41–45. Makalipas ang pitong minutong pagsinghap ng Taft mainstays, rumehistro si Phillips sa paint na sinundan pa ng drive ni CJ Austria upang ikadena ang talaan, 45–all. Gayunpaman, sinunggaban ni Cagulangan ang pagpabor ng ihip ng hangin sa mga Diliman matapos pumitik ng tres, 48–52. Winakasan ni Lopez ang kabanata sa bisa ng layup drive upang sukbitin ang apat na puntos na bentahe para sa UP, 50–54.
Bitbit ang hangaring ibalik ang kalamangan sa luntiang panig, pinatahimik ni DLSU center Henry Agunanne ang hiyawan ng mga taga-Diliman gamit ang kaniyang dunk, 52–57. Sa kabila nito, naging maamo ang ring para sa Fighting Maroons nang magsalaksak ng layup si Millora-Brown upang ungusan ang Taft mainstays ng 11 puntos, 54–65. Kumayod pa si Phillips ng dalawang layup sa pagnanais na panipisin ang bentahe ng UP sa apat na marka, 63–67. Subalit, tuluyan nang binura ni Fighting Maroon Gerry Abadiano ang pag-asa ng Green Archers matapos tumira sa labas ng arko sa huling minuto ng laro, 63–67. Sinelyuhan ni UP guard Harold Alarcon ang panalo ng Diliman mainstays mula sa free throw line, 65–73.
Inamin ni Green Archer Phillips sa Ang Pahayagang Plaridel na naghikahos sa opensa ang grupo, partikular na sa ikatlong kuwarter nang makailang beses iluwa ng ring ang kanilang mga tirada. Pagpapakatotoo ng big man, “It’s really hard when your shots are not getting in, when you’re getting pressured, and you’re not able to execute. It’s mentally fatiguing.”.
Sa kabila ng hindi pagpabor ng unang bakbakan ng serye sa defending champions, susubukan nilang pahabain ang torneo at iukit ang parehong tadhana ng Season 86 sa kanilang ikalawang pagtutuos kontra UP sa SM Mall of Asia Arena sa ika-5:30 n.h. sa Miyerkules, Disyembre 11.
Mga Iskor:
DLSU 65 – Quiambao 19, Phillips 17, Gollena 11, Austria 7, Ramiro 5, David 2, Agunnane 2, Marasigan 2, Dungo 0, Macalalag 0, Gonzales 0, Rubico 0.
UP 73 – Millora-Brown 17, Cagulangan 13, Lopez 13, Abadiano 9, Torculas 7, Bayla 5, Alarcon 4, Torres 3, Fortea 2, Stevens 0, Felicilda 0, Ududo 0.
Quarter scores: 18–11, 41–37, 50–54, 65–73.