Green at Lady Spikers, kinandado ang mga kabanata sa magkabilaang giyera

Kuha nina Margaret Zapata at Gaby Arco

LUMUSONG sa taliwas na dako ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Spikers sa dulo ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 24.

Pumanhik sa paghihinagpis ang Lady Spikers matapos patumbahin ang hukbo ng University of the East (UE) Lady Warriors, 21–15, 21–8. Pumurol naman ang mga palaso ng Green Spikers kontra sa kawal ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 11–21, 21–18, 9–15.

Masiglang pagtuldok sa kampanya

Sinikwat ng tambalang Ela Raagas at Julianne Javelosa ang kanilang unang bentahe hango sa pagpuntirya sa butas na depensa ng Lady Warriors sa gitna, 3–2. Sa pag-usad ng bakbakan, pumukol ng 5–0 run ang Taft mainstays upang subukang pawiin ang naunang pag-ulan ng mga error at inilapat sa tabla ang talaan, 10–all. Bitbit ang mithiing hadlangan ang tangkang pag-ahon ng mga taga-Recto, muling nagrehistro ng 5–0 run ang Lady Spikers na sinundan ng isang service ace mula kay Javelosa upang selyuhan ang yugto, 21–15. 

Bumungad sa ikalawang set ang dalawang magkasunod na mautak na atake mula kay Javelosa, 2–0. Nagpatuloy ang pamamayagpag ng mga bitaw ni Javelosa na pinaigting ng power tip upang dumistansiya sa depensa ng Lady Warriors, 7–2. Kumana rin si Raagas ng sariling power tip na patuloy na nagpataas sa kaangatan ng Taft-based squad, 16–4. Nagpumiglas naman ang Lady Warriors kaakibat ng dikit sa linyang atake ni Ash Cañete, 15–5. Gayunpaman, desididong humakbang palapit sa pagsasara ng ikalawang set si Javelosa sa isinumiteng 1-2 play bago rumatsada si Raagas ng atake mula sa gitna, 20–8. Ganap na naibulsa ng Lady Spikers ang kanilang panalo mula sa kabiguang itawid ng hanay ng Lady Warriors ang puntos, 21–8. 

Paglusaw sa huling araw

Agad na nakatagpo ng hamon ang Green Spikers matapos magtamo ng halo-halong error sa pagsisimula ng kanilang bakbakan kontra UP, 2–5. Nanatili sa tabunan ng buhangin ang luntiang koponan nang tumagos ang kalamangan ng Fighting Maroons, 3–10. Matulin pa ring umariba si Green Spiker Von Marata ng nagkukumahog na atake sa ilalim ng net, 8–15. Pinakinabangan pa ng DLSU ang pumalyang serbisyo ng UP, 11–20, ngunit, nakawala mula sa bakuran si Fighting Maroon Angelo Lipata at pinuntirya ang huling puntos upang tapusin ang unang set, 11–21.

Magkaakibat na opensa ang tumambad mula sa Green Spikers sa ikalawang set, 4–all. Sumulong ang sagupaan nang kumayod paibaba si Marata upang itulak ang puwersa ng DLSU, 10–9. Pasan ang bumubulwak na kaginhawaan, pinalobo pa ito ng luntiang tambalan sa bisa ng crosscourt attack, 18–13. Pumorma rin ng net play ang DLSU upang itaguyod ang Berde at Puting bandila, 21–18. 

Sukbit ang pangambang maagaw ng Fighting Maroons ang momentum, nagpamalas si Marata ng pampakalmang off-speed spike, 3–4. Humarurot pa ulit ang Taft-based duo mula sa lumulutang na set ni Andre Espejo sa alapaap, 9–13. Sa hulihan ng ikatlong set, kinapos ang tikas ng DLSU upang ihain ang panalo sa UP, 9–15.

Pagsabay sa agos

Ibinahagi ni Lady Spiker Javelosa sa Ang Pahayagang Plaridel na bagaman sarado na ang oportunidad na tumuntong sa Final Four, nanatiling positibo ang koponang tumudla ng masiglang pagtatapos sa torneo. Aniya, “Pinaghirapan talaga namin sa training. So, sabi namin na sayang naman ‘yung pagod sa training everyday para lang masayang na hindi kami maka-end this season with a win.” 

Binigyang-diin ni Javelosa na kinakailangan pa nilang makakuha ng mas maraming karanasan at pagsasanay para sa pagharap nila sa mga darating na season, sapagkat dito pa sila nagkululang.

Bunsod ng magkabukod na kuwento sa pinal na yugto ng torneo, hindi na rumaos sa ilalim ng talaan ang Taft-based squad. Pumirmi sa ikaanim na ranggo ang Green Spikers, samantalang nagyelo ang mga paa ng Lady Spikers sa ikapitong puwesto.