ISINIWALAT ng WR Numero ang perspektiba ng mga Pilipino ukol sa kanilang mga nais iboto bago ang Halalan 2025 at sa tambalang Marcos-Duterte. Inilabas ang resulta ng pag-aaral sa pangangasiwa ng pangulo ng research firm na si Cleve Arguelles sa Ortigas, Pasig City, Oktubre 3.
Binuo ng 1,729 Pilipinong naninirahan sa Pilipinas ang Philippine Public Opinion Monitor na isinagawa mula Setyembre 5 hanggang 23. Kinuha rin ang pananaw ng mga kalahok hinggil sa maiinit na isyu sa bansa, kagaya ng tensiyon sa West Philippine Sea, kontrobersiya ng Philippine Offshore Gaming Operators, at imbestigasyon sa kaso ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy.
Pulso ng masa
Isinentro sa unang bahagi ng resulta ng pananaliksik ang mga indibidwal na maagang nakamit ang boto ng mga kalahok para sa pagkasenador. Nakuha ang datos isang buwan bago ang opisyal na paghahain ng kandidatura para sa nalalapit na eleksiyon.
Nanaig ang magkapatid na sina ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo at TV personality Bienvenido “Ben” Tulfo sa una at ikatlong puwesto ng listahan. Nangangahulugan itong may mataas na tsansang samahan nila ang kapatid na si Senador Raffy Tulfo at pangatawanan ang panibagong dinastiya sa Senado. Kabilang si E. Tulfo sa mga inendosong kandidato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, samantala independiyenteng tatakbo si B. Tulfo.
Nasungkit naman ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto ang ikalawang puwesto matapos makapagtala ng 39.3% mula sa mga kalahok. Umusbong din ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikaapat hanggang ikalimang puwesto. Bagaman napagpasyahan ni Duterte na muling tumakbo bilang alkalde ng Davao, nananatiling marami ang nagnanais na mapabilang siya sa Senado.
Hindi naman nalayo ang iba pang kandidatong inendoso ni Marcos Jr. na sina Senador Pia Cayetano, dating Senador Manny Pacquiao, at Senador Bong Revilla Jr. sa ikaapat hanggang ikapitong puwesto. Sinundan sila ng nagtatangka ring makabalik sa Senadong si Ping Lacson at mga kasalukuyang miyembro nitong sina Imee Marcos, Ronald “Bato” Dela Rosa, at Lito Lapid.
Tanging si dating Senador Kiko Pangilinan ang hindi inendosong kandidato ni Marcos Jr. na nakalusot sa huling kalahati ng Magic 12. Ayon sa pananaliksik, nagkaroon ng 23.1% si Pangilinan na susubukang makabalik sa posisyon sa ilalim ng Liberal Party. Dumikit naman sa kaniyang puwesto sina Dr. Willie Ong na may 21.9%, Senador Bong Go na nakakuha ng 21.5%, at Senador Francis Tolentino na nakamit ang 20.8%.
Serbisyo para kanino?
Sinuri rin ng WR Numero ang saloobin ng mga Pilipino hinggil sa pamumuno nina Pangulong Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Hinati ang pagtatasa sa mga pamantayang lubos na hindi mahusay, hindi mahusay, hindi sigurado, mahusay, at lubos na mahusay. Isinaalang-alang din sa sarbey ang mga salik ng rehiyon, edad, income class, at partisanship.
Sa ikalawang pagkakataon, nakapagtala ang WR Numero ng mas mababa sa mayoryang antas ng kasiyahan ng mga Pilipino sa pamumuno ni Marcos Jr. Nakatanggap ang Pangulo ng 45% satisfaction rating na kapareho ng kaniyang nakamtan nitong Marso. Kompara sa 66% satisfaction rating noong Disyembre 2023, 21% ang ibinaba ng Pangulo sa kasalukuyan.
