IBINIGKIS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang sandatahan ng University of the East (UE) Lady Warriors, 23–25, 26–24, 25–20, 25–16, sa ikalawang yugto ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Oktubre 26.
Hinirang na Player of the Game si DLSU opposite spiker Shevana Laput matapos kumamada ng 20 puntos sa bisa ng umaatikabong 18 atake at dalawang block. Hindi rin nagpatinag si open spiker Angel Canino na pumukol ng 17 marka. Sa kabilang panig, bumida para sa Lady Warriors si wing spiker Casiey Dongallo lulan ang 19 na puntos mula sa 16 na atake at tatlong block.
Matumal na simula ang umeksena sa hanay ng Lady Spikers matapos ang maagang pagragasa ng Lady Warriors, 1–6. Ngunit, nagpasiklab ng 6–2 run ang DLSU nang bumulusok ang tambalang Canino at Laput upang tapyasin ang kalamangan ng UE sa isa, 7–8. Rumatsada ang balyahan ng dalawang koponan para sa pag-angkin ng bentahe sa gitna ng gitgitang salpukan, 16–all. Gayunpaman, tuluyang lumagablab ang Recto-based squad sa pangunguna ni Dongallo upang mamayagpag sa unang yugto, 23–25.
Sariwang opensa ang ipinamalas ng luntiang koponan sa ikalawang set na pinaigting ng pagkumpas ng sunod-sunod na puntos ni open hitter Alleiah Malaluan, 7–4. Sinubukan pang bumuwelo ng Lady Warriors, subalit pinatikim ni Malaluan ang masilakbong pagbabalik ng kaniyang mga atake, 15–all. Pumiglas naman si Eshana Nunag ng service ace upang ihatid ang kalamangan sa Taft, 22–21. Matapos ang kuyugan ng magkabilang panig, napasakamay ng DLSU ang ikalawang set, 26–24.
Nagpatuloy sa ikatlong yugto ang dominadong pagbugso ni Lady Spiker Laput sa gumugunaw na depensa ng mga taga-Recto gamit ang isang crosscourt attack, 7–3. Umagapay rin si middle blocker Amie Provido upang lumikha ng pader na nagpatalsik sa opensa ng UE, 12–9. Sa desididong pagtugis ng Lady Warriors sa luntiang koponan, nagpakawala ng atake sa gitna si opposite hitter Jelaica Gajero, 18–16. Hindi na muling nagpahuli ang Taft-based squad at winakasan ang kabanata sa walang palyang serbisyo, 25–20.
Sa pagdako ng huling set, bumulaga ang pinagsama-samang atake ni Provido upang iwagayway ang Berde at Puting bandila, 8–3. Tinangka namang pakinabangan ng UE ang mga error ng DLSU upang makabangon sa nakaraang pagkatalo, 13–6. Gayunpaman, umiral pa rin ang nagkukumahog na tikas ng Lady Spikers nang maghulog ng mga drop ball, 18–9. Lumagda naman mula sa combination play si Canino upang hadlangan ang pahapyaw na paghabol ng mga nakapula, 23–13. Samakatuwid, walang pakundangang nilupig ng Lady Spikers ang hukbo ng Lady Warriors, 25–16.
Bunsod ng panalo, nananatiling walang mantsa ang rekord ng Lady Spikers sa Pool E tangan ang 5–0 panalo–talo kartada. Sisikaping puksain ng Taft mainstays ang dilaab ng College of Saint Benilde Lady Blazers sa parehong lunan sa ika-5:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 30.