PUMORMA ng panalo ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Paddlers kontra Far Eastern University (FEU) Men’s Table Tennis Team, 3–1, at University of the East (UE) Women’s Table Tennis Team, 3–1, sa unang araw ng ikalawang yugto ng University Athletics Association of the Philippines Season 87 Collegiate Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 22.
Sa kabila ng maagang pagragasa, nadaplisan ang Berde at Puting hanay sa pangil ng University of Santo Tomas (UST) Tiger at Lady Paddlers, 2–3, 1–3, sa parehong lugar at araw.
Nabiting tirada
Bumuwelta ng panalo si DLSU Team Captain Elijah Yamson kontra sa tamaraw na si Christian Golez sa kanilang pagtatapat sa opening singles match, 11–2. Bumira ng maagang 6–0 run si Yamson at inilantad ang paghihikahos ni Golez sa sumunod na dalawang set, 11–4, 11–7. Gayunpaman, bigong depensahan ni Green Paddler Troy Docto ang kaniyang naitatag na panalo sa Round 1 laban sa mapaghiganting si Dane Piala, 5–11, 11–4, 11–7, 7–11, 9–11.
Agad na rumesponde ang Berde at Puting tambalan nina Andrei Villacruel at Peter Zambrano kontra kina FEU player Kyran Javier at Claer Riego sa unang set ng doubles match, 12–10. Nagrehistro ng apat na markang angat ang Taft-based duo, 8–4, bago tuluyang mapasakamay ang ikalawang set, 11–6. Nagpatuloy ang pagdagsa ng mga puntos mula kina Villacruel at Zambrano sa ikatlong set buhat ng mga tantiyadong spin upang ganap na ilista ang panalo sa hanay ng Green Paddlers, 11–8.
Malamlam na simula ang ipinamalas ni sophomore Red Torres nang maisahan ni FEU veteran Peter Cubio sa ikatlong singles, 9–11. Ngunit, hindi nagpatinag ang pambato ng Taft matapos sikwatin ang 2–1 set advantage mula sa naghahabol na tamaraw, 11–7, 11–4. Nauwi man sa decider ang sagupaan, namayagpag pa rin ang presensiya ni Torres matapos papurulin ang sungay ni Cubio, 7–11, 11–7.
Dumanak naman ang disbentaha sa bahagi ng kort ni DLSU rookie Yves Reg matapos matapat kay national team standout Eljey Tormis sa unang singles match kontra Tiger Paddlers, 9–11, 4–11, 5-11. Ibinalik ni Kapitan Yamson ang parehong kapalaran kay UST rookie Joshua Manlapaz upang isumite ang unang panalo ng Taft mainstays, 11–4, 11–7, 11–9. Nakamit ng Green Paddlers ang maagang 2–1 game standing nang magpasiklab ang Taft duo nina Villacruel at Zambrano kontra sa paggaragal nina Brent Chavez at Al J Sanchez sa doubles match, 11–8, 11–6, 8–11, 11–6.
Gayunpaman, hindi pinaburan ng tadhana ang tangkang pagkandado ni Torres sa panalo matapos harapin si former national team member at UST Team Captain Alvin Sevilla sa ikatlong singles, 12–14, 4–11, 9–11. Nagapi rin si Docto ni reigning Most Valuable Player (MVP) John Castro sa huling bakbakan, 5–11, 6–11, 10–12, upang pumiglas ang Green Paddlers sa pinanghahawakang pag-aasam ng tagumpay, 2–3.
Magkaparang danas
Nanatiling dominante si DLSU Team Captain Angel Laude sa torneo matapos muling pasukuin ang tubong Silangang si Danica Galang, 11–4, 11–5, 11–5. Sa kabila ng kapos na panimula, humirit din ng panalo si Mariana Caoile sa ikalawang singles nang isalansan ang kaniyang mga tirada kay Jean Ramos, 8–11, 11–8, 11–8, 12–10.
Nalaglag naman ang tambalang Chime Caoile at Arianna Lim sa bitag ng mga taga-Recto na sina Nelly Baroro at Maorielle Nicolas, 8–11, 11–9, 10–12, 6–11. Gayunpaman, hindi na pinalampas pa ni DLSU veteran Cielo Bernaldez ang pagkakataong mamayani kontra sa kawal ng UE na si Gem Nona, 11–2, 11–7, 11–3, upang mabisang ihatid sa luntiang hanay ang unang panalo sa nasabing araw, 3–1.
Sumalamin ang ginuhit na landas ni Green Paddler Reg kay DLSU rookie C. Caoile matapos makasagupa si UST player Denise Encarnacion sa unang singles match, 7–11, 7–11, 7–11. Sa kabila nito, naminsala si Season 86 MVP Laude sa kort ng kinatawan ng UST na si Janna Paculba, 11–5, 11–6, 11–3, upang itabla ang standing, 1–all.
Ibinalandra nina Taft tandem Mariana Caoile at Shyrein Redoquerio ang kanilang tikas kontra sa tambalan ng mga tigreng sina Kathlyn Gabisay at Leigh Villanueva matapos ipatag ang talaan sa doubles match, 7–11, 11–6. Naungusan ng UST Lady Paddlers ang Taft mainstays pagdako ng ikatlong set 10–12. Hindi naman hinayaan nina Caoile at Redoquerio na masilat ng mga tigre ang panalo pauwing España ang panalo nang puwersahang itulak ang salpukan sa decider, 13–11. Gayunpaman, dumulas ang mahalagang panalo sa kamay ng mga Lasalyano matapos kapusin sa dulo, 8–11.
Masalimuot na kapalaran ang naiukit sa mga palad ni DLSU Lady Paddler Lim matapos maka-engkuwentro ang naghahasik na si UST player Althea Gudes sa ikatlong singles. Bagaman nadakmal ang bentahe sa unang set, 11–9, hindi napigilan ng taga-Taft ang pag-alagwa ni Gudes sa mga sumunod na set, 5–11, 4–11, 9–11. Bunsod nito, pumailalim ang hanay ng Taft sa malinis na kartada ng España mainstays, 1–3.
Pagpapanday ng mga palaso
Ibinahagi ni DLSU sophomore player Villacruel sa Ang Pahayagang Plaridel ang naging dahilan sa likod ng kanilang matagumpay na pagbira ni Zambrano sa doubles match. Aniya, “Nagkaroon lang kami ng tiwala sa isa’t isa at sa buong team. Saka, mas nandoon ‘yung gigil, kasi alam namin na mabigat talunin ‘yung UST.”
Dagdag ng Lasalyanong atleta, mas magiging matalino pa ang Green Paddlers sa kanilang mga susunod na laro. Ipinahayag ni Villacruel ang kaniyang paniniwala sa kakayahan ng kanilang koponang harapin ang ibang mga pangkat. Kaugnay nito, ipinunto niyang kinakailangan nilang tapatan ang masugid na pag-aaral ng mga naturang grupo sa bawat bakbakan sa paligsahan.
Hindi naman nakaligtaang ipaalala ni DLSU Lady Paddlers Co-captain Mary Go sa buong Berde at Puting koponang huwag bumitaw sa pagpapalakas ng loob ng isa’t isa, lalo na sa tuwing sumasabak ang mga kasamahan sa loob ng kort.
Bunsod ng umusbong na resulta ng mga sagupaan, kumaripas patungong parehong 5–3 panalo-talo kartada ang Green at Lady Paddlers sa pagwawakas ng ikaapat na araw ng torneo.