UMABANTE ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa finals ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament matapos durugin sa semifinals ang langkay ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 70–55, sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 30.
Muling itinanghal na Player of the Game si Green Archer Michael Phillips nang pumorma sa limang kategorya mula sa walong puntos, walong rebound, limang steal, apat na assist, at dalawang block. Sumandigan naman sa opensa sina reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao na pumarada ng 14 na puntos at Team Captain Josh David na umagapay ng 11 puntos. Nanatiling tanglaw sa kabilang dako sina Soaring Falcon Royce Mantua na umani ng 14 na puntos at Cedrick Manzano bitbit ang 13 puntos.
Mabagal ang naging takbo ng dalawang koponan sa pagbubukas ng laro. Binasag ni Joshua Yerro ang katahimikan matapos magpakawala ng magkasunod na tira sa labas ng arko, 2–6. Sa kabilang banda, umariba si Quiambao ng three-point shot na sinundan pa niya ng isang reverse layup, 7–6. Naging dikit ang tapatan sa mga sumunod na minuto, ngunit tuluyang inungusan ng Green Archers ang Soaring Falcons sa bisa ng dunk ni Phillips sa pagtatapos ng unang yugto, 18–11.
Pagtapak sa sumunod na kuwarter, pinangunahan ni AdU center Mudiaga Ojarikre ang mas masigasig na lipad ng mga palkon tungo sa isang and-1 play, 18–13. Sinikwat ni Phillips ang momentum pabalik sa DLSU nang muling dakdakan ang entablado, 20–13. Sumibat pa ng three-pointer ang sugo ng San Marcelino na si Manu Anabo, ngunit inapula ni DLSU rookie Matthew Rubico ang tangkang pag-init ng AdU at kumubra ng tatlong sunod-sunod na marka sa paint, 26–16. Pinagtibay ng mga arkero ang agwat matapos isara ng triple shot ni utility forward Alex Konov ang pambihirang 16–1 run, 36–17.
Angkin ang malaking distansya sa talaan, hindi nag-atubiling sumalakay si small forward CJ Austria sa pugad ng AdU, 38–17. Pinasan ni Cedrick Manzano ang nanlalatang opensa ng Soaring Falcons at pumukol ng isang perimeter shot, 40–22. Umantabay na rin sa kabilang panig si Kapitan David upang maglista ng back-to-back na tres at ikubli ang nagpupumiglas na AdU, 47–27. Sumabat pa ng dominasyon sa ilalim si Manzano nang kompletuhin ang foul-counted play, 58–34, ngunit nanatiling maamo ang ring para sa Taft mainstays sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 59–34.
Samantala, umarangkada ang mga taga-San Marcelino sa pagtungtong sa huling yugto ng laro matapos magpakawala ng tres si Anabo na ginatungan pa ng isa ni Mantua, 63–42. Sinindihan ng hangaring makahabol ang opensa ng Soaring Falcons sa tulong ng layup ni Manzano, 67–52. Gayunpaman, pinigilan ni Phillips ang pag-alburuto ng mga palkon gamit ang kaniyang sariling bersiyon ng layup, 69–53. Bunsod ng puhunang kalamangan ng DLSU, hindi naging sapat ang three-point shot ni Flever Dignadice sa huling segundo ng laro upang pabagsakin ang defending champions, 70–55.
Pahayag ni Kapitan David sa Ang Pahayagang Plaridel, “‘Yung mindset namin to this game [is] dapat mas gigil kami. Kumbaga, ‘yung preparation namin [ay] sobrang importante knowing na may 17 days kami [bago ito].”
Ibinida naman ng punong tagapagsanay na si Coach Topex Robinson ang kanilang kagalakang makaharap ang University of the Philippines Fighting Maroons sa finals. Ibinahagi niyang isang pangarap ang makatapat ang pinakamahusay na pangkolehiyong koponan sa bansa.
Matapos patirapaan ang matayog na paglipad ng mga palkon sa semifinals, muling haharapin ng Berde at Puting pangkat ang Fighting Maroons upang depensahan ang kanilang titulo sa pinal na kabanata ng torneo. Magsisimula ang best-of-three finals series sa parehong lunan sa ika-5:30 n.h. sa Linggo, Disyembre 8.
Mga Iskor:
DLSU 70 – Quiambao 14, David 11, M. Phillips 8, Ramiro 7, Rubico 6, Marasigan 5, Dungo 5, Gonzales 4, Agunnane 4, Konov 4, Austria 2, Macalalag 0, Gollena 0, Alian 0
AdU 55 – Mantua 14, Manzano 13, Anabo 6, Yerro 6, Erolon 5, Ramos 3, Dignadice 3, Ojarikre 2, Barasi Jr. 2, Montebon 1, Alexander 0, Barcelona 0, Ignacio 0, Ronzone 0
Quarter scores: 18–11, 36–17, 59–34, 70–55