MULING NABALOT ng kontrobersiya ang prosesong elektoral sa De La Salle University (DLSU) bunsod ng patuloy na pag-usbong ng mga alegasyon at iregularidad sa Commission on Elections (COMELEC) at mga partidong politikal nitong Special Elections (SE) 2024.
Binalangkas nina Alex Brotonel at Maegan Ragudo, mga dating pangulo ng University Student Government (USG), ang mga pinagmumulan ng mga suliraning elektoral at mga repormang makagpapatibay sa demokratikong proseso sa Pamantasan.
Pagkilatis sa mga partidong politikal
Nadagdagan ang lamat sa prosesong elektoral bunsod ng mga mali at hindi naisumiteng dokumento ng Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) kaakibat ng kanilang mga Certificate of Candidacy (COC) nitong SE 2024. Sinundan ng aberyang ito ang huling pagpapasa ng Santugon sa Tawag ng Panahon ng mga COC na nagresulta sa kabiguan ng eleksiyon para sa 79 na puwesto nito lamang General Elections 2024.
Tahasang paghamon ni Brotonel, “Kung filing pa lang sablay na tayo, then let’s reassess why are we running in the first place. Where are our commitment levels, ‘di ba? Nasaan tayo? Gaano ba natin gusto magbigay ng serbisyo sa mga estudyante ng La Salle?”
Tatlong beses tumakbo si Brotonel sa ilalim ng TAPAT bilang batch president, college assembly president, at USG president. Iminungkahi niya sa mga partidong unang bigyang-pansin ang mga panloob na reporma sa kanilang sistema.
Inilatag ni Brotonel ang pagdaragdag ng mga miyembro sa checking teams para sa COC at ang pagkakaroon ng organisadong plano bago pa man ang eleksiyon upang maiwasan ang pag-usbong ng mga problema.
Sa kabilang banda, inilahad ni Brotonel ang hirap na pinagdaraanan ng mga kandidato sa pagbalanse ng kanilang mga akademikong gawain at pagkompleto ng mga pagsasanay, rekisito, at plataporma sa halalan. Bagaman hindi aniya ito dahilan upang mawalan ng kakayahang tumakbo, ipinunto niyang maaaring ito ang rason ng hindi pagkatuto ng mga partido mula sa kanilang paulit-ulit na pagkakamali.
Ipinarating din ni Brotonel sa COMELEC at mga partidong huwag magturuan, bagkus harapin at suriin ang problema tuwing lumalabas ito sa mga eleksiyon.
Panawagan niya, “‘Wag nilang tingnan sa lente na porket nangyari na last time, for sure natuto na ‘yung political parties or for sure natuto na ‘yung COMELEC diyan, [kaya] sigurado di na ‘yan mauulit. Kasi, time and time again, nauulit siya.”
Pagsikil sa demokratikong proseso
Hinimay ni Ragudo ang mga administratibong isyung humadlang sa pagtakbo ng mga kandidato noong mga nagdaang taon. Iwinika niya ang pangangailangang suriin ang mga proseso ng COMELEC.
Pagtindig ni Ragudo, “I understand that administrative processes are in place to ensure quality checks and compliance from the parties and their candidates. But I do think that the bigger issue here is we let rectifiable administrative issues prevent candidates from running.”
Inudyok ni Ragudo ang Office of Student Affairs at USG na magbigay ng mas malaking suporta sa COMELEC at maglaan ng karagdagang panahon upang sanayin ang mga opisyal nito.
Pinahalagahan din ni Ragudo ang pagrebisa ng mga burukratikong probisyon sa Omnibus Election Code ng Legislative Assembly (LA). Nauna siyang nagsilbi bilang majority floor leader ng LA bago magwagi sa pagkapangulo ng USG noong 2021.
Kaugnay nito, tinukoy ni Ragudo ang kakulangan ng mga tumatakbo bilang malaking banta sa halalan. Naniniwala siyang mahalaga ang mahigpit na pagbantay sa pagsunod ng mga kandidato sa panuntunan ng paghahain ng kandidatura. Subalit, hindi nito aniya nararapat limitahan ang pagpipilian ng mga botante.
Mariing inihayag ni Ragudo na nagdudulot ng negatibong epekto ang mga naturang aberya sa demokratikong proseso sa Pamantasan. Saad niya, “The recent mishaps in the filing of candidacies may have diminished what democracy we have left in our electoral processes.”