Green at Lady Paddlers, tumubos ng magkahalong resulta

Kuha ni Josh Velasco

DUMAKIP ng isang panalo at talo ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Paddlers sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Collegiate Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 20.

Nasalisod ang DLSU Lady Paddlers sa nanggangalaiting University of Santo Tomas (UST) Lady Paddlers, 1–3, ngunit nagapi ng Taft mainstays ang Ateneo de Manila University (ADMU) Women’s Table Tennis Team, 3–2. Parehong eksena rin ang ipininta ng DLSU Green Paddlers sa kanilang mga duwelo kontra UST Tiger Paddlers, 0–3, at University of the Philippines (UP) Men’s Table Tennis Team, 3–1.

Pagbangon sa pagkakadapa

Sa pagdating ng umaga para sa Green Paddlers, nagising sa masalimuot na resulta si Troy Docto nang puksain ng mga metikulosong tirada ni UST rookie Ray Manlapaz, 5–11, 4–11, 2–11. Sinubukan namang buhayin ni Kapitan Elijah Yamson ang tulog na luntiang diwa kontra sa beteranong si Alvin Sevilla sa bisa ng mga forehand drive upang dalhin sa decider ang kanilang tagisan, 7–11, 15–13, 9–11, 11–7. Gayunpaman, hindi ito naging sapat matapos umangil ang tigre sa unang bahagi ng ikalimang set na hindi na nagantihan pa ni Yamson, 6–11. 

Maalab na pumukol ng alas ang Berde at Puting tambalan nina Andrei Villacruel at Peter Zambrano upang buksan ang ikatlong bakbakan kontra sa España-based duo nina Abraham Antivo at Prince Garcia, 11–7. Subalit, bigong samantalahin ng Taft-based duo ang naunang bentahe at tuluyang dinaig ng España mainstays, 7–11, 7–11, 10–12. 

Sa pagsabak sa panibagong engkuwentro sa hapon, agad na isinalansan ni Team Captain Yamson ang kaniyang sagwan upang pundihin ang dilaab ni UP player Gabriel Nierva sa unang set, 11–5. Nakaahon man ang Diliman mainstay sa ikalawang set, 7–11, rumatsada ng forehand push at mga umaatikabong drive ang Kapitan upang puwersahing magbitiw ng fault ang katunggali at kunin ang panalo sa unang salpukan, 11–2, 16–14. Pagdako sa ikalawang singles match, pumailalim si Green Paddler Dino Marcelo sa mga kalkuladong tira ni Dirk Odian II, 9–11, 9–11, 11–9, 6–11. 

Tangan ang hangaring bumawi mula sa pait ng nakaraan, bumida ng mga nagbabagang drive sa doubles match ang tambalang Villacruel-Zambrano upang pasukuin ang mga taga-Diliman na sina Ken Bas at Benzdio Florida, 11–4, 11–9, 11–9. Matumal naman ang naging simula ni Green Paddler Red Torres matapos kapusin ang pagsagwan kontra kay Diliman player John Pacis sa unang dalawang set, 10–12, 10–12. Rumesponde ang nakaberde ng mga suwabeng push upang itabla ang serye, 11–6, 12–10. Sa pagtapak sa decider, wala nang sinayang na pagkakataon ang Taft mainstay na nagpasiklab ng mga drive upang indakan ang kalaban sa ikalimang set, 11–4. 

Pagbalasa ng mga baraha

Dumanas ng bangungot si Lady Paddler Mariana Caoile sa opening singles ng Taft-based kontra España-based Lady Paddlers. Tinangkang habulin ni M. Caoile ang inirehistrong bentahe ni Denise Encarnacion, subalit sumala ang mga berdeng palaso matapos iwasan ng mapusok na tigre, 4–11, 6–11, 4–11. Naglagablab ang mga tirada ni Team Captain Angel Laude sa ikalawang singles match nang iahon sa lusak ang koponan kontra kay UST player Alliah Encarnacion, 11–4, 11–6, 11–3. 

Gayunpaman, muling tinahak ng Berde at Puting kampo ang delubyo nang supilin ang duo nina Chime Caoile at Arianna Lim ng ginintuang tambalan nina Leigh Villanueva at Kathlyn Gabisay sa doubles match, 2–11, 11–8, 7–11, 10–12. Pasan ang bigat ng pagsalba sa kanilang pangkat, bumigay ang tikas ni Lady Paddler Cielo Bernaldez sa mga atake ni Althea Gudes sa ikaapat na singles match, 10–12, 9–11, 11–8, 9–11. Bunsod nito, tuluyang sinakop ang luntiang puwersa ng mga pambato ng España, 1–3.

Unti-unting nagising ang diwa ng Taft mainstays matapos sunggaban ni reigning Most Valuable Player Laude si ADMU player Kaela Aguilar sa unang singles ng rivalry match, 11–3, 11–4, 11–4. Nakamit naman ni DLSU rookie C. Caoile ang kaniyang unang panalo sa UAAP kontra sa agilang si Maureen De Guzman sa ikalawang singles, 11–9, 11–3, 11–6. Sa kabila ng pagratsada, napawi ang ningas ng nagbabalik na tambalan nina M. Caoile at Shyrein Redoquerio, 11–5. 9–11, 10–12, 9–11. 

Nagpatuloy ang pagkalula ng DLSU nang bigong ihawla ni Lim si Season 86 Rookie of the Year Jelaine Monteclaro sa ikatlong singles match, 9–11, 6–11, 5–11. Subalit, hindi nagpatinag ang beteranang si Bernaldez matapos siilin ang panalo ng luntiang hanay mula kay Destine Jover sa pagtatapos ng sagupaan, 11–5, 12–10, 13–11. 

Hinaharap na pag-asa

Sa kaniyang pagharap sa 0–2 set na disbentaha, ibinahagi ni DLSU sophomore Torres sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga iwinika ng kanilang tagapagsanay upang buhayin ang kaniyang loob. Paglalahad niya, “Sinabi lang ni coach sa akin na mag-ready lang ako sa mga bola na darating at ‘wag ko agad patayin ‘yung bola. Sinabi niyang kaya pa ‘yan at magtiwala lang ako sa sarili.”

Ipinahayag din ni Torres na kinondisyon niya ang kaniyang diwa sa bisa ng pagpopokus at pagsasabuhay ng kaniyang mga pagsasanay. Bilang resulta, naisakatuparan niya ang reverse sweep at ang tagumpay ng Green Paddlers kontra UP.

Inamin naman ni rookie Lady Paddler C. Caoile na hindi pa solido ang kaniyang tiwala sa sarili at nangibabaw ang kaniyang kaba sa mga nagdaang laban. Sambit ni C. Caoile sa APP kasunod ng pagdakmal ng kauna-unahang panalo, “Gagawin ko ‘yung best ko para maka-contribute [pa lalo] sa team, since pinagkakatiwalaan ako ng coaches.”

Natamo ng Green Paddlers ang 3–1 panalo–talo kartada sa ikalawang araw ng torneo. Samantala, inilista ng Lady Paddlers ang 2–2 panalo–talo rekord sa parehong araw.