Sa kabila ng pagsadsad, natagpuan sa Luzon ang 54% o pinakamataas na porsiyento ng pag-apruba sa pamumuno ng Pangulo. Sinundan ito ng Metro Manila sa 48%, Visayas sa 45%, at Mindanao sa 24%. Pagpapalalim ni Arguelles, “Visayas is an emerging story similar to Mindanao. Medyo lumiliit ‘yung nagsasabi na satisfied sila with President Bongbong Marcos and then, ang lumalaki ‘yung nagsasabi na dissatisfied.”
Natamo naman ni Duterte sa unang pagkakataon ang mas mababang marka sa mayorya. Mas mataas man ng 2% ang naitalang satisfaction rate kompara sa Pangulo, malaki rin ang ibinagsak ng grado ng Bise Presidente. Mula sa 73% o pinakamataas na naitalang lebel ng kasiyahan sa pamumuno noong Disyembre 2023, bumaba ito sa 60% nitong Marso at 47% nitong Setyembre.
Batay sa pag-aaral, kabuhol ng hiwalayan ng alyansang Marcos-Duterte nitong mga nagdaang buwan ang rekord ng mas mababa sa mayoryang satisfaction rate ng Bise Presidente. Ipinaliwanag din ni Arguelles na maaaring epekto ng kampanya ng administrasyong Marcos Jr. laban kay Duterte ang pagbagsak ng suporta sa kaniya ng mga Pilipino. Tumindi ang tensiyon ng dalawang panig matapos magbitiw bilang kalihim ng Department of Education si Duterte nitong Hunyo.
Sa kabila ng alitan, nanatiling malakas ang impluwensiya ng mga balwarte nina Marcos Jr. at Duterte. Nakuha ng Bise Presidente ang 69% satisfaction rate sa Mindanao. Sinundan ito ng Visayas sa 50%, Luzon sa 41%, at Metro Manila sa 25%. Wika ni Arguelles, “So, talagang ‘yung bailiwicks dynamics, it’s showing very strongly here. . . Balwarte, balwarte ang dynamics.”
Pagkakaisa sa hiwalayang UniTeam
Pagdating sa iba pang katanungan, kagaya ng pagbitiw ng Bise Presidente sa gabinete, 61.9% ng mga kalahok ang nagpahayag na nararapat manatili si Duterte sa posisyon. Mababatid na malaki pa rin ang porsiyento ng mga Pilipinong naninindigan sa pananatili ng Bise Presidente sa kabila ng hindi pagsipot sa budget hearing ng Office of the Vice President at kumpirmasyon ng paggastos sa mahigit Php125 milyong confidential funds. Taliwas naman ang naging opinyon sa isyu ng 38.1% ng mga nakiisa sa pagsusuri. Lumabas na karamihan sa mga tagasuporta ng administrasyong Marcos Jr. ang naniniwalang marapat lamang na magbitiw si Duterte dulot ng hindi pagkakasundo ng dalawang lider.
Sa kabilang banda, naging magkalapit ang bilang ng magkataliwas na panig ng mga Pilipino ukol sa pagtrato sa Bise Presidente bilang bahagi ng oposisyon matapos ang pagtiwalag sa alyansang Marcos-Duterte. Umabot sa 53% ang mga tumutol sa pagkilala sa Bise Presidente bilang bahagi ng oposisyon, samantalang 47% ang sumuporta rito. Paliwanag ni Arguelles, “There is a preference among Filipinos that the President and Vice President, regardless kung galing kang opposition [o] ka-party ka ba ng Presidente, that their certain level of expectation [is] that they still work together.”
Habang nalalapit ang halalan, mas nananaig ang pangangailangan sa mas maiging pagkilatis sa mga indibidwal na tatakbo sa iba’t ibang puwesto. Sa 12 upuan sa Senado, kritikal na salain ang mga tunay na nakikinig sa boses ng mamamayan mula sa mga nagpapanggap lamang. Alalahaning sa hatol ng Pilipino, kinabukasan ng bayan ang dapat mabakas sa pagpili ng mga susunod na mamumuno rito.