MARIING LUMAGDA ng panalo ang De La Salle University (DLSU) Green Paddlers kontra Far Eastern University (FEU) Men’s Table Tennis Team, 3–1, at Ateneo de Manila University (ADMU) Men’s Table Tennis Team, 3–0, sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Table Tennis Tournament sa Ayala Malls Manila Bay, Nobyembre 19.
Natamo naman ng DLSU Lady Paddlers ang pinaghalong resulta laban sa FEU Women’s Table Tennis Team, 1–3, at University of the Philippines (UP) Women’s Table Tennis Team, 3–1, sa parehong pook at araw.
Dominanteng panimula
Maagang rumatsada si Team Captain Elijah Yamson nang humataw sa unang singles match kontra kay FEU player Christian Golez. Subalit, kinapos ang mga tirada ni Yamson matapos madaplisan ng matalim na sungay ng tamaraw, 11–8, 8–11, 11–5, 4–11, 8–11. Lumiyab naman ang dilaab ng Green Paddlers sa ikalawang singles match dala ng magkabilang atake ni Troy Docto upang iahon ang Taft-based squad sa laylayan, 11–9, 11–7, 11–7.
Umalagwa rin mula sa tanikala ang tambalang Andrei Villacruel at Peter Zambrano nang isalansan ang come-from-behind na panalo sa doubles match, 8–11, 5–11, 11–8 12–10, 11–8. Hindi na kumalas ang giting ni Green Paddler Red Torres at matagumpay na nililok ang panalo sa ikatlong singles match kontra sa beteranong si Peter Cubio, 8–11, 11–2, 11–7, 11–3.
Agad na ipinaramdam ng Green Paddlers ang kanilang presensiya sa Season 86 silver medalists ADMU Men’s Table Tennis Team matapos isawalang-bisa ni Docto ang mga tirada ng agilang si Mahendra Cabrido sa unang singles match, 11–2, 11–2, 4–11, 10–12, 11–9. Sinupalpal naman ng beteranong si Yamson si reigning Rookie of the Year Rod Garcia sa ikalawang singles match, 11–9, 11–5, at 12–10. Ipinamalas ng Green Paddlers ang kanilang kompletong dominasyon nang selyuhan ng luntiang tambalan nina Villacruel at Zambrano ang 3–0 panalo mula sa karibal na sina Wrency Abad at Francisco Victor, 12–10, 11–7. 11–8.
Bigat ng korona
“Kapag nasasaktan kayo, dapat mas lalo kayong tumatapang.” Ito ang mga eksaktong katagang binitawan ni DLSU Head Coach Lauro Crisostomo sa defending champions Lady Paddlers sa resulta ng naging harapan.
Hindi napigilan ng Taft-based squad ang pag-araro ng FEU Women’s Table Tennis Team nang agad na malasap ni Lady Paddler Arianna Lim ang pait ng pagkatalo kay Ashly Sobrevilla sa unang singles match, 4–1, 12–10, 7–11, 5–11. Bumuwelta naman ng panalo si Team Captain Angel Laude matapos pundihin ang ningas ni Lady Tamaraw Aizel Rom sa ikalawang singles match, 11–4, 11–5, 12–10.
Sa kabila nito, bigong paigtingin ng magkapatid na Mariana Caoile at Chime Caoile ang momentum ng luntiang kampo matapos yumukod kina Glieze Ampalid at Krisha Reyes sa doubles match, 9–11, 11–6, 14–16, 10–12. Nanatili ang paghihikahos ng Taft mainstays hanggang sa ikatlong singles match sa bigong pagdepensa ni Lady Paddler Cielo Bernaldez sa mga bentaheng una niyang isinalaksak sa panig ni Shairah Gabisay, 9–11, 11–6, 14–16, 10–12.
Rumagasa naman ang tikas ni Lady Paddler Shyrein Redoquerio upang siilin ang panalo kontra kay Fighting Maroon Vianne Depiedra sa unang singles match, 11–5, 7–11, 5–11, 11–3, 11–8. Nagpatuloy ang pamamayani ni Laude matapos paulanan ng mga tirada si UP player Althaea Salvador, 11–4, 11–3, 11–5. Nanatili namang kapos sa panalo ang duo nina C. Caoile at Lim bunsod ng matatag na pagsulong nina Ella Hicap at Rea Rusiana, 7–11, 12–10, 8–11, 11–9, 12–14. Gayunpaman, hindi na pinalampas pa ni Bernaldez ang paglista ng panalo sa ilalim ng kaniyang pangalan at pinasuko si Bethel Sadora, 11–6, 11–3, 13–15, 12–10.
Pinatatag na kalasag
Ibinahagi ni Kapitan Yamson sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang binigyang-tuon upang mairehistro ang mga panalo sa unang araw ng kompetisyon. Aniya, “I conditioned their [the team’s] minds to win all the games. We’ve been hungry na. . . Natalo na kami for the past two years. So this year, in-instill ko sa kanila na we’re parang underdogs.”
Idinagdag pa ng Kapitang dadalhin ng Green Paddlers ang naturang mindset at intensidad mula sa unang araw upang maungusan ang mga darating na kalbaryo ngayong season.
Samantala, inamin ni Kapitana Laude sa APP na nilamon ang Lady Paddlers ng kanilang sariling errors at pagkataranta sa kabila ng mga ginawang kalamangan sa mga laro. Pagnilay ng national team standout para sa kanilang pagsuong sa mga susunod na bakbakan, “Dapat mas chill lang kami [at] mas kalmado. And dapat ‘yung composure sa game, nandoon lang.”
Napasakamay ng Green Paddlers ang malinis na 2–0 panalo-talo kartada upang makisalo sa University of Santo Tomas Tiger Paddlers sa tuktok ng talaan. Hawak naman ng Lady Paddlers ang 1–1 panalo–talo baraha matapos umukit ng magkaibang tadhana sa simula ng torneo.