NAIWAKSI ang malinis na baraha ng De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos silang mabingi sa alulong ng National University (NU) Bulldogs, 54–63, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, Nobyembre 13.
Bigo mang masikwat ang panalo, nagpasiklab si big man Mike Phillips nang magtala ng 18 puntos at sampung rebound. Nagbulsa naman ng siyam na puntos at rebound ang isa pang big man ng Taft sa katauhan ni Raven Gonzales. Sa kabilang panig, nanindigan para sa Jhocson-based squad si power forward PJ Palacielo matapos kumamada ng 16 na puntos at walang rebound.
Sinuong ng Green Archers ang malamlam na bungad kontra sa Bulldogs na maagang nagtala ng 8–0 run, 1–9. Gayunpaman, pinangunahan ni reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao ang pagbuwelo ng Taft mainstays sa pagkayod ng dos mula sa fastbreak, 3–9. Gumawa rin ng sariling diskarte si Gonzales at tumikada ng dalawang magkasunod na dos sa paint, 9–12. Nagbitiw ng harapang pull-up three si NU Bulldog Jake Figueroa upang tuligsain ang depensa ni Quiambao, 11–15. Sinara ang unang kuwarter sa tablang talaan kasunod ng pagpabor ng anim na free throw opportunity sa DLSU, 17–all.
Buhat ang hangaring angkinin ang kalamangan, umalagwa ng nagbabagang tira sa labas ng arko si Kapitan Joshua David, 24–27. Sinulot na ni Quiambao ang bentahe ng NU gamit ang isang midrange jumper, 28–27. Matapos ang ilang minuto, pumorma ng second-chance point si Gonzales mula sa tangkang tres ni David, 30–33. Namayani ang puwersa ng Bulldogs bunsod ng paglayag ni Tebol Garcia sa nalalabing segundo ng first half, 32–38.
Tahimik na nagsimula ang ikatlong yugto matapos malimitahan ang opensa ng parehong koponan. Binago ni one-and-done Lian Ramiro ang galaw ng laban pagkaraan ng tatlong minuto sa bisa ng drive, 34–41. Nagpamalas din ng liksi si DLSU center Phillips nang magpakawala ng umaatikabong slam sa ika-5:42 marka, 36–42. Bumida pa ng and-1 play si Phillips sa nalalabing tatlong minuto ng kuwarter, ngunit hindi ito naging sapat upang kabigin ang talaan mula sa mga nakaasul, 39–44.
Nanatiling paralisado ang Green Archers matapos umentrada ng spin move si Palacielo at magbaon ng puntos sa tulong ng sinundang pull-up shot, 42–51. Bahagya namang kumolekta ng puntos ang luntiang pangkat nang magsumite ng magkasunod na and-1 sina Phillips at Henry Agunanne, 46–51. Subalit, muling pinalawig ng Jhocson-based squad ang kanilang bentahe matapos magtala ng tres sa tatlong natitirang segundo sa shot clock, 51–59. Sa kabila ng bank shot ni Philipps, hindi na nakaahon pa ang Taft-based squad nang isara ng Bulldogs ang sagupaan tangan ang siyam na kalamangan, 54–63.
Umimpis ang darasig ng Green Archers sa pagwawakas ng kanilang kampanya sa ikalawang kabanata ng torneo. Gayunpaman, raratsada ang Taft mainstays sa Final Four mula sa unang puwesto sa elimination round at dala ang twice-to-beat na bentahe.
Mga Iskor:
DLSU 54 – Phillips 18, Gonzales 9, Agunanne 8, Quiambao 6, Ramiro 4, David 3, Macalalag 2, Gollena 2, Dungo 1, Marasigan 1, Konov 0, Austria 0, Alian 0.
NU 63 – Palacielo 16, Figueroa 14, Garcia 8, Manansala 6, Enriquez 5, Padrones 5, Jumamoy 3, Yu 3, Dela Cruz 2, Lim 1, Santiago 0, Tulabut 0, Francisco 0, Parks 0.
Quarter scores: 17–17, 32–38, 39–44, 54–63.