PINUNTIRYA ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers ang hanay ng University of Santo Tomas (UST) Female Woodpushers, 3–1, sa kanilang bakbakan sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Chess Tournament sa SV Gym ng Adamson University (AdU), Nobyembre 9.
Sa kabilang banda, nagmaliw ang DLSU Green Woodpushers kontra sa sandatahan ng UST Male Woodpushers, 0–4, sa kanilang ikalawang paghaharap sa Men’s Chess Tournament sa parehong lugar at araw.
Pinatatag na mga piyesa
Agarang pinarusahan ni Kapitana Francois Magpily si UST player Josemier Panol sa unang board ng tapatan, 1–0. Naudlot naman ang pagkapanalo ni Lady Woodpusher Lovely Geraldino nang umukit ng tabladong kartada kontra sa taga-Españang si Rohanisa Buto sa loob ng 97 move, 1.5–0.5. Pareho ang naging ihip ng hangin para kina DLSU player Checy Telesforo at España mainstay Princes Oncina sa ikaapat na board matapos ang 58 move, 2–1.
Klasikong simula ang ipinamalas ni Taft-based player Rinoa Sadey sa ikalawang board kontra sa nakadilaw na si Precious Yecla gamit ang King’s Pawn Opening. Naging agresibo ang galaw ng nakaberde upang magpamalas ng check move gamit ang bishop na nagresulta sa bishop trade sa ikasampung move. Nagpatuloy ang panggigipit ni Yecla sa katunggali sa bisa ng rook at bishop sa ika-19 na galaw kaakibat ng pawn capture. Sinelyuhan ng taga-Taft ang tagumpay sa checkmate mula sa pagsulong ng kaniyang queen, 3–1.
Pait ng pagkadapa
Pumailalim ang puwersa ni Taft mainstay Kris Olvido sa tikas ng taga-UST na si Melito Ocsan Jr. upang maagang tapusin ang tagisan sa 41 move, 0–1. Hindi rin nabago ni Taft-based player Cyril Telesforo ang kaniyang kapalaran matapos pasukuin ng UST player na si Christian Mark Daluz sa unang board, 0–2. Narindi rin ang luntiang hanay na pinangunahan ni John Lance Valencia sa pag-angil ng tigreng si Julius Gonzales sa ikaapat na board nang wakasan ang utakan sa ika-56 na move, 0–3.
Tangan ang misyong mag-uwi ng panalo sa kanilang koponan, mainit na sinimulan ni DLSU Team Captain Daniel Lemi ang engkuwentro nila ng España-based player na si Chester Reyes sa isa pang King’s Pawn Opening. Mahigpit na palitan ng knight ang naging eksena pagdako ng kanilang ika-19 na galaw. Mapangahas na sinalakay ng Kapitan ang depensa ng katunggali bago mag-alsa ang UST sa nangyaring palitan ng rook sa ika-32 galaw. Matibay man ang naging kapit ng manunudla, nanaig pa rin si Reyes kasunod ng rook checkmate move, 0–4.
Hamon ng hinaharap
Mula sa kanilang sinundang pagkabigo sa University of the Philippines, isinalaysay ni DLSU Team Captain Magpily sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang mga naging pagbabago sa kanilang preparasyon para sa UST. Pahayag niya, “’Yung preparation namin is chess and more on rest kami, saka siyempre look out pa rin sa isa’t isa. ‘Yung naging lineup namin [ngayong araw], hindi siya same as the original. Sinorpresa namin ‘yung kalaban.”
Sa kabila ng natamong masakit na pagkatalo, iginiit naman ni Green Woodpusher Jester Sistoza sa APP na hindi pa nagtatapos ang kanilang laban. Bagkus, ipapanalo nila ang tatlong nalalabing tagisan ng pangkat sa torneo.
Pumirme sa ikalawang puwesto ang Lady Woodpushers bitbit ang 12 match point at 19 na board point. Nanatili naman sa ikaapat na posisyon ang Green Woodpushers na may pitong match point at 12.5 board point. Samantala, muling nag-iwan ng magkaibang resulta ang dalawang luntiang hanay kontra Ateneo de Manila University Women’s Chess Team at AdU Men’s Chess Team sa parehong lunan kanina, Nobyembre 10.