INAPRUBAHAN ang Php276,000 operational fund (OF) budget ng University Student Government (USG) para sa akademikong taon 2024–2025 sa ikalimang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Oktubre 15. Pinangalanan din sina Jordan Go bilang vice chairperson for audit at Audrey Ng bilang vice chairperson for administration ng Commission on Audit (COA) para sa Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB).
Distribusyon ng bumabang pondo
Tinalakay ni FAST2022 Irish Garcia ang alokasyon ng OF batay sa inakda nilang resolusyon nina Chief Legislator Elynore Orajay at EXCEL2024 Wakee Sevilla. Ilalaan ang 45% o Php124,200 ng naturang pondo sa USG executive board at 40% o Php110,400 sa mga college unit. Samantala, mapupunta ang 15% o Php41,400 nito sa mga komisyon, independiyenteng opisina, at mga yunit ng lehislatibo at hudisyal na sangay ng USG.
Lilimitahan naman sa 33.33% o Php41,000 ng pondo ang badyet para sa mga opisinang naapektuhan ng pinalawig na panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon ng USG. Hindi nabibilang dito ang Judiciary, Science College Government, Department of Activity Approval and Monitoring, at Commission on Disability Inclusion (CDI).
Pangangasiwaan naman ng Office of the Executive Treasurer ang pamamahagi ng badyet alinsunod sa mga nakalatag na gastusin sa mga general ledger (GL) code. Ipinaliwanag ni Meneses na nakabase ang alokasyon ng badyet sa nakaraang akademikong taon. Isinaalang-alang din niya ang hindi bababa sa Php10,000 badyet ng bawat kolehiyo bilang pagtalima sa Fiscal Management Manual.
Paliwanag ni Meneses, “Binabaan ko lang nang kaunti ‘yung [badyet ng] ibang units, kasi ang laki nga ng ibinaba ng budget na ibinagay ng admin [ng Pamantasan] for this academic year.”
Kinuwestiyon naman ni BLAZE2026 Jami Añonuevo ang nakalistang Php100,000 badyet para sa tokens, awards, at prizes sa panukalang batas. Binigyang-linaw ni Meneses na nagmula sa administrasyon ng De La Salle University (DLSU) ang kabuong breakdown at maximum expenses ng mga GL code.
Inilahad din ni Meneses na hindi tinanggap ng DLSU ang ipinanukalang alokasyon ng USG at Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment. Bagkus, agarang isinapinal ng Pamantasan ang kanilang pasya at hindi na pinayagang umapela ang mga naturang panig.
Gayunpaman, tiniyak ni Meneses na maaari pa ring magtala ang USG ng mas mababang halaga mula sa nakasaad sa resolusyon, sapagkat pinansiyal na limitasyon lamang ang itinakda ng Pamantasan.
Ipinasa ang panukulang batas sa botong 8 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagbuo sa bagong pamunuan
Inihain ni Añonuevo ang resolusyong natatalaga kay Go sa puwesto. Sinuri naman ni Garcia ang panahon ng pamamalagi sa COA at karanasan ni Go kaugnay ng pag-endoso sa kaniya ng kanilang mga komisyoner. Ipinabatid ni Go na nakapagsilbi siya ng tatlong termino sa COA bago kapanayamin ng mga chairperson ng komisyon hinggil sa kaniyang mga plano bilang potensiyal na vice chairperson.
Hinirang si Go bilang vice chairperson for audit ng COA para sa RVRCOB sa botong 10-0-0.
Sunod na iprinisenta ni Añonuevo ang panukalang nagtatalaga kay Ng sa posisyon. Layon ni Ng na palakasin ang interaksiyon sa pagitan ng mga miyembro ng iba’t ibang komite ng COA. Pagbahagi niya, “Before, when I was still a publicity associate, I noticed that I didn’t get to interact much with other people outside of my sub-committee.”
Bibigyang-tuon din ni Ng ang pag-alis ng mga hindi makabuluhang hakbang upang mapabilis ang mga proseso sa loob ng kanilang opisina, partikular na ang dokumentasyon. Itinanghal si Ng bilang vice chairperson for administration ng COA para sa RVRCOB sa botong 10-0-0.
Mga pangwakas na plano ng LAIC
Ibinalita ni Sevilla, chairperson ng Committee on Rules and Policies (RnP), na kasalukuyan siyang nakikipag-ugnayan kay Executive Secretary Aisha Khan upang enmiyendahan ang Code of Conduct.
Sumasangguni rin si Sevilla kay Attorney General at dating Chief Legislator Sebastian Diaz para sa mga pag-uusap hinggil sa Constitutional Commission, bagaman hindi pa kumpirmado ang pagsasalin nito sa isang resolusyon. Gayundin, muling nirerepaso ng RnP ang Commission for Officer Development Manual.
Isinaad naman ni Huey Marudo, chairperson ng Committee on National Affairs, na naisumite na nila sa Office of the Chief Legislator (OCL) ang nilalamang impormasyon at mga publicity material para sa Peasant Month situationer ng LA. Samantala, patuloy na kumokonsulta ang Committee on Students’ Rights and Welfare (STRAW) sa CDI at inihahanda ang mga kinakailangan para sa kanilang turnover sa susunod na administrasyon ng STRAW.
Babalikan naman ng minority floor ang pagsuri sa DLSU Disaster Risk Reduction and Management Policy at pagsasakatuparan ng proyektong Liwasang Lasalyano para sa pagpapaigting ng ligtas na partisipasyon ng mga estudyante sa mga usaping politikal.
Sa kabilang banda, dudulog sa OCL ang majority floor ukol sa mga publicity material para sa kanilang ilalabas na sarbey. Nakatuon ito sa pagpapalawig ng mga pribilehiyo ng mga dean’s lister na magbabalik mula sa leave of absence. Ayon naman kay Orajay, inilapit niya sa Legislative Assembly Inner Circle ang proposed partnership ng Habitat for Humanity Green Chapter sa LA.