PINAHUPA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang sagitsit ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 26–28, 25–19, 25–20, 21–25, 15–13, sa semifinals ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Nobyembre 6.
Ikinandado ni Player of the Game Shevana Laput ang matamis na tadhana ng Lady Spikers matapos pumuslit ng 19 na puntos mula sa 15 atake katambal ang dalawang block at service ace. Pinatagilid din ni DLSU outside hitter Angel Canino ang mala-ipis na depensa ng UST sa pagmitsa ng 16 na atake at isang alas. Nagbigay-buhay naman para sa ginintuang kampo si open spiker Angeline Poyos na naglatag ng 22 puntos mula sa opensa.
Mainit ang mga alas na pinakawalan ni UST opposite hitter Regina Jurado at maagang ipiniit ang unang pasa ng Lady Spikers, 3–8. Sa pagkasakdal ng Berde at Puting grupo sa apat na puntos, pinanimulan ni rookie Shane Reterta ang kanilang pagkaripas ng 8–2 run, 12–14. Wala namang pag-aalinlangang rumesponde ang mga armas ng España sa pag-asinta ni Poyos sa nangangapang pagkandili ni Canino sa teritoryo ng Taft, 19–24. Mariin pa ring kumapit ang luntiang koponan at bantay-saradong minanduhan ang ere sa kaliwa’t kanang pagpihit ni playmaker Cassie Carballo, 24–all. Sinalasa na ni Laput ang opensa sa mga pigil-hiningang huling sandali ng set, 26–all, ngunit muling napupog ng error ang kanilang kampo upang magparaya sa kalaban, 26–28.
Walang pinagbagong kuwento ang isinalaysay ng Taft mainstays nang muling pumailalim sa pagbubukas ng ikalawang yugto, 3–6. Hindi na nag-atubiling umagapay ang beteranang si Alleiah Malaluan na pumukol ng tatlong tirada upang kabigin ang kalamangan padako sa DLSU, 7–6. Nagparamdam din ang beteranang si Jyne Soreño kontra sa mga batang tigre matapos utakan ang kamay ng mga blocker, 18–14. Hinugot na pabalik ang pambihirang baraha ng DLSU nang bumomba si Canino at angkinin ang ikalawang set, 25–19.
Agad na pinaulanan ng mga atake ng tambalang Laput at Amie Provido ang panig ng UST nang tumikada ang koponan ng 5–2 run sa ikatlong bahagi ng tapatan. Pamaskong handog mula sa open ang isinagot ni Poyos matapos niyang tuldukan ang bentaheng inukit ng DLSU, 8–all. Mas pinaigting ng Taft-based squad ang kanilang opensa matapos ang down-the-line kill ni Malaluan, 19–14. Sinubukan pang ibaba ni Jurado ang kalamangan ng Taft mainstays, ngunit hindi na ito pinayagan pa ni Laput nang magrehistro ng isang backrow hit mula sa opposite, 25–20.
Nag-iba ang ihip ng hangin sa paglipat ng istorya sa ikaapat na set nang kabigin ng España-based squad ang maagang kalamangan sa bisa ng mga atake ni Poyos, 3–7. Ginulantang ni DLSU middle blocker Lilay Del Castillo ang sahig ng Golden Tigresses sa bisa ng isang power tip na sinabat ni Pia Abbu gamit ang isang drop ball, 5–9. Nagpatuloy ang malamlam na laro ng mga pambato ng Taft habang sinasadlak ni lefty Jonna Perdido ang kaniyang palo sa luntiang pader, 16–23. Nagawa namang ibaba ng Lady Spikers ang abante ng UST sa tatlong marka, subalit hindi na ito hinayaan ni Poyos na tumapos sa set gamit ang isang malabombang palo mula sa ikalawang zone, 21–25.
Pagtapak sa huling tagisan ng mga tirada, nanatiling alas ng DLSU si Laput na pumanday ng bentahe laban sa UST, 3–1. Pumitik naman si setter Carballo tungo kay Poyos upang gitgitin ang mga kinatawan ng Taft sa kanilang pagsalakay tangan ang dalawang magkasunod na down-the-line hit, 5–4. Humataw na rin ang pagdaluyong ni Canino at inakay ang kampo papalapit sa pagyapak sa finals, 14–11. Gayunpaman, naalarma ang momentum ng DLSU bunsod ng dahan-dahang pagpadyak ng Golden Tigresses upang palawigin ang sagupaan, 14–13. Sa kabila ng pagtatangka ng mga tigre, ipinaramdam ni Canino ang kaniyang dominanteng pananalasa at hinatid ang bangungot sa España sa bisa ng isang down-the-line hit, 15–13.
Matapos patahimikin ang banta ng mga tigre, muling aalsa ang Berde at Puting kalasag sa best-of-three finals ng torneo. Pagsisikapang panatilihin ng Lady Spikers ang kanilang walang bahid na kartada kontra sa makasisilat ng huling tiket na pag-aagawan ng National University Lady Bulldogs at Far Eastern University Lady Tamaraws.