Pagpapatibay ng karapatan at relasyon sa kampus ng Laguna, sagot ng LCSG sa mga pangmatagalang problema

Dibuho ni Geraldine Sia

BINIGYANG-LALIM ni Laguna Campus Student Government (LCSG) President Nauj Agbayani ang epekto ng mahinang representasyon para sa De La Salle University (DLSU) Laguna Campus sa pagtataguyod ng karapatang pang-estudyante. 

Inilatag din ni Agbayani ang mga repormang ipinatupad ng kaniyang pamahalaan upang mapabuti ang mga administratibong proseso at oportunidad para sa mga Lasalyano sa Laguna.

Lugar ng LCSG sa estruktura ng DLSU

Hinarap ng administrasyon ni Agbayani ang kakulangan ng representasyon ng kampus ng Laguna sa mga usapin ng DLSU bunsod ng posisyon ng LCSG bilang yunit ng University Student Government (USG). Ipinaunawa niyang nakikipag-ugnayan lamang sa kanila ang USG na direktang nilalapitan ng Pamantasan.

“In the case of LCSG, none of us were actually able to sit in those kinds of meetings and show kung ano na ang status ng mga students in Laguna,” pagsisiwalat ni Agbayani. Ipinunto rin niyang nananatiling katanungan ang kanilang papel sa labas ng kampus ng Laguna.

Sa kabilang banda, ibinahagi ni Agbayani ang matagumpay na pagtutulungan ng LCSG at USG upang pabilisin ang tugon sa mga suliranin sa enlistment at palawigin ang abot ng kanilang mga proyekto.

Ipinahayag ng Pangulong nalampasan na ang hamon ng mahinang ugnayan ng dalawang kampus at distansiya na lamang ang problema sa pagsasakatuparan ng kanilang mga kolaborasyon. Gayunpaman, itinuturing niyang mas positibo ang desentralisasyon ng LCSG. Nagbibigay-daan aniya ito upang matutukan ang mga naiibang karanasan at proseso sa kampus ng Laguna.

Hantungan ng mga dinaanang suliranin

Inilahad ni Agbayani na pangunahing suliranin sa kanilang kampus ang dating sistema ng enrollment. Bunsod nito, tinutukan ng kasalukuyang LCSG ang mga proseso ng pre-enlistment, enlistment, enrollment, pagbabayad ng matrikula, paghahain ng leave of absence (LOA), at pagbalik ng mga estudyante mula sa LOA.

Pagdaing ni Agbayani, “Ang daming proseso kasi at that time na kung hindi kayang i-assert ng Laguna Campus ‘yung sarili nila in those discussions, possible na some students would still have to go to Taft just to deal with concerns.”

Isinaad din ni Agbayani na malabo pa sa mga estudyante ang mga maaari nilang gawin upang palaguin ang kanilang buhay-kolehiyo. Dagdag niya, hindi sapat ang mga opisyal na anunsiyo ng Pamantasan upang maiparating sa mga estudyante ang mga oportunidad na mayroon sila. Layunin ng LCSG na magbigay ng mga konkretong hakbang hinggil sa mga programang ito.

Naglunsad din sila ng mga project-pitching platform at nagtakda ng mga opisyal sa pisikal na opisina ng LCSG upang gawing bukas ang kanilang komunikasyon sa mga estudyante.

Ibinida ni Agbayani ang pagdami ng mga estudyanteng sumasangguni sa kanila upang mag-organisa ng mga aktibidad. Hangad niya para sa susunod na pamunuan ng LCSG na lalong isama o isaalang-alang ang mga estudyante sa bawat inisyatiba.

Mensahe naman ni Agbayani sa mga estudyante ng kampus ng Laguna, “Maging mas proactive sa pagsulong ng student life na para sa kanila. . . [and for] the kind of future that we want in DLSU, especially in the Laguna Campus.”