NANUMBALIK sa panalong hanay ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers matapos makawala sa panggigipit ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 64–60, sa kanilang ikalawang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 6.
Itinanghal na Player of the Game si Lady Archer Bettina Binaohan na nagrehistro ng 15 puntos, walong rebound, tatlong steal, at dalawang assist. Umagapay rin ang opensa nina Luisa San Juan tangan ang 14 na puntos at Kyla Sunga bitbit ang 11 marka. Naging liwanag naman sa kalangitan ng Morayta sina MJ Manguiat na nagsumite ng 16 na puntos at Yvette Villanueva na nagtala ng 15 marka.
Nagsimula ang unang kuwarter sa malamlam na palitan ng mga free throw na pinangunahan ni Sunga, 2–1. Nagpaulan din mula sa arko ang luntiang alyansa sa pangangalaga ni San Juan, kaagapay ang agresibong tirada ng beteranang tambalan nina Binaohan at Lee Sario, 11–3. Samantala, parehong umagpang ng dalawang layup sina Rea Ong at Joann Nagma upang patigilin ang pagdurugo sa panig ng Morayta-based squad, 13–7. Ngunit, mas lalong pinalawak ni Binaohan ang agwat ng mga pangkat nang tumuldok ng tatlong puntos sa kabila ng pagduplika ng Lady Tamaraws sa kanilang mga tirada kasabay ng alingawngaw ng buzzer, 16–10.
Pinasiklaban ng Lady Tamaraws ang entrada ng ikalawang kuwarter matapos magpakawala ng tatlong puntos. Gayunpaman, hindi napirmi si Binaohan at agad ding umani ng tatlong marka para sa Taft mainstays, 19–13. Sumugal pa ng mga tirada sina Sario at San Juan upang panatilihin ang bentahe ng Lady Archers, 23–16. Tinangka naman ng FEU na isarado ang puwang sa bisa ng layup ni Maria Paras at dalawang puntos ni MJ Manguiat, 23–20. Bunsod ng naalarmang diwa ng Lady Archers, pinihit nina Binaohan, Sunga, at Bea Dalisay ang direksiyon ng laro gamit ang magkakasunod ng layup at floater, 29–22. Kumamada naman si Villanueva ng tres upang itabla ang sagupaan, 30–all. Wala nang sinayang pang pagkakataon si Villanueva at matagumpay na isinalaksak ang dalawang puntos sa pagwawakas ng yugto, 30–32.
Pinaigting ni Erica Lopez ang kaangatan ng Lady Tamaraws mula sa magkasunod na tirada sa loob at labas ng arko, 30–37. Kapuwa nagpundar ng dalawang puntos sina Sario at Mendoza, 34–37, subalit nagpamalas ng hindi mapunding determinasyon sina Manguiat at Lopez upang patuloy na ibaon ang Lady Archers, 34–43. Sa kabila ng isang floater ni Sunga, lalong ininda ng Berde at Puting hanay ang pag-araro ng Tamaraws mula sa tres ni Villanueva, 39–51. Namuhunan pa si Mendoza sa isang offensive rebound, 43–53, ngunit nanlumo ang kampo ng Taft nang ipinid ni Binaohan ang first half na pabor sa mga taga-Morayta, 46–55.
Umani ng tatlong puntos si San Juan upang iangat mula sa laylayan ang Berde at Puting koponang sinalamin ng pagratsada ni Mendoza, 49–58. Nakinabang naman si San Juan mula sa foul ni Villanueva at nagpasok ng tatlong free throw shot upang idikit ang abante ng kalaban sa anim na marka, 52–58. Nagrehistro pa ng mga two-pointer sina Binaohan at Sunga upang tuluyang ibalik ang kalamangan sa mga taga-Taft, 61–58. Sa nalalabing dalawang minuto ng sagupaan, tinangka pa ng Lady Tamaraws na tugisin ang Taft mainstays matapos masikwat ang momentum, 61–60. Subalit, hindi na naawat ang nag-aapoy na sigla ng Lady Archers na inayunan pa ng tadhana sa mga pinakawalang free throw nina Sario at Bernice Paraiso sa pagtatapos ng tapatan, 64–60.
Napasakamay ng Lady Archers ang 3–8 panalo–talo kartada sa kanilang pagganti mula sa mga nagdaang pagkatalo. Sunod na susubukin ang tibay ng Berde at Puting koponan ng University of the Philippines Fighting Maroons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-12:00 n.t. sa Linggo, Nobyembre 10.
Mga Iskor:
DLSU 64 – Binaohan 15, San Juan 14, Sunga 11, Sario 8, Mendoza 7, Dalisay 7, Paraiso 2, Dela Paz 0, Camba 0, Bacierto 0, Santos 0, Delos Reyes 0.
FEU 60 – Manguiat 16, Villanueva 15, Lopez 14, Pasilang 5, Paras 4, Ong 4, Nagma 2, Salvani 0, Dela Torre 0.
Quarter scores: 16–10, 30–32, 46–55, 64–60.