TINUKLAP ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang balahibo ng National University (NU) Lady Bulldogs, 32–30, 14–25, 25–22, 25–21, sa ikalawang yugto ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Oktubre 20.
Pinamunuan ni Player of the Game Mikole Reyes ang pamamayagpag ng Lady Spikers kaakibat ang 16 na excellent set at dalawang puntos. Sumagot naman sa gitgitang opensa ang power duo nina Angel Canino, na bumomba ng 20 marka, at reigning Most Valuable Player Shevana Laput, na nagpasiklab ng 18 puntos. Bumalikat para sa Jhocson-based squad si opposite hitter Alyssa Solomon matapos rumehistro ng 18 puntos. Hindi rin nagpahuli sina Bella Belen at Vange Alinsug na parehong umagapay ng 13 marka.
Dikdikan ang naging kuwento ng unang set matapos magpalitan ng opensa ang magkabilang koponan sa pangunguna nina Canino at Solomon, 19–all. Tinupok ng 4–1 run ng Lady Bulldogs ang pag-asa ng Lady Spikers na makuha ang kalamangan, ngunit pinagningas ni Mary Reterta ang kanilang depensa sa net upang muling itabla ng Taft mainstays ang talaan, 23–all. Sinubukang ibaon nina Solomon at Belen ang mga pako sa lapag ng mga nakaputi upang ikamada ang set point sa kanilang panig, subalit patuloy na nakipagsagutan ang tambalang Canino-Laput na umagaw ng yugto mula sa kamay ng mga bulldog, 32–30.
Maagang pinarusahan ni Abegail Pono ang pasa ng Lady Spikers na nauwi sa pangangalawang ng opensa ng grupo sa pagbubukas ng ikalawang yugto, 0–3. Matapos ang pamamahinga sa mga nakaraang sagupaan, nagparamdam ang beteranang open hitter ng DLSU na si Alleiah Malaluan nang pumadyak mula sa isang combination play, 3–4. Nanatili ang mga kalkuladong drop ball ni Malaluan sa paglapit sa Lady Bulldogs, 6–7, ngunit isinalansan ng Jhocson-based squad ang kanilang kalamangan buhat ng 13–1 run, 10–21. Nagtangka pang pumalag ang luntiang grupo sa pag-antabay ng off-the-block ni Baby Jyne Soreño at ng mautak na hulog ni Malaluan, 13–23. Gayunpaman, inabutan ni Pono si middle blocker Sheena Toring ng isang quick set upang isara ang kabanata, 14–25.
Kasunod ng pagkalampaso sa ikalawang set, nagpamalas ng solidong depensa sa net ang Lady Spikers upang umukit ng 6–0 run, 8–3. Lalong umarangkada ang Berde at Puting koponan sa mga sumunod na ragasa dulot ng opensa sa gitna ni Amie Provido, 16–10. Biglang nagbago ang ihip ng hangin nang linlangin ni Solomon ang depensa ng Lady Spikers na nagpalapit ng kanilang distansiya sa isang marka, 22–21. Hindi naman nagpatinag sa dikdikang laban si DLSU middle blocker Lilay Del Castillo nang dalhin ang luntiang koponan sa set point gamit ang isang quick attack, 24–22. Ganap na napasakamay ng mga taga-Taft ang set bunsod ng regalo ni Chamcham Maaya mula sa kaniyang unforced error, 25–22.
Mabalasik na simula ang naging entrada ng Lady Bulldogs sa huling set matapos rumatsada ng 5–1 run sa bisa ng mga tirada ni Alinsug mula sa open, 1–5. Agad na ginising ni Canino ang natutulog na opensa ng DLSU matapos magpakawala ng umaatikabong crosscourt kill at ipantay ang bakbakan, 8–all. Nangahas pa ng sunod-sunod na atake si Laput mula sa opposite habang nagkakagulo ang depensa ng NU, 17–13. Hindi naman hinayaan ni Solomon na makaalagwa pa ang hanay ng Berde at Puti matapos sumalpak ng isang bounce ball mula sa gitna. Gayunpaman, kumumpas si Reyes ng umaatikabong koneksiyon kay Laput mula sa likod na agad sinundan ng pangwakas na service ace ni Reterta, 25–21.
Matapos patirin ang 28-game winning streak ng Lady Bulldogs, nananatiling malinis ang rekord ng Lady Spikers sa Pool E tangan ang 4–0 panalo–talo kartada. Susubukang buwagin ng Taft mainstays ang sandatahan ng University of the East Lady Warriors sa parehong lunan sa ika-2:00 n.h. sa Sabado, Oktubre 26.