Katayuan ng mga kandidato sa mga isyung pangkampus at panlipunan, ibinida sa Malayang Talakayan 2024

Kuha ni Payapa Julia Guieb

HINARAP ng mga kandidato mula sa Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) ang mga katanungan hinggil sa mga isyu sa loob at labas ng De La Salle University sa idinaos na Malayang Talakayan sa The Meadow, Nobyembre 6. Kabilang ito sa mga sponsored event ng Commission on Elections para sa Special Elections 2024. 

Unang nagbahagi ng kani-kanilang sentimiyento ang mga kinatawan ng bawat batch student government sa pangangasiwa ng La Salle Debate Society at Judiciary. Ipinagpatuloy ang open forum ng mga tumatakbo para sa college assembly president (CAP) at winakasan naman ito ng mga pambato para sa executive board (EB).

Pagsukat sa tugon sa tawag ng panahon

Nanindigan si Ken Cayanan, tumatakbong FAST2024 batch legislator (BL), para sa muling pagbibigay-kahulugan sa pamumuno upang maipanumbalik ang tiwala ng mga estudyante sa USG sa gitna ng mababang politikal na partisipasyon sa Pamantasan. Kaugnay nito, tiniyak ni Pharell Tacsuan, tumatakbong EXCEL2027 BL, na mananatiling nakatuon sa napapanahong pangangailangan ng mga estudyante ang kanilang mga proyekto.

Samantala, pinahalagahan ni RC Faustino, tumatakbong CATCH2T27 batch president (BP), ang kanilang proyektong Something CATCHy matapos igiit na taliwas ang mga pananaw ni US President-elect Donald Trump sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.

Paliwanag ni Faustino, “[Our project] allows proper representation for voices out there who have something to say. . . in order to discuss the nature [of the said issue], because our involvement in the US elections is very important.”

Buong-puwersa namang kinontra ng mga kandidato sa CAP na sina Hannah Castillo, Ramon V. del Rosario College of Business; at Hannah Tayzon, College of Computer Studies, ang pagpapatupad ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa kolehiyo. Ipinunto ni Tayzon na nararapat munang maresolbahan ang banta ng hazing sa loob ng ROTC, samantalang iginiit ni Castillo na may mga isyung mas kinakailangang bigyang-priyoridad sa bansa.

Sa kabilang banda, itinampok ng mga naghahangad umupo sa EB ang kanilang mga plano para sa pagpapaigting ng seguridad ng mga estudyante. Inilahad ni Josel Bautista, kumakandidatong vice president for internal affairs (VPIA), ang proyektong Campus Safety Enhancement na naglalayong magdagdag ng mga security camera sa Pamantasan. 

Plano namang isulong ni Denise Lauren, kumakandidatong executive secretary, ang Media Literacy Awareness para sa mga estudyante at kawani. Pagpapakahulugan niya, “We can ensure that harmful contents are being [monitored] properly and we can ensure that the media being consumed. . . is not harmful to anyone in the Lasallian community.” 

Ipinabatid naman ni Bianca Manzano, kumakandidatong executive treasurer, na makikipagtulungan sila sa Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-Being upang muling aralin at gawing mas inklusibo ang Safe Spaces Policy.

Balitaktakan sa usaping pinansiyal

Mariing tinutulan ng buong EB slate ng SANTUGON ang tuition fee increase (TFI). Bibigyang-tuon ni Manzano bilang tumatakbong ingat-yaman ang pag-analisa sa mga audit report ng Pamantasan upang matukoy ang mga maaaring ibawas sa gastusin nito. Giit niya, “Through this, I believe we can have [a] more sustainable and a more budget-friendly Lasallian community here in our institution.” 

Ipinangako naman ni Francisco, kasalukuyang VPIA, na patuloy silang maglulunsad ng mga on-ground at online na kampanya para sa 0% TFI. Palalakasin din niya ang pakikipag-ugnayan sa Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees na binubuo ng administrasyon, mga propesor, mga kawani, mga magulang, at mga estudyante.

Inilatag naman ni Bautista ang magiging gampanin ng Student Services sa pagpapakalat ng mga sarbey at pag-oorganisa ng mga focus group discussion upang mapakinggan ang pinansiyal na sitwasyon ng bawat estudyante.

