INILATAG ng mga kandidato mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) ang kani-kanilang plataporma sa isinagawang Miting de Avance ng Special Elections 2024 sa The Meadow, Nobyembre 9.
Binigyan ng tatlo, lima, at walong minuto ang mga tumatakbong batch officer, college assembly president (CAP), at executive board member ng University Student Government (USG) upang ipahayag ang kanilang mga hangarin para sa isang “Realized Lasallian Purpose” sa Pamantasan.
Pamumuno sa kolehiyo at batch
Pinangunahan ni Hannah Castillo, tumatakbong CAP ng Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB), ang paglatag ng mga plataporma para sa kanilang kolehiyo. Binigyang-priyoridad niya ang pagkakaloob ng suporta sa mga estudyante.
Pagpapalalim ni Castillo, “We deserve a culture that challenges us to strive for entrepreneurial opportunities and resources to help every student excel. And that starts with leaders who are constantly present and engaged.”
Tinutukan naman ni Iñaki Saldaña, tumatakbong BLAZE2025 BL, ang kaniyang planong maglunsad ng termly evaluations ng mga naihalal na opisyal ng USG upang palakasin ang kanilang ugnayan sa mga estudyante.
Kumakandidato rin para sa BLAZE2025 sina Batch President (BP) Mikayla Sanchez at Batch Vice President (BVP) Lara Capps. Kasama nila sina BP Joshua Languban at BVP Cedric Perez mula sa BLAZE2026. Gayundin, tumatakbo sa ilalim ng bandila ng SANTUGON sina BP Cenzo Importante, BVP Aura Dulce, at BL Naomi Conti upang makasungkit ng puwesto sa BLAZE2027.
Tumungtong din sa entablado si Hannah Tayzon, tumatakbong CAP ng College of Computer Studies (CCS). Ibinida niya ang malaking potensiyal na kaniyang nasaksihan sa loob ng CCS bilang dating pangulo ng Google Developer Student Clubs at kasalukuyang chief of staff ng CATCH2T26.
Mamumuhunan si Tayzon sa inobasyon at kolaborasyon upang mahubog ang mga kalakasan ng kanilang kolehiyo at makagawa ng mga oportunidad para sa kanilang patuloy na pag-unlad.
Katuwang niya sa pagtakbo sina BP RC Faustino at BL Ivan Mangubat ng CATCH2T27. Kasangga rin sa kanilang layunin sina BP Jace Mandrique, BVP Kristopher Malayao at BL Jules Valenciano ng CATCH2T28.
Ibinahagi naman ni Guin Durusan, standard-bearer ng SANTUGON para sa College of Liberal Arts (CLA) at tumatakbong FAST2022 BVP, ang kaniyang pagsuporta sa komunidad ng LGBTQIA+, women empowerment, at mental health awareness. Nais niyang itaguyod ang malayang pagpapahayag ng identidad para sa mga estudyante ng CLA.
Kaagapay ni Durusan sa pagbuo ng isang “purpose-driven liberal arts community” sina BP AC Parumog at BL Zach Quiambao ng FAST2023, gayundin sina BVP Chi Francia at BL Ken Cayanan ng FAST2024.
Ipinagmalaki nina BP Aly Nitura at BVP Ynara Peñas mula sa FOCUS2024 ang kanilang mga platapormang COStomer Care Hub para sa pagsentralisa ng lahat ng serbisyong pang-estudyante at FOCUSsentials para sa paglalaan ng kagamitang panlaboratoryo. Itinampok din nila ang COS of Change na layong pataasin ang kamalayan ng mga estudyante ukol sa mga isyung panlipunan.
Samantala, ipinaliwanag ni Eya De Los Santos, tumatakbong EXCEL2026 BP, ang proyektong ELEVATE na binubuo ng iba’t ibang aktibidad na nakatuon sa kasanayan sa komunikasyon sa konteksto ng ekonomiks. Binigyang-pansin naman ni Pharell Tacsuan, tumatakbong EXCEL2027 BL, ang pagpapadali ng proseso ng mga approved absence sa Pamantasan.
Hakbang mula sa pinakamatataas na puwesto
Inihain ni Bianca Manzano, tumatakbong executive treasurer, ang Extended Assistance Program na aagapay sa mga Lasalyano batay sa kanilang pinansiyal na pangangailangan. Susuriin din niya ang mga polisiya ukol sa matrikula sa Pamantasan. Pagtindig ni Manzano, “Ang bawat sentimo, bawat barya, [at] bawat pera niyo ay kailangan ginagamit nang tama.”
Binigyang-diin naman ni Denise Lauren, tumatakbong executive secretary, ang pananatiling maalam sa bawat pangyayari sa Pamantasan upang epektibong maibahagi ang impormasyon sa mga estudyante. Pinahalagahan din niya ang inklusibidad at representasyon bilang kasalukuyang BP ng BLAZE2024 na may pinakamalaking populasyon sa RVRCOB.
Isusulong ni Josel Bautista, kumakandidatong vice president for internal affairs at Office of the Vice President for Internal Affairs mainstay, ang pagpapabuti sa mga pasilidad sa kampus at pagpapatibay ng mga serbisyong pang-akademya at pangkapakanan ng mga estudyante. Pagtiyak niya, “Hangga’t may estudyanteng nangangailangam ng tulong, hinding-hindi ako mawawala kasama ang buong opisina.”
Inilahad naman ni Ashley Francisco, tumatakbong pangulo, ang kaniyang mga plano upang itaguyod ang iba’t ibang aspekto ng buhay Lasalyano. Ilan dito ang University Policies for Progress para sa pagprotekta ng karapatan ng mga estudyante at ang Alerto Lasalyano para sa pagtulong sa mga miyembro ng pamayanan sa panahon ng sakuna.
Ihahatid din niya ang Boto Mo para sa Pagbabago na nakasentro sa voters’ education at Lasallian Legal Empowerment and Protection na nakapokus sa legal na pangangailangan ng mga Lasalyano.
Winakasan ni Francisco ang presentasyon ng mga kandidato sa mga kataga ni dating Bise Presidente Leni Robredo. Wika niya, “‘When there is a call for you to serve, no matter how difficult, you answer the call.’ This is what I’ve done for over the past five years, DLSU. And this is what I will continue to do for you, my fellow Lasallians.”