NILAMUKOS ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 70–45, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion, Oktubre 19.
Itinanghal na Player of the Game si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos umukit ng 17 puntos, anim na rebound, at tatlong assist. Umagapay rin sa opensa si DLSU Team Captain Joshua David na pumoste ng 11 puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Cedrick Manzano ang Soaring Falcons tangan ang 14 na marka.
Maagang buwenas ang sumalubong sa hanay ng Soaring Falcons kasunod ng dos ni Joshua Yerro at tres ni John Erolon sa unang kuwarter, 0–5. Sumagot naman ang panig ng Berde at Puti gamit ang ipinukol na dakdak ni center Henry Agunanne, 4–5. Hindi rin nagpahuli ang gilas ng tira ni Quiambao mula sa labas ng arko sa tulong ng pasa at screen ni big man Mike Phillips, 9–7. Nagparamdam na rin ang pambabalewala ni Raven Gonzales sa depensa ng Soaring Falcons nang ilusot ang isang alanganing mid-range floater, 15–11. Isinimento ng Green Archers ang kalamangan sa unang bugso matapos magtala ni Gonzales ng dalawang puntos mula sa free throw line, 17–11.
Bumungad sa ikalawang kuwarter ang koneksiyon ni one-and-done floor general Lian Ramiro kay DLSU rookie Andrei Dungo na tumipak ng tres mula sa sulok, 20–13. Nanalasa rin sa mga pambato ng San Marcelino ang presensiya ng mga taga-Taft sa labas ng arko nang magpakawala ng magkakasunod na tirada sina David, CJ Austria, at EJ Gollena, 34–21. Nagpatuloy ang pamamayani ng DLSU matapos ang kickout pass ni Austria kay David upang isakatuparan ang tres, 39–22. Tumungo ang DLSU sa halftime tangan ang pinataas pang kaangatan mula sa rumaragasang layup at and-1 ni Austria, 42–22.
Sukbit ang 20 puntos na bentahe sa pagpasok ng second half, naging mailap ang ring para sa DLSU dulot ng mga turnover at foul na naging puhunan ng mga taga-San Marcelino, 42–25. Agad namang rumehistro si Quiambao ng pamatay-sunog mula sa paint, ngunit nanatiling mainit ang mga kamay ni Manzano na kumasa ng isang reverse layup, 44–27. Naglatag na ng mga tusong steal ang Taft mainstays upang makakumpas si Quiambao ng fastbreak play at si Phillips ng isang slam dunk, 48–31. Mariing tinustusan ni Quiambao ang 21 markang abante ng luntiang pangkat matapos ang kaniyang fadeaway shot sa huling segundo ng kuwarter, 59–36.
Bunsod ng apat na minutong pagkapako ng talaan sa pagpasok ng ikaapat na yugto, nagpalit ng estratehiya ang Berde at Puting koponan at ipinasok sina rookie Alex Konov at Ethan Alian. Napatunayan ang bisa ng diskarte ng Green Archers matapos basagin ni Agunanne ang katahimikan nang makakuha ng counted foul mula sa assist ni Alian, 62–57. Sumagot naman ng isang floater si Soaring Falcon Eli Ramos sa pagnanais na tapyasin ang kalamangan ng Taft-based squad, 64–43. Sa natitirang dalawang minuto ng laro, bumida ng tres si Isaiah Phillips na ginantihan ni Ramos ng layup, 67–45. Hindi pa nakuntento ang bagong salta ng Taft na si Konov at bumira ng three-point shot upang tuluyang selyuhan ang sagupaan, 70–45.
Kabilang na ang Green Archers sa Final Four ng kasalukuyang season matapos padausdusin sa lusak ang AdU. Bitbit ang hangaring madepensahan ang kampeonato, ibinahagi ni Kapitan David sa Ang Pahayagang Plaridel ang paghahanda ng koponan para sa nalalapit na semifinals. Aniya, “[Iti]-treat namin ‘yung mga next game namin as championship, kasi ‘yung mga ibang team din kasi mag-a-adjust, eh. So, malalaman din mga weakness namin. . . [kaya] need lang talaga namin mag-prepare.”
Nananatili sa rurok ng talaan ang luntiang kampo hawak ang 8–1 panalo–talo rekord. Samantala, susubukang paigtingin ng Green Archers ang kanilang win streak sa pagharap sa karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles sa SM Mall of Asia Arena sa ika-6:30 n.g. sa Sabado, Oktubre 26.
Mga Iskor:
DLSU 70 – Quiambao 17, David 11, Agunanne 8, Gonzales 8, Austria 6, Gollena 5, Konov 3, Dungo 3, I. Phillips 3, M. Phillips 2, Alian 2, Macalalag 2, Ramiro 0, Marasigan 0, Rubico 0.
AdU 45 – Manzano 14, Fransman 8, Erolon 5, Ramos 4, Anabo 3, Ojarikre 3, Montebon 2, Yerro 2, Mantua 2, Ignacio 0, Barasi 0, Ronzone 0, Calisay 0, Barcelona 0, Alexander 0, Dignadice 0.
Quarter scores: 17–11, 42–22, 59–36, 70–45.