NANLATA ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa dominasyon ng National University (NU) Lady Bulldogs, 25–23, 18–25, 16–25, 20–25, sa kanilang huling tunggalian sa best-of-three finals series ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Nobyembre 24.
Pinangunahan nina DLSU Team Captain Angel Canino at outside hitter Alleiah Malaluan ang opensa ng Lady Spikers matapos sanib-puwersang magtala ng 17 puntos sa kabila ng kinapos na resulta. Nagningning naman si NU superstar Bella Belen bilang Most Valuable Player of the Match nang magsalpak ng 15 puntos mula sa 12 atake, dalawang block, at isang service ace.
Nagpakitang-gilas si DLSU opposite hitter Shevana Laput ng isang matinding crosscourt hit na sinundan ng tirada ni Kapitana Canino upang itabla ang talaan, 5–all. Pinasiklab ni DLSU middle blocker Katrina del Castillo ang momentum ng DLSU matapos samantalahin ang isang regalo, 6–all, na pinagtibay ng basag-blocker hit ni Laput upang sikwatin ang kalamangan, 9–8. Nagpakawala si NU star Belen ng tatlong sunod-sunod na puntos upang ibalik ang bentahe sa mga taga-Jhocson, 11–12. Pinamunuan naman ni del Castillo ang depensa ng DLSU gamit ang isang kill block, 18–15. Sa kabila ng mga error ng NU, bumawi si Belen ng isang mabilis na 1-2 play, 20–18, na sinagot ni middle blocker Amie Provido ng running attack, 21–18. Tinapatan din ito ni opposite hitter Alyssa Solomon gamit ang crosscourt hit, 22–20. Gayunpaman, tinuldukan ni rookie setter Mikole Reyes ang unang set sa isang solidong block, 25–23.
Agad na rumatsada sa ikalawang set ang NU Bulldogs bunsod ng malalakas na atake nina Kaye Bombita at Arah Panique, 3–5. Nangibabaw naman ang depensa sa net ni sophomore Aisha Bello matapos magtala ng dalawang block upang palaguin ang kalamangan ng NU, 4–8. Bumawi ang Lady Spikers nang magpakawala ng cut shot si Co-captain Bjyne Soreño na pinaigting ng atake ni Jessa Ordiales at service ace ni Malaluan, 7–9. Hindi nagpatinag si NU rookie Celine Marsh nang bumomba ng sunod-sunod na puntos upang itulak palayo sa DLSU ang kanilang bentahe, 10–14. Pumalag si Soreño ng isang manipis na tira at kill block, 12–14, bago magbitaw ng clutch points sina Malaluan at Ordiales, 14–15. Muling pumiglas ang NU sa likod ng down-the-line hit ni Alyssa Solomon at kill block ni Chams Maaya, 15–20. Sinikap isalba ng DLSU ang set sa mga bira nina Laput at Provido, 18–22, ngunit sinelyuhan ni NU main setter Lams Lamina ang set nang paganahin ang 1-2 play, 18–25.
Mabilis na nakuha ni Alinsug ang momentum sa ikatlong set mula sa isang matalim na service ace, 0–4. Pinatindi pa ni Solomon ang puwersa ng Jhocson buhat ng crosscourt at mga off-the-block hit, 5–16. Sa kabila ng pagpapakawala ni Malaluan ng pipe attack, hindi kinaya ng Taft-based squad ang walang palyang galaw ng NU, 6–18. Bahagyang bumawi ang Lady Spikers sa basag-blocker hit ni Soreño at service ace ni Amor Guinto, 10–20, ngunit bunsod ng naisumiteng bentahe, matagumpay na winakasan ng NU ang ikatlong yugto kasunod ng error ni Malaluan, 16–25.
Pinaarangkada ni Malaluan ang opensa ng DLSU gamit ang down-the-line hit pagpasok ng ikaapat na set, 6–8. Sumalansan naman ng mga tira si Alinsug para sa NU, ngunit nagbigay-liwanag ang pulidong kill block ni Laput sa Taft, 9–13. Gayunpaman, nagpasabog ng puntos si Belen upang pataasin ang angat ng NU, 12–18. Sinubukang makabawi ng Lady Spikers sa tulong ng 1-2 play ni rookie playmaker Reyes at pulidong block ni Provido, 15–21, subalit muling umatake si Solomon upang panatilihin ang abante ng Bulldogs, 16–23. Bagaman nabuhayan pa ang DLSU dulot ng mga error ng NU, hindi na nagpatumpik-tumpik si Alinsug at ikinandado ang three-peat na kampeonato, 20–25.
Inuwi ng Lady Spikers ang pilak na medalya sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa naturang preseason tournament. Samantala, itinanghal din bilang 1st Best Middle Blocker si Taft Tower Provido.