MULING HUMANDUSAY ang De La Salle University (DLSU) Green at Lady Shuttlers sa ikatlong araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall, Oktubre 20.
Sa kabila ng paghagip sa tanglaw, nasilaw ang Green Shuttlers sa hindi mapunding kampanya ng University of the Philippines (UP) Men’s Badminton Team, 2–3. Nananatili ring kapos sa panalo ang Lady Shuttlers matapos marindi sa mga kahol ng National University (NU) Women’s Badminton Team,1–4.
Tangkang pag-angat mula sa laylayan
Pagpatak ng ika-8 n.u., dominadong kartada ang bumanat sa mga nagngingitngit na yabag ni Green Shuttler Miguel Cuarte mula sa mga palo ni UP player Jewel Angelo Albo, 13–21. Patuloy na nanlamig ang mga tirada ng pambato ng Taft pagdako ng ikalawang set na sinamantala ng kasalukuyang kampeon ng Philippine Badminton Open – Singles upang pasukuin ang panig ng Berde at Puti sa unang singles match ng tapatan, 6–21. Ibang istorya ang binagtas ng kampo ng DLSU sa pagpapakitang-gilas ni James Capin laban kay Fighting Maroons co-captain Raydric Abinales. Matagumpay na pinuruhan ni Capin ang masugid na depensa ni Abinales sa parehong set upang aninagin ang unang panalo ng kanilang grupo ngayong season, 21–13, 21–11.
Sa pagmitsa ng nakakadenang talaan, umentrada ng dikdikang palitan sa doubles match ang tambalan ng dalawang kapitang sina Joshua Morada at Yuan Tan kontra kina Mark Bernal at Enzo Rivera nang pumorma ng makailang-ulit na deuce sa unang set, 22–all. Bigong isara ng DLSU ang yugto bunsod ng nagbabagang opensa ng UP, 22–24. Umalagwa pa rin ang bisig ng mga kapitan sa ikalawang set matapos isakatuparan ang 4–0 run upang kabigin ang kalamangan, 17–15. Subalit, muling bumaluktok ang kanilang postura sa huling bahagi ng bakbakan, 20–22.
Binago naman ng tambalang Zaki Layno at Cuarte ang ihip ng hangin sa pagsungkit ng unang set mula kina Albo at Joshua Martinez sa pagtungtong ng ikalawang doubles match, 21–19. Bitbit ang hangaring tuldukan na ang bakbakan, pinagtibay nina Layno at Cuarte ang kanilang opensa matapos umani ng 3–0 run, 15–11. Bunsod nito, hindi na nakabawi pa ang kanilang mga katunggali at tuluyan na nilang ibinulsa ang panalo, 21–18.
Mainit na sinimulan nina Green Shuttler Jason Pajarillo at Fighting Maroon Shan Clar ang huling singles match, 4–5. Subalit, nalinlang ng mga ipinamalas na teknik ni Clar ang depensa ni Pajarillo sa mga sumunod na serye upang ungusan ang pambato ng Taft, 21–13. Sinubukan pang itaas ni Pajarillo ang bandera ng Berde at Puti, ngunit hindi na nagpaawat pa si Clar sa pagsikmat ng panalo, 13–21.
Hindi mahintong pagdausdos
Agad na lumagapak si Danica Castillo sa kaniyang pagtapak sa apat na sulok ng kort sa kabila ng mapaglunggating kagustuhang iangat ang Berde at Puting bandila kontra kay NU Player Ysabel Amora, 5–21. Halos walang pag-usad ang labanan pagdako ng ikalawang set na nagresulta sa bigong paghihiganti ng kinatawan ng Taft sa himagsik ni Amora, 6–21.
Nagmistulang sirang plaka ang kuwento ng Taft-based squad sa ikalawang singles match round matapos mahulog ni DLSU Team Captain Ghiselle Bautista sa bitag ni Karyl Rio sa unang set, 16–21. Ginanahan man ang kapitana sa pagbawi sa ikalawang set, 21–16, tuluyang nabiktima ang Lasalyano sa pain ni Rio, 12–21.
Ininda ng Taft mainstays ang sakit ng sunod-sunod na kabiguan sa pagpasok ng unang doubles match. Walang palag ang luntiang tambalan nina Mia Manguilimotan at Viana Antonio kontra sa kombinasyon nina Jeya Pinlac at Andria Songcuan sa panimulang set, 14–21. Nagawa pang humabol ng mga taga-Taft sa kalagitnaan ng ikalawang set, subalit hindi ito naging sapat upang apulahin ang nag-aapoy na diwa ng mga taga-Jhocson, 18–21.
Bumalikwas ang Lady Shuttlers kontra sa mga taga-Jhocson nang magbalik si kapitana Bautista kasangga si Jhaqueline Pantosa upang sikaping itawid ang ikatlong araw ng torneo. Gayunpaman, hindi pa rin pumanig ang himpapawid sa berdeng grupo at nanaig ang depensa ng tambalang Alyssa Desacola at Lee De Leon, 12–21, 13–21.
Samantala, ibinigkis ni DLSU player Lady Tuario ang mas makikisig na pagkumpas ng raketa kontra kay Pinlac sa unang set, 21–10. Nagtangka mang kumapit ang taga-Jhocson, taas-noong tinuldukan ni Tuario ang ikalawang bahagi upang ibigay sa Lady Shuttlers ang kanilang natatanging panalo sa naturang araw, 21–19.
Isang hakbang papalapit sa tagumpay na inaasam
“Kinulang kami sa pandulo. Kaya naman naming tapusin agad ‘yung game and nawalan lang din sa focus,” pag-amin ni DLSU Green Shuttlers Team Captain Morada sa Ang Pahayagang Plaridel nang kapanayamin tungkol sa kanilang naging kampanya kontra UP.
Ibinahagi rin ni Cuarte na nalukob ng kaba ang koponan at naging dahilan ito upang hindi makapaghatid ng magandang resulta. Sa sitwasyong muling malagay ang kampo sa bingit ng tagumpay, tiniyak niyang paiigtingin nila ang bawat palo upang maiuwi ang unang panalo ng Pamantasan.
Binigyang-halaga naman ni Kapitana Bautista ang tinuran ng kanilang mga tagapagsanay sa pagsabak sa laro. Ipinahayag din niyang mas pagbubutihin ng grupo ang ensayo para sa kanilang susunod na laban.
Sa kabila ng pagkabigo, isinalaysay ni Tuario ang kaniyang naging mindset upang makuha ang nag-iisang panalo ng Lady Shuttlers. Sambit niya, “Laging sinasabi sa akin ng mga seniors ko na dapat hindi magpadala sa mga negative thoughts, na dapat ipanalo pa rin, kasi malaking factor ‘yon para sa team.”
Bigo pa rin ang Taft mainstays na makapag-uwi ng panalo sa pagtatapos ng ikatlong araw ng torneo. Gayunpaman, magbabalik sa kort ang Green at Lady Shuttlers upang dagundungin ang kanilang inaamag na talaan kontra Adamson University Badminton Team sa parehong lugar sa Sabado, Oktubre 26.