Lady Spikers, ibinandera ang mas matingkad na berde kontra Lady Blazers

Kuha ni Julia Chan Julio

WALANG MANTSANG IWINAKSI ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang ekspedisyon ng De La Salle-College of Saint Benilde (CSB) Lady Blazers, 25–13, 25–23, 25–16, sa ikalawang bugso ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Oktubre 30.

Namayagpag si Player of the Game Lilay Del Castillo na nagsumite ng sampung puntos mula sa anim na atake at apat na block. Bumomba rin ng sampung marka si DLSU opposite hitter Shevana Laput at siyam na puntos si wing spiker Angel Canino upang paigtingin ang opensa ng Berde at Puting hanay. Sa kabilang dako, nagsilbing liwanag si opposite spiker Rhea Densing sa madilim na daang tinahak ng Lady Blazers matapos rumehistro ng anim na puntos mula sa limang atake at isang block.

Maagang nagpakawala ng alas si DLSU playmaker Mikole Reyes upang buksan ang unang yugto ng sagupaan, 1–0. Namuhunan pa si Reyes sa mga atake nina outside hitter Canino at Shane Reterta na nagpalayo sa distansiya ng DLSU sa talaan, 8–2. Binulaga naman ng mga atake nina Lady Blazer Micah Go at Leni Borromeo ang depensa ng Lady Spikers sa kalagitnaan ng set upang maibaba ang bentahe ng Lady Spikers sa apat na marka, 8–4. Ngunit, hindi nagpatinag ang Taft mainstays sa pangunguna ng tambalang Canino at Laput, 18–11. Sinelyuhan ng DLSU ang set sa bisa ng quick attack ni Del Castillo, 25–14. 

Nagbago ang timpla ng ikalawang kabanata nang umaksiyon si CSB outside hitter Shekaina Rhedge Lleses gamit ang isang off-the-block hit, 12–all. Matapos kumasa ng timeout ang Lady Spikers, agad na humataw ng down-the-line hit si Team Captain Baby Jyne Soreño at crosscourt attack si open spiker Alleiah Malaluan, 16–15. Sa kabila nito, napanatili ng Lady Blazers ang mahigpit na pakikipagpalitan ng atake nang tumantos ng marka si opposite hitter Cristy Ondangan, 22–21. Mula rito, nanalasa ang Lady Spikers at bumulusok patungong set point, 24–23, hanggang sa tuluyan na nilang isara ang yugto matapos sumalpak ang Lady Blazers ng service error, 25–23.

Agresibong Lady Spikers ang bumungad sa huling set nang magpakawala ng magkasunod na monster block ang tambalang Canino at Laput, 3–1. Pinaglaruan ni Lleses ang mga galamay ni Amie Provido matapos tumikada ng isang off-the-block kill, 8–4, ngunit walang pag-aalinlangan itong sinagot ni Del Castillo ng isang power tip, 11–4. Sinubukan pang pababain ni Densing ang kalamangan ng DLSU nang birahin ang bola patungong zone 5, 13–10. Hindi na nagawa pang makahabol ng CSB at ganap nang isinukbit ng DLSU ang panalo sa bisa ng crosscourt shot ni Malaluan, 25–16.

Matapos gapiin ang kapitbahay na koponan, napangalagaan ng Lady Spikers ang kanilang walang dungis na rekord bitbit ang 3–0 panalo-talo kartada sa Pool E. Aarangkada ang Taft mainstays sa quarterfinals ng torneo at makahaharap ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa parehong lunan sa ika-1:00 n.h. sa Linggo, Nobyembre 3.