Taft Dr1v3: Green at Lady Shuttlers, tinintahan ang puwang sa kartada

Kuha nina Margaret Zapata at Kizabelle Aromin

NANGIBABAW sa unang pagkakataon ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Shuttlers kontra Adamson University (AdU) Men’s at Women’s Badminton Team, 4–1, 5–0, sa ikaapat na araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Badminton Tournament sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall, Oktubre 26.

Ibang tabas ng palaso

Taliwas sa pagkasubasob sa kaba noong nakaraang linggo, plakadong opensa ang ibinalandra ni Green Shuttler Miguel Cuarte kontra kay Soaring Falcon Kyrik Roldan upang tapusin ang unang singles match ng tapatan sa loob lamang ng 32 minuto, 21–14, 21–8. Wala ring pag-aalinlangang dinomina ng manunudlang si James Capin ang tubong San Marcelino na si Nathaniel Acedillo nang itatak ang parehong istorya sa ikalawang singles match, 21–15, 21–16.

Mula sa pamamayagpag sa naunang laban, binuksan ng pares ng mga kapitang sina Joshua Morada at Yuan Tan ang pasiklaban ng doubles category kontra kina Gabriel Ganoy at Noel Hernandez. Hindi magkadaong-palad ang ritmo ng dalawang beterano nang pupugin ng kabi-kabilang fault upang tuluyang malula sa sanib-puwersang pananalanta ng mga palkon, 18–21, 21–13, 13–21. 

Sa pagbabalik ni Cuarte sa luntiang balwarte, sumandigan ang kaniyang katambalang si Green Shuttler Zaki Layno sa opensibang mga rally na waging sinalag nina Soaring Falcon Julius Fontanilla at Acedillo. Nanlamig ang DLSU sa unang set sa kabila ng kanilang mainit na simula, 17–21. Gayunpaman, agad na ipinihit ng Taft-based duo ang himig sa mga sunod na yugto upang pumandanggo tungo sa unang opisyal na panalo ng DLSU ngayong season, 21–16, 21–13.

Maagang isinakatuparan ni rookie Joshua Fajilan ang pagpapakitang-gilas sa huling singles match sa pagbulusok ng kaniyang kalamangan kontra kay AdU player Jhon Dema-Ano, 6–1. Hindi inalintana ni Fajilan ang tangkang pag-alsa ng palkon, 8–9, at inakay ang kaangatan ng Berde at Puting pangkat, 21–16. Sumubok mang pumalag ang pambato ng San Marcelino, binantasan muli ni Fajilan ang kartada sa pagselyo ng ikalawang set, 21–15.

Aninag sa kinang na matagal na naitago

Pumabor kay DLSU Team Captain Ghiselle Bautista ang momentum ng laro matapos niyang kunin ang bentahe sa unang bahagi ng pambungad na singles match, 14–12. Ngunit, inupos din ito ni AdU player Abbygail Barcelona na lumikha ng kagila-gilalas na 9–2 run upang sikwatin ang unang set, 16–21. Tangan ang hangaring ipaglaban ang puwesto sa Final Four, rumatsada si Bautista ng mga nagbabagang tiradang tumapos sa ikalawang set, 21–15. Walang nang sinayang pang oras ang kapitana at inangkin ang duwelo sa bisa ng mga crosscourt at clear shot, 21–14. 

Matumal naman ang naging simula ng ikalawang singles match para kay Lady Shuttler Lady Tuario buhat ng matatalim na tira mula sa pambato ng San Marcelino na si Key Fuerte, 9–13. Sa halip na panghinaan ng loob, pinaglagablab ni Tuario ang kaniyang raketa at isinilid ang tagumpay sa extended first set, 23–21. Bitbit ang momentum, nagpakawala ng matatagayog na palo si Tuario sa pagbubukas ng ikalawang set, 14–5. Ganap na bumandera ang taga-Taft upang tanggalan ng bagwis ang palkong si Fuerte, 21–13.

Pagdako ng unang doubles match, ininda nina Taft mainstays Mia Manguilimotan at Viana Antonio ang tuka ng mga taga-San Marcelino na sina Barcelona at Justine Barasona, 14–21. Rumesponde naman ang Taft-based squad at inapula ang pagniningas ng mga palkon sa ikalawa at ikatlong set, 21–17, 21–19. Bumuo rin ng katulad na eksena ang tambalang Bautista at Jacqueline Pantoja kontra kina AdU player Graziel Cabriga at Camille Buagas, 14–21, 21–11, 21–17. 

Rumagasa naman si Lady Shuttler Antonio ng bentahe sa ikatlong singles match laban kay Aleyha Villanueva, 14–8. Hindi pa nagpaawat si Antonio sa pagbihag niya sa pambato ng Adamson sa pagsasara ng unang set, 21–12. Buhat ang kagustuhang panatilihin ang malinis na serye, isinentro ni Antonio ang kaniyang enerhiya sa bisa ng mga suwabeng clear shot at smash, 21–5.

Maniobra tungo sa huling tiket

Sa pagbabahagi ni Cuarte sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibang tabas ng Green Shuttlers ang pumailanglang sa halikhik ng Soaring Falcons at naging susi sa kanilang matagumpay na kampanya nitong Sabado. Bida ni Cuarte, “Mas confident kami [ngayon] sa loob ng court [kompara sa mga naunang laro]. Kita niyo naman sa mga angas ko kanina.”

Binigyang-diin naman ni Owen Lopez sa APP, punong tagapagsanay ng Green at Lady Shuttlers, ang pagtiyak na may kakayahang pumalag ang mga ibabanderang manlalaro sa bawat sitwasyon. Aniya, nakasalalay sa mga kalkuladong pag-indayog sa kort ang magiging kapalaran ng Green Shuttlers sa pagtipa ng huling tiket sa semifinals ng torneo.

Sa pagpapatuloy ng karera ng Lady Shuttlers, iginiit naman ni Coach Lopez na disiplina at pasensiya ang kanilang dapat na maging pangunahing bala upang makamit ang tiket sa Final Four. “Sabi ko nga sa kanila, ‘okay lang sa amin na ibalik niyo lang nang ibalik as long as [hindi] nag-e-error.’ Kaya lang, lang minsan ‘yung first shot, second shot, o ‘yung pag-receive pa lang error kaagad,” paglalahad ng tagapagsanay sa APP.

Binigyang-buhay naman ni Lady Shuttler Antonio ang dilaab na puhunan ng mga taga-Taft. Ikinintal niyang nakaangkla sa hindi pagsuko sa kabila ng anomang kahaharaping dagok sa kort ang isinasapuso ng grupo sa kanilang pagkakapos sa mga huling alingasngas ng bawat tudlaan.

Bunsod ng parehong pamamayani ng mga luntiang kampo, nananatiling buhay ang kanilang karera tungo sa mga natitirang puwesto sa Final Four ng torneo. Hawak ng dalawang pangkat ang 1–3 rekord, kapara ng kanilang sunod na katunggaling University of Santo Tomas Tiger at Lady Shuttlers sa parehong lunan at oras, Oktubre 27.