Nakakulong sa sariling pamantasan

Likha ni Sophia Marie Carmona

Umiikot ang mga eleksiyon sa De La Salle University sa isang siklo ng mga nakapipinsalang kasanayang hindi matanaw ang katapusan. Kasabay ng muling pagbubukas ng kampus noong 2022 ang pagtapak ng mga hindi malunasang suliranin sa halalang minamarkahan ng Make-Up at Special Elections (SE) kada akademikong taon. Sa bawat kabiguan ng mga partidong politikal at nangangasiwang opisinang magpatakbo ng mga kandidato, patuloy na napapagod ang mga estudyante sa paulit-ulit na proseso.

Nadiskalipika ang Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) sa ikalawang sunod na eleksiyon matapos hindi kompletong maisumite ang kahingian para sa mga Certificate of Candidacy (COC) nitong SE 2024. Bagaman inako ng partidong nagkaroon sila ng pagkukulang, iginiit din nilang nararapat bawasan ang burukrasiya sa mga proseso ng eleksiyon.

Sa lebel ng kaalaman ng publiko, imbitado ang mga partido sa konsultasyon at pagsusog ng Legislative Assembly sa Omnibus Election Code na pinaiiral ng Commission on Elections. Mas may kawastuhan kung hihingin ng mga estudyante ang katotohan hinggil sa naging papel ng TAPAT sa mga nasabing pagpupulong matapos nilang umalma laban sa naipasang batas.

Isinawalang-bisa rin ang kandidatura ng ilang pambato ng Santugon sa Tawag ng Panahon sanhi ng mga aberya sa COC sa kaparehong halalan. Sumailalim ang ilan sa kanila sa kasong elektoral at ang iba sa mismong pangangampanya. Inaaksaya nito ang oras ng mga estudyante at lalong pinagugulo ang mga pabago-bagong anunsiyo ukol sa eleksiyon gayong maiiwasan ang mga ito sa simpleng pagpasa ng mga tamang dokumento.

Naging kapansin-pansin naman ang butas ng Revised Omnibus Election Code of 2024 sa kaso ng LIKAS COALITION sa kampus ng Laguna. Iwinaksi ang kandidatura ng koalisyon dahil sa hindi pagtala ng batas sa kamalian sa format ng COC bilang clerical error na hindi sana magiging balakid sa pagtakbo ng mga kandidato.

Ipinaaalala ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga tauhan ng eleksiyong isaalang-alang ang mga estudyante sa kanilang bawat hakbang. Nararapat nilang protektahan ang dignidad ng demokratikong proseso sa halip na dumihan ito ng kabi-kabilang isyu, repasuhin ang kanilang mga prinsipyo, at malinis na ilahad ang kanilang pakay sa mas maraming estudyante. Matagal nang hindi nakasasaksi ang Pamantasan ng matagumpay na halalan. Hanggang kailan ba tayo maglolokohan bago rin kayo makaramdam ng kapaguran?