Lady Spikers, humapay ang tindig kontra Blue Eagles at Fighting Maroons

Kuha ni Josh Velasco

BUMALIKWAS ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 20–22, 18–21, at University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 17–21, 21–23, sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 16. 

Napuwing sa pagaspas ng pakpak

Maagang pagpapasiklab ang ipinamalas ni Lady Spiker Sophia Sindayen matapos umukit ng dalawang service ace, 5–3. Napanatili ng Taft mainstays ang bentahe sa bisa ng mga power tip ni Ela Raagas patungo sa butas na depensa ng ADMU sa likod, 12–7. Matapos ang technical timeout, nabuhayan ang bughaw na panig nang tumikada ng tatlong magkakasunod na atake si Beautiliza Lomocso upang kabigin ang kalamangan, 16–18. Nagawa pang itabla ng DLSU ang laro, 20–all, ngunit pumalya silang itawid ang bola at tuluyan nang kumawala sa kanilang mga kamay ang unang set, 20–22. 

Pareho ang naging istorya ng ikalawang set nang pumako si Raagas tungo sa zone 1, 5–3. Nagpakawala si Sindayen ng isang crosscourt kill na sinundan ng alas ni Raagas upang paigtingin ang abante ng Lady Spikers, 12–9. Pagpatak ng kalagitnaan ng yugto, hindi hinayaan ng Loyola-based squad na makalayo ang hanay ng Berde at Puti nang barogin ni Grydelle Matibag ang bola sa malapader na kamay ni Sindayen, 14–15. Bunsod ng biglaang pagdikit, nagpatuloy ang momentum ng mga agila upang gumatong sa pag-arangkada ni Matibag gamit ang tatlong sunod-sunod na atake, 18–20. Ganap na iwinaksi ni Lomocso ang mga manunudla matapos rumehistro ng alas, 18–21.

NaUPos na pagsalakay

Mabilis na umabante ang Taft mainstays kontra Fighting Maroons bunsod ng mga off-speed ni Sindayen, 7–4. Agad namang nagpainit si Euri Eslapor na sumalansan ng puntos upang maibuwelta ng Diliman-based squad ang bentahe, 15–16. Ipinantay ni Sindayen ang talaan, 17–all, ngunit nagpakawala ng 4–0 run ang UP upang isukbit ang unang set, 17–21.

Bitbit ang positibong enerhiya mula sa nagdaang yugto, ipinihit ni Eslapor ang kaniyang atake sa crosscourt upang isahan ang Lady Spikers, 3–6. Rumesponde para sa panig ng Taft si Sindayen na kumaripas ng mga atake upang bawiin ang kaangatan sa UP, 15–13. Nakauna sa set point ang Berde at Puting koponan, subalit nagpasok ng isang crosscourt shot si Julia De Leon na sinundan pa ng hulog at alas na nagbigay sa UP ng panalo, 21–23.

Hanggang sa susunod na laban

Isinalaysay ni Raagas sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang mga pagkukulang sa larong naging dahilan ng nangyaring pagkatalo. Saad niya, “It’s always the end game. Sa umpisa, nalalamangan namin ‘yung kalaban. Pero pagdating sa dulo, palaging nagkukulang sa tapang, which is sobrang laking factor para manalo. ‘Yon ‘yung iwo-work on pa namin sa game bukas.” 

Nananatili sa ilalim ng talaan ang Lady Spikers tangan ang 0–3 panalo–talo kartada matapos yumukod sa mga manlalaro mula Katipunan. Sunod na susubukin ng Lady Spikers ang hanay ng Far Eastern University Lady Tamaraws. Haharapin din ng luntiang koponan ang lupon ng National University Lady Bulldogs.