TUMAHAK ng magkaibang landas ang De La Salle University (DLSU) Green Paddlers kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Men’s Table Tennis Team, 1–3, at Adamson University (AdU) Men’s Table Tennis Team, 3–0, sa huling araw ng ikalawang yugto ng University Athletics Association of the Philippines Season 87 Men’s Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 24.
Lumilok din ng parehong eksena ang DLSU Lady Paddlers matapos kastiguhin ang AdU Women’s Table Tennis Team, 3–0, at isahan ng Far Eastern University Women’s Table Tennis Team, 2–3, sa Women’s Table Tennis Tournament sa parehong lugar at araw.
Naalintanang pagsagwan
Masalimuot na bumungad ang umaga para kay Green Paddler Dino Marcelo nang basagin ng matitinding palo ni Kong Cabrido ng ADMU, 6–11, 10–12, 11–8, 9–11. Pinataob naman ni Kapitan Elijah Yamson si ADMU Team Captain Andrew Uy matapos makipagsagutan ng tirada at lumamang gamit ang mga umaatikabong, 11–8, 11-5, 11–3. Sa kabilang banda, naging mailap ang panalo para sa Berde at Puting tambalan nina Andrei Villacruel at Peter Zambrano matapos malunod sa mga error at mautak na opensa ng Loyola Heights duo nina Drozle Fresco at Victor De Asis, 2–11, 5–11, 10–12.
Sa kagustuhang bumawi, agarang sinagot ni Green Paddler Troy Docto ang nag-aalab na forehand drives ni reigning Rookie of the Year Andree Garcia, ngunit nabigo pa ring kuhanin ang unang dalawang set, 8–11, 9–11. Lumilok ng kalamangan si Garcia sa pagsisimula ng ikatlong set, 2–6, upang bawian din ng forehand push ni Docto, 10–all, at makamit ang ikatlong set, 12–10. Subalit, napigilan ang tangkang come-from-behind win ni Docto dahil sa dalawang magkasunod na pagkakamali sa ikaapat na set, 12–14.
Pinasiklab ni DLSU sophomore Red Torres ang unang tapatan kontra AdU sa bisa ng pagpuslit ng bentahe mula kay Benedict Rabaya, 11–7. Namuhunan naman sa mga mahinahong pakikipagpalitan ang Taft mainstay na nagbigay-daan sa kaniyang mga forehand smash at drive, 11–5, 11–8. Winakasan ni Yamson ang unang set ng ikalawang laro matapos parusahan si San Marcelino mainstay Amiel Aroma gamit ang matutulis na spin, 11–5. Pumagaspas ng backhand ang palkon, ngunit tuluyan siyang ikinulong ng nakaberde sa bisa ng mga suwabeng drive, 11–8, 11–9.
Dikdikang salpukan ang umeksena sa pagbubukas ng ikalawang laro matapos takasan ng Taft-based duo nina Villacruel at Zambrano ang mga taga-San Marcelinong sina Jhon Balucos at Aldrean Gacho kasunod ng tatlong sunod-sunod na fault, 12–10. Lalong umigting ang gitgitan sa ikalawang set nang magpalitan ng loop ang magkabilang panig, ngunit nanaig ang asul na koponan matapos ang smash kaakibat ng fault mula sa Berde at Puting tambalan, 11–13. Naglipana ang mga fault sa ikatlong set na mabisang sinolusyonan ng Taft mainstays upang tumikada ng drive, 11–6. Bitbit ang momentum, nagpamalas ng pulidong lob at forehand flick ang mga taga-Taft upang sumalipadpad sa ikaapat na set, 7–5. Isinilid ng luntiang koponan ang tagumpay buhat ng fault mula sa tambalan ng AdU, 12–10.
Dalisdis ng pana
Walang pag-aalinlangang sinunggaban ni Kapitana Angel Laude ang katunggaling si Lady Falcon Mary De Guzman, 11–2. Mula sa maagang bentahe, ganap na sinelyuhan ng Kapitana ang salungatan ng atake bitbit ang walang mantsang rekord sa yugto, 11–5, 11–5. Gumatong sa puwersa ang beteranang si Cielo Bernaldez matapos tambakan ang pagtatangka ni Maiko Macatangay upang ipagpatuloy ang naglalagablab na simula ng Taft mainstays, 11–4. Ibinaon sa lusak ni Bernaldez ang palkon upang sibakin ang yugto at maglathala ng puntos sa koponan, 11–2, 11–5.
