Green at Lady Woodpushers, kuminang ang diskarte sa San Marcelino

Kuha ni Emil Bien Yague

NANAIG ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Woodpushers kontra Ateneo de Manila University Men’s Chess Team, 2.5–1.5, at National University (NU) Women’s Chess Team, 3.5–0.5, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Chess Tournament sa SV Gym ng Adamson University (AdU) kahapon, Nobyembre 16. 

Pinto ng pagkakataon

Madilim na simula ang bumungad sa DLSU nang tumaob ang mga piyesa ni Green Woodpusher Cyril Telesforo kontra kay Blue Eagle Paul Llanillo matapos ang 114 na galaw, 0–1. Agad namang rumesbak si Angele Biete na nagbigay ng unang puntos sa Taft-based squad nang pabagsakin ang reyna ni Romeo Canino sa maikling oras, 1–1. Umagapay rin sa pagbuo ng momentum ng Berde at Puting koponan si Team Captain Daniel Lemi na kumawala sa estratehiya ng agilang si Knarf Batislaong upang maabot ang checkmate, 2–1. Nagwakas sa tablang talaan ang huling tagisan matapos magharap ang mga reyna nina Jester Sistoza at Christopher Kis-ing, 2.5–1.5.

Binuksan ng Green Woodpushers ang oportunidad na makatapak sa podium nang ungusan ang mga galaw ng Loyola-based squad tangan ang 11 match point at 19 na board point. Tatangkaing selyuhan ng Taft mainstays ang ikatlong puwesto kontra Far Eastern University Men’s Chess Team sa huling araw ng paligsahan. 

Pinagtibay na hanay

Dala ang hangaring makabawi mula sa huling pagkatalo, mas pinaigting na determinasyon ang  sinakyan ng Lady Woodpushers upang sagasaan ang mga piyesa ng NU Women’s Chess Team. Nagsimulang umarangkada si Team Captain Francois Magpily matapos mamayani kontra kay Lady Tamaraw Allanney Doroy sa unang board na kaniyang winakasan sa loob lamang ng 28 galaw, 1–0. Hindi rin nagpahuli si Lady Woodpusher Sara Olendo sa pagpapakitang-gilas nang maghandog ng double-rook checkmate laban sa nagkukumahog na si Queen Pamplona, 2–0. 

Umukit naman ng kombinasyon gamit ang kabalyero at reyna ang pambato ng Taft na si Rinoa Sadey kontra kay Natasja Balabbo upang tuldukan ang salpukan sa ikatlong board kasunod ng ika-31 galaw, 3–0. Samantala, nagbanggaan ang mga piyesa nina Lady Woodpusher Checy Telesforo at Lady Tamaraw Princess Ballete upang itabla ang rekord ng huling bakbakan, 3.5–0.5. 

Natiyak na ang podium finish ng Lady Woodpushers matapos magrehistro ng 14 na match point at 24.5 board point sa Round 13 ng torneo. Gayunpaman, susubukang ikandado ng Berde at Puting koponan ang pilak na medalya sa kanilang huling pagratsada kontra AdU Women’s Chess Team.