NAITAWID ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang panalo kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 94–87, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 16.
Nanguna sa pagtaas ng Berde at Puting bandera si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao na nagtala ng 29 na puntos, siyam na rebound, tatlong assist, at isang steal. Umagapay rin si Mike Phillips na kumamada ng double-double na 16 na puntos, 13 rebound, isang assist, at isang steal. Gumawa naman ng ingay para sa hanay ng UST si Nic Cabañero sa kaniyang pag-ukit ng 23 puntos.
Maagang nagpasiklab si Quiambao ng sampung marka sa perimeter at labas ng arko upang pangunahan ang dominanteng simula ng Berde at Puting pangkat, 14–0. Umangil naman sina Christian Manaytay at Mo Tounkara sa loob upang magbigay-daan sa pagratsada ng mga taga-España, 14–4. Sinukdol pa nina DLSU rookie Andrei Dungo at Henry Agunanne ang paniniil sa mga tigre matapos pumukol ng magkasunod na tres, 21–6. Dinagundong din ni Phillips ang kort gamit ang putback slam pagdako ng 4:02 marka, 23–11. Buhat ang momentum, sinelyuhan nina Phillips at center Raven Gonzales ang unang yugto sa free throw line, 27–14.
Patuloy na pinainit nina Green Archer Dungo at Phillips ang labas ng arko sa pagbubukas ng ikalawang kuwarter, 33–14. Kumamada ng sariling three point shot si Growling Tiger Kyle Paranada na ginantihan ni Green Archer Gonzales ng dalawang layup at isang tres upang palobohin ang kalamangan ng Taft-based squad, 37–20. Tuluyang lumayo ang Taft mainstays sa lupon ng España-based squad matapos ang sunod-sunod na traveling violation ni Cabañero, 42–29.
Puksaan naman ang eksena sa unang tatlong minuto ng second half matapos magpalitan ng tirada sina Green Archer JC Macalalag at Growling Tiger Tounkara, 53–40. Pagpatak ng 3:43 minuto, ginitgit ni Growling Tiger Cabañero ang paint mula sa pasa ni point guard Forthsky Padrigao kaakibat ang foul, 61–48. Pumorma naman para sa mga taga-Taft si Phillips gamit ang reverse layup, 63–50. Subalit, nagpatuloy ang pagragasa ng gintong koponan sa pagtatapos ng ikatlong yugto sa tulong ng mga tirada nina Cabañero at Manaytay, 65–56.
Dinakip ni Green Archer Gonzales ang entrada ng ikaapat na kuwarter sa bisa ng second chance points, 67–56. Kaagad namang pinaandar ng Growling Tigers ang kanilang momentum upang tagpasin ang bentahe ng DLSU, 69–61. Pumitik ng tres si Macalalag, 72–61, ngunit sinakmal din ng mga tirada mula sa mga tigreng kumakalam ang sikmura, 77–74. Panandalian namang pinatahimik ni Quiambao ang hiyaw ng dilaw sa labas ng arko, 80–74. Gayunpaman, napundi ang diwa ng Green Archers bunsod ng samot-saring foul at turnover na nagpasakatuparan sa 6–0 run ng España mainstays, 80–all.
Sinalubong ni Quiambao ang karagdagang limang minuto nang magpakawala ng layup, 82–80. Dala ng pagod, naglipana ang foul sa magkabilang koponan na ginamit ni Phillips upang bumuo ng muwang sa free throw line, 84–80. Sinubukan namang bumawi ni Padrigao matapos ang sariling bersiyon ng free throw, ngunit nanatiling umaatikabo ang Berde at Puting koponan nang ihain ni CJ Austria ang kaniyang panapos na layup at tuluyang igapos ang hanay ng Growling Tigers, 94–87.
Sa pagsabak sa kanilang unang overtime ngayong Season 87, inilahad ni Quiambao sa Ang Pahayagang Plaridel ang naging takbo ng kanilang isipan nang mawala ang momentum sa Berde at Puting panig. Giit ng MVP race frontrunner, “K[in]ailangan lang naming i-figure out kung ano ‘yung pagkakamali namin sa moment na ‘yon. So good thing naman, na-address namin kaagad. And coming to overtime, nakuha na namin kung ano ‘yung groove namin.”
Nananatili sa rurok ng talaan ang Green Archers matapos ang limang magkakasunod na panalo. Bitbit ang 8–1 panalo–talo baraha, muling tatangkain ng Taft-based squad na pumuslit ng tagumpay laban sa kawan ng Adamson University Soaring Falcons sa UST Quadricentennial Pavilion sa ika-3:30 n.h. sa Sabado, Oktubre 19.
Mga Iskor:
DLSU 94 – Quiambao 29, Phillips 16, Gonzales 11, Gollena 8, Aguanne 7, Austria 6, Macalalag 6, Dungo 6, David 3, Marasigan 2, Ramiro 0, Abadam 0, Rubico 0, Konov 0.
UST 87 – Cabañero 23, Padrigao 15, Tounkara 14, Pangilinan 10, Paranada8, Manaytay 7, Llemit 3, Estacio 3, Robinson 2, Crisostomo 2, Mahmood 0, Lane 0, Acido 0, Danting 0
Quarter scores: 24–17, 42–29, 65–56, 80–80, 94–87.