Sa likod ng mga kasong elektoral: Patas na hatol sa mga sigalot sa halalan, binabantayan ng Judiciary

Dibuho ni Jazmine Daphnee Villamora

PINANANATILI ng Judiciary (JD) ang pantay na distribusyon ng kapangyarihan sa loob ng University Student Government (USG) at mga eleksiyong pangkampus sa bisa ng prosesong hudisyal na gumagabay sa mga kaso ng iba’t ibang panig sa halalan.

Hinawakan ng JD ang mga kasong SANTUGON v. COMELEC sa Maynila at LIKAS COALITION v. COMELEC sa Laguna matapos itaas ng partidong politikal at koalisyon sa hudikatura ang kanilang mga petisyon laban sa Commission on Elections (COMELEC) nitong Special Elections 2024.

Papel ng hudikatura sa demokratikong proseso

Ipinaliwanag ni Chief Magistrate Gerard Selga sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nagiging aktibo ang JD sa mga halalan sa sitwasyong kailanganin nilang mamagitan sa mga kasong elektoral. Maituturing na opisyal ang isang kaso matapos itong ihain alinsunod sa prosesong nakasaad sa Rules of Court ng lupon.

Nagsisimula ang isang kaso sa pagsusumite ng petisyon sa tulong ng isang konseho. May sariling counsel officers din ang JD na maaaring kumatawan at magpayo sa mga apektadong panig. Nahahati ang uri ng mga kaso sa complaint cases na nakatuon sa mga paglabag ng mga opisyal o opisina ng USG at petition cases na umaapela para sa mga partikular na court order. Klasipikado ang kasong elektoral bilang petition case.

Ilalahad ng inireklamo ang kaniyang panig sa hihinging tugon ng Korte, samantalang magbibigay ng karagdagang ebidensiya ang nagsampa sa isusumite niyang komento. Magpapatawag naman ng preliminary conference hearing ang JD na posibleng sundan ng oral arguments bago ipataw ang pinal na hatol.

Pinangangasiwaan ng mga mahistrado ang mga kaso, habang pinangungunahan ng punong mahistrado ang mga pagdinig. Ipinabatid din ni Selga na sinusubukan nilang manatiling tapat sa mga estudyante ukol sa mga detalye ng bawat kaso.

Epekto ng mga kaso sa eleksiyon

Ibinahagi ni COMELEC Chairperson Denise Avellanosa sa APP na karaniwang lumilitaw ang mga kaso sa halalan bunsod ng hindi pagsang-ayon ng mga partido o kandidato sa mga pasya ng Komisyon o sa kanilang paraan ng pagpapatupad ng mga patakaran ng Omnibus Election Code. Isinaad niyang iginagalang ng COMELEC ang karapatan ng mga kandidatong maghain ng petisyon at tinatalima ang mga hatol ng JD.

Ipinaunawa naman ni Avellanosa na maaaring makaapekto sa prosesong elektoral ang pagpabor ng mga kaso sa mga petisyoner. Nararanasan ito sa pagkakaloob ng Korte ng writ of preliminary injunction (WPI) na pansamantalang nagsususpinde sa eleksiyon para sa apektadong puwesto. 

Isinalaysay ni Avellanosa ang kakaibang kasong kinasangkutan ng mga kumandidatong BLAZE2022 batch president at legislator noong Make-Up Elections 2021. Matatandaang naantala ang halalan para sa mga naturang posisyon hanggang sa sumunod na termino dahil sa ibinigay na WPI ng JD sa kaso. Ipinunto rin ni Avellanosa na bumababa ang partisipasyon ng mga estudyante matapos mausod ang mga eleksiyon.

Sa kabilang banda, ikinintal ni Selga ang kahalagahan ng pagpili ng mga tamang pinuno tuwing eleksiyon sa paggawa ng pagbabago sa loob at labas ng Pamantasan. Paalala niya sa mga estudyanteng Lasalyano, “Each vote [that is] cast effectively shapes the direction of our University and the welfare of the student body. It takes only one vote to create a lifetime of change.”