Nanatili ring kampante ang mga nasabing kandidato sa pagsasakatuparan ng kanilang mga plataporma sa kabila ng ipinataw na budget cut sa University Student Government (USG). Pagpapalawig ni Manzano, “Kaming USG, palagi kaming naghahanap ng solusyon. . . We will be collaborating with external stakeholders who will uphold our collaborative community development. We will contact other suppliers or other companies.”

Ipinaglaban naman ni Lauren sa kaniyang talumpati ang iba’t ibang sektor ng mga estudyanteng direktang naaapektuhan ng pagtaas ng matrikula, gaya ng mga iskolar, working student, at nagmula sa single-parent household.

Pagpapalalim sa gampanin ng LA

Nilalayon ni Zach Quiambao, kumakandidatong FAST2023 BL, na gawing inklusibo ang Legislative Assembly (LA). Ibinida rin ni Cayanan ang kanilang bisyon para sa LA na Your Voices in Shaping a Transformative Tomorrow.

Pagbibigay-lalim ni Cayanan, “Ibig sabihin [nito], makagagawa ng mga polisiya na magke-cater sa Lasallian students. Kailangang pakinggan ang boses ng ating mga constituents. . .  We will ensure smooth and open communication within our batches.” 

Bukod pa rito, balak isulong ni Cayanan sa LA ang mandatoryong pag-endoso ng USG sa mga kandidato sa pambansang halalan. Nais naman ni Quiambao na makabuo ng lugar para sa indigenous peoples at mga estudyanteng nagmula sa probinsiya.

Samantala, kinilatis ang kakayahan ng mga kumakandidatong BL dahil sa kanilang kawalan ng karanasan sa LA. Ikinatuwiran ni Quiambao na hindi na sila bago sa mga karanasan sa loob ng Pamantasan at matutugunan nila ang suliranin ng mga Lasalyano sa pagkonsulta sa mga estudyante at opisina.

Ipinahayag nina Quiambao, Tacsuan, at Cayanan na bagaman nagmula sila sa iisang partidong politikal, tanging ang identidad at representasyon ng bawat estudyante ang mananaig sa LA. Wika ni Cayanan, “Once we are elected, we will make sure that we are not blue [and] yellow, but we are green and white, because we are representing the whole Lasallian body.”

Pagkilatis sa prinsipyo ng mga kandidato

Inalmahan ni Eya De Los Santos, tumatakbong EXCEL2026 BP, ang akusasyon ng pandaraya sa isang kurso at pagbabahagi ng mga kinopyang kasagutan sa social media. Aniya, “We do compare answers [in class], but we do it if ever this is a group activity. . . I do advocate for collaborative learning, but cheating is not something I would encourage.”

Binigyang-linaw naman ni Guin Durusan, tumatakbong FAST2022 batch vice president at project head for events ng Council of Student Organizations Annual Recruitment Week (ARW) 2024, ang kontrobersiya sa pagpili ng temang Hunger Games para sa nagdaang ARW. Ipinaunawa niyang walang politikal na implikasyon ang naturang tema, bagkus nagsilbing-daan lamang ito upang maipakilala ng bawat organisasyon ang kanilang mga sarili.

Inusisa rin ang paglipat ni Lauren sa SANTUGON gayong nauna siyang tumakbo sa ilalim ng Alyansang Tapat sa Lasallista. Sagot ni Lauren, “Growth is constant. And after assessing myself at this current moment and after learning more about SANTUGON. . .  I have come to the decision that my values have aligned more with the party and we work well better.”

Kinilala naman ni Bautista ang mga naging suliranin sa University Vision-Mission Week nitong Hunyo. Siniguro niyang pagninilayan nila ang mga natanggap na evaluation feedback, palalakasin ang yamang-tao ng sentral na komite ng proyekto, at pagtitibayin ang ugnayan ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA) sa mga opisina ng Pamantasan. 

Para din sa panig ng kasalukuyang OVPIA, inamin ni Francisco na pinanghinaan siya ng loob matapos ang mga nangyaring aberya sa Animusika 2024. Gayunpaman, itinuturing niya itong aral upang lalo pang pag-igihan ang kaniyang pagsisilbi sa USG.

Pagtindig niya, “[The negative events that transpired during Animusika] gave me so much motivation and inspiration to be better and to do better along with your University Student Government. . . As your USG, I will continuously fight for your voice, right, and welfare in order to help you in your student life.”