#TheFinalMove: Animo Squad, bumida sa UAAP Season 87 Cheerdance Competition

mula UAAP Season 87 Media Team

NAGPASIKAT ang De La Salle University (DLSU) Animo Squad matapos ibalandra ang chess-inspired routine na naglapag sa kanila sa ikapitong puwesto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Cheerdance Competition sa SM Mall of Asia Arena, Disyembre 1.

Bitbit ng Animo Squad ang maingat na tosses at stunts sa pyramid. Nag-iwan ng marka ang maangas na formation ng luntiang hanay sa kantang Somebody That I Used To Know ni Gotye upang pahiyawin ang mga Lasalyanong manonood. Sa kabila nito, naging mailap pa rin ang podium finish para sa Taft-based squad na nagtala ng 525 puntos sa paligsahan.

Samantala, binuksan ng Ateneo de Manila University (ADMU) Company of Ateneo Dancers ang kompetisyon gamit ang kanilang mga agaw-pansing galaw sa kantang Defying Gravity. Umalingawngaw ang lakas at tindi ng kanilang mga indak nang ipasaksi sa entablado ang temang Big Bang. Gayunpaman, nabigo rin ang Loyola-based squad na lumipad patungong podium bunsod ng sunod-sunod na penalty at deduction.

Muling namang binigyang-buhay ng University of the East (UE) Pep Squad ang katanyagan ng bubblegum pop dance group na Sexbomb upang pangatawanan ang kanilang konseptong #SumayawSumunodSaUE. Tinapos ng Pula at Puting koponan ang kanilang pagtatanghal sa sariling bersiyon ng Laban o Bawi upang maupo sa ikaapat na puwesto.

Sinariwa ng University of Santo Tomas (UST) Salinggawi Dance Troupe ang dekada 90 sa ipinakita nilang routine. Pinaandar ng pangkat mula España ang kanilang gilas gamit ang back-flips at stunts. Kaakibat ng masiglang choreography ng Salinggawi, pinasiklaban ng grupo ang mga larong pambata kagaya ng Pamela One at Sayaw Kikay na bumuhat sa kanila sa ikalimang puwesto.

Bumirit ng sigaw ang mga klasmeyt ng San Marcelino kasunod ng malinis na pagtatanghal ng Adamson University (AdU) Pep Squad. Nagpabilib sa mga manonood ang temang #KARAOKeyToTheTop na tampok ang mga kantang tumatak sa puso ng mga Pilipino tulad ng Uptown Girl ni Billy Joel at Breathless ng The Corrs. Kinapos mang mapasakamay ang ginto, muling nakamit ng koponan ang pilak na medalya matapos makalikom ng 679.5 puntos. 

Naglagablab naman ang entablado sa pagtapak ng University of the Philippines (UP) Varsity Pep Squad. Pinaramdam ng koponan ang tag-init sa bisa ng kantang Pantropiko mula sa nation’s girl group na BINI. Ngunit, nagkaroon ng mga hindi inaasahang aberya ang Fighting Maroons na bumasag sa kanilang pag-asang makabalik sa podium matapos ang siyam na taon.

Sa kanilang mithiing maibalik ang korona sa Jhocson, umindak sa bawat kimbot ng musika ang National University (NU) Pep Squad. Nagpamalas ng pangmalakasang stunts at tosses ang pangkat sa kanilang space-themed routine. Umani naman ng mga hiyaw at palakpakan ang kanilang windmill-like stunt na nagpataas ng lebel ng kompetisyon ilang minuto lamang mula sa kanilang pagsisimula. Inuwi ng koponan ang 713 puntos at tumataginting na walong special award.  

Sinalubong naman ng Season 86 champions Far Eastern University (FEU) Cheering Squad ang kanilang mga nag-aabang na tagasuporta sa isang Frozen-themed na presentasyon. Hindi nawala ang presensiya ng mga pangunahing karakter na sina Elsa at Anna sa sariling rendisyon ng Berde at Gintong grupo sa pelikula. Tinuldukan ng Morayta-based squad ang kanilang mga hataw sa pagpasok ng mga prop at mga tauhang sina Olaf at Sven. Bigo mang depensahan ang korona, napagkalooban ng posisyon sa podium ang mga Tamaraw bunsod ng nailathalang 650 puntos.

Sa pagwawakas ng kompetisyon, itinanghal na kampeon ang NU Pep Squad buhat ng mga mapanganib at makalaglag-pangang pakulo. Nanatili naman ang DLSU Animo Squad sa ikapitong puwesto para sa ikaapat na sunod na edisyon ng UAAP Cheerdance Competition. 

Mga pagkilala:

NU Pep Squad – Champion (713 puntos)

Adamson Pep Squad – First Runners Up (679.5 puntos)

FEU Cheering Squad – Second Runners Up (650 puntos)

Iba pang mga pagkilala:

MWell Power Performance Award – NU Pep Squad

Juicy-fied Pyramid Award – NU Pep Squad

AIA Best Aerial Performance – NU Pep Squad

Jollibee Best Toss Award – NU Pep Squad

Silka Stay Lit Dance Move Award – NU Pep Squad

Skechers Stylish Performance Award – NU Pep Squad

Yamaha Most Unique Dance Move Award – NU Pep Squad

Max Most Synchronized Dance Move  – NU Pep Squad

Ranking ng iba pang koponan:

UE Pep Squad – Ikaapat na puwesto (641 puntos)

UST Salinggawi Dance Troupe – Ikalimang puwesto (634.5 puntos)

UP Pep Squad – Ikaanim na puwesto (560 puntos)

DLSU Animo Squad – Ikapitong puwesto (525 puntos)

Ateneo Company of Dancers – Ikawalong puwesto (490 puntos)