BIGONG PANAIN ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang bagwis ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 57–70, sa kanilang ikalawang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 26.
Bagaman dumulas ang panalo mula sa kanilang mga palad, umukit ng 19 na puntos, walong rebound, at tatlong assist si Lady Archer Luisa San Juan upang pangunahan ang kampanya ng Taft-based squad. Umagapay rin si shooting guard Lee Sario bitbit ang 11 puntos, anim na rebound, isang steal, at isang rebound. Bumida naman para sa Loyola-based squad si Kacey Dela Rosa tangan ang 28 puntos, 16 na rebound, limang steal, at isang assist.
Bumungad ang maiinit na tirada ni Lady Archer Patricia Mendoza sa unang yugto ng tapatan nang magpakawala ng sunod-sunod na puntos mula sa two-point zone, 4–1. Ipinagpatuloy naman ni center Kyla Sunga ang kanilang momentum matapos kumamada ng dalawang layup at gumawa ng uwang kontra sa mga agila, 10–3. Sinikap ng Blue Eagles na humabol upang idikit ang talaan sa pangunguna nina Dela Rosa at Junize Calago, 19–16. Ngunit, hindi ito naging sapat matapos wakasan ni Sario ang kuwarter gamit ang isang layup, 21–18.
Binuksan ng Lady Archers ang ikalawang kuwarter bitbit ang kalamangan, subalit agad itong itinabla ni Kailah Oani sa bisa ng isang tres, 23–all. Sinelyuhan ni Dela Rosa ang abante para sa panig ng Loyola-based squad gamit ang isang two-point shot, 23–27, ngunit sinagot din ito ng isang naglalagablab na three-point mark ni DLSU point guard Luisa Dela Paz upang ibaba ang kalamangan ng ADMU sa isa, 26–27. Naiangat pa ng Taft mainstays sa dos ang kanilang bentahe bunsod ng isang libreng tirada mula kay Team Captain Bernice Paraiso, 36–31.
Binulaga ni Dela Rosa ang kampo ng Taft nang magpakawala ng magkakasunod na layup shot sa simula ng ikatlong yugto, 36–all. Sumaklolo si Blue Eagle Oani na naghain ng tirada mula sa labas ng arko, 38–41. Hindi naman nagpatinag si San Juan sa mga bentahe ng Loyola-based squad at rumatsada ng fastbreak play, 41–46. Subalit, hindi na napana pa ang pamamayagpag ng tambalang Dela Rosa at Oani na winakasan ang kuwarter upang pumabor sa ADMU, 44–54.
Umarangkada naman ang hanay ng Berde at Puti ng 0–5 run na ginantihan ni Oani upang mas makalayo sa takbo ng laro, 44–59. Gayunpaman, patuloy na pinag-alab ng Lady Archers ang kanilang opensa matapos ibaba ni Sunga ang kalamangan sa 11, 48–59. Tinangka pang ipamalas ni Sario ang kaniyang bangis sa huling bahagi ng kuwarter, ngunit naglagablab ang kamay ni Oani na sumibat ng tres at tuluyang inilugmok sa lusak ang kanilang karibal, 54–70.
Matapos matisod sa langkay ng Blue Eagles, napasakamay ng Lady Archers ang 2–8 panalo–talo kartada. Susubukang itali ng Lady Archers ang hanay ng Far Eastern University Lady Tamaraws sa parehong lunan sa ika-10:00 n.u. sa Miyerkules, Nobyembre 6.
Mga Iskor:
DLSU 57 – San Juan 19, Sario 11, Mendoza 8, Sunga 8, Paraisa 4, Dalisay 3, Dela Paz 3, Rodriguez 1, Bacierto 0, Villava-Cua 0.
ADMU 70 – Dela Rosa 28, Oani 17, Calago 9, Makanjuola 9, Angala 7, Villacruz 3, Batongbakal 2, Aquirre 2, Cancio 0, Nieves 0.
Quarter scores: 21–18, 36–31, 44–54, 57–70.