Sa gitna ng gitgiting laban, nagpakitang-gilas ang tambalang Mariana Caoile at Shyrein Redoquerio kontra kina Nicole Dave at Trisha Ramoneda nang kumasa ng backhand push upang sukbitin ang unang set, 11–7. Bumungad sa ikalawang set ang tindig ng duo matapos mag-imbak ng dalawang puntos mula sa magkasunod na top spin, 2–0. Hinarangan ng koponan ang pagratsada ng San Marcelino-based sa bisa ng backhand block, 7–4, upang tuluyang mapasakamay ang yugto, 11–8. Bahagyang nadungisan ang rekord ng Lady Paddlers sa ikatlong set kasunod ng paghataw ng sunod-sunod na tira sa labas, 7–9. Ngunit, rumesponde sina M. Caoile at Redoquerio upang angkinin ang panalo hango sa pinagsamang loop at backhand push, 11–9.
Pagdako ng sagupaan kontra sa kampo ng Morayta, nanalanta si Kapitana Laude nang salubungin si Lady Tamaraw Miriam Martinez ng limang markang kalamangan gamit ang backhand push, 11–6. Mula sa sandamakmak na drives, hindi umubra ang puwersa ni Martinez kontra sa pagdomina ni Laude matapos tumantos ng nag-iisang puntos sa ikalawa at ikatlong set, 11–1, 11–1.
Sunod na humampas si Bernaldez na naunang humakot ng anim na puntos mula sa isang backspin, 6–2. Gayunpaman, nag-init ang kamay ni Tamaraw Aizel Rom upang pagdikitin ang talaan, 9–all. Patuloy na umararo ang puwersa ng Morayta matapos wakasan ang unang set sa bisa ng top spin, 12–10. Lumikom ng puntos si Rom mula sa huling backhand push, 5–8, upang pigilan ang pag-abante ng puwersa ni Bernaldez na kumana ng mga attack error sa pagpapatuloy ng sagupaan, 7–11. Bitbit ang presyon, nagawang maitabla ni Bernaldez ang laban nang magrehistro ng patong-patong na puntos, 9–all. Hindi na nalagas ang momentum para sa manunudla matapos ungusan ang pag-araro ng Tamaraw sa bisa ng mga pinagsamang loop at backhand push, 13–11. Nagawang iparalisa ni Bernaldez si Rom pagpatak ng ikaapat na set nang ipako ang puntos ng ginintuang manlalaro sa apat, 11–4. Sa huli, nilagdaan ng Taft ang pagmamay-ari sa yugto sa bisa ng isang top spin, 11–9.
Muling sumabak sa doubles ang tambalang M. Caoile at Redoquerio na bigong lumagak ng puntos. Lumagapak ang duo matapos sikilin sa apat na kalamangan sa unang set, 7–11. Pumalya rin ang tangkang flick ng magkatambal na nagdulot ng malaking agwat sa talaan, 4–10. Ibinulsa ng Tamaraws ang ikalawang set, 8–11, gayundin ang ikatlong set, 7–11. Sinubukang bawiin ni Lady Paddlers Co-captain Mary Go ang momentum, ngunit hindi rin umubra ang kaniyang puwersa nang manupalpal si Shairah Gabisay ng malaking agwat, 4–11, 1–11, 4–11. Mula rito, sinubukang sumaklolo ni DLSU rookie Chime Caoile, ngunit hindi rin ito naging sapat matapos dumalisdis ng kaniyang pana sa matigas na sungay ng tamaraw na si Ashly Sobrevilla, 7–11, 4–11, 8–11.
Pagpuntirya sa mithiin
Binigyang-atensiyon ni DLSU player Zambrano sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga naging adjustment ng koponan sa short ball ng Ateneo na humadlang sa pagbuwelta ng Taft-based duo. Ito rin ang ginamit na paraan ng tambalan upang salagin ang mga palo ng Adamson.
Ibinahagi ng atleta ang kaniyang naramdaman sa kabila ng magkasalungat na resulta sa unang yugto laban sa Loyola at San Marcelino-based squads. Salaysay niya, “Masaya [ako]. Pero hindi kami [puwedeng] makampante, kasi may laro pa kami against Ateneo at one win na lang kami for podium.”
Bunsod ng naging resulta para sa Lady Paddlers, patuloy na pinanghawakan ni Team Captain Laude ang positibong perspektiba para sa buong koponan. Sambit niya sa APP, “Hanggat hindi pa tapos ang laban, may chance pa ‘yan.”
Umangat ang Green Paddlers patungong 8–4 panalo–talo kartada, samantalang naglista ang Lady Paddlers ng 7–5 panalo–talo rekord sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng torneo.