Ano’ng magagawa mo?: Pag-aksiyon kontra sa pabago-bagong klima, itinampok sa Climate Resilience by Design

Kuha ni Niña Montiero

TINUTUKAN sa Climate Resilience by Design ng Animo Labs ang pandaigdigang estado sa harap ng pabago-bagong klima at ang papel ng mga start-up sa pagtugon sa suliranin bilang bahagi ng San Francisco Tech Week 2024 sa The Learning Commons, Oktubre 9.

Mula ito sa kolaborasyong Climate Resilience Technology (CReST) ng Department of Science and Technology, DEVCON Philippines, at De La Salle University. Layunin ng CReST na tugunan ang matinding epekto ng pabago-bagong klima sa Pilipinas at magsilbing batayan para sa mga lugar na may kaparehong hamon.

Pinangunahan naman nina Carla Ocbeña, programs supervisor ng Animo Labs; Paulo Burro, environmental and government affairs consultant ng TerraHive; at John Echauz, chief executive officer at chairman ng Nascent Technologies, ang diskusyon.

Suliranin ng pabago-bagong klima 

Binigyang-diin ni Echauz ang patuloy na pag-init ng mundo dahil sa walang tigil na pagtaas ng carbon dioxide parts per million (ppm). Isiniwalat niyang hindi nalalayo ang naitalang 422 ppm ngayong 2024 sa antas ng carbon dioxide noong Miocene epoch na nagpainit sa planeta. Bunsod nito, umabot na sa 15.2°C ang temperatura ng mundo—mas mababa lamang ng 0.3°C sa kritikal na lebel.

Iniugnay naman ni Echauz ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa paglala ng mga sakuna. Aniya, “When you have massive climate change, you have more intense and frequent droughts. You will have storms, you will destroy homes through floods, rising sea levels. . . melting glaciers, warmer oceans. You will lose shorelines, places to live, and animal life.” 

Inilahad naman ni Burro ang lumalalang problema sa basura ng bansa sa kabila ng pagkakaroon ng mga recycling facility sa bawat barangay. Isinaad niyang hindi sapat ang kaalaman ng mamamayan ukol sa wastong pagtatapon ng basura at sa epekto ng kalat nito sa kalusugan at kalikasan. 

Ipinahayag ni Burro sa Ang Pahayagang Plaridel na matitibay ang batas pangkalikasan sa Pilipinas, ngunit nagsisilbing hamon ang kawalan ng direksiyon sa pagpapatupad ng mga ito. Wika niya, “It’s just really translating these laws into implementation and developing accountability measures. It takes continuous effort lang talaga through really dedicated government effort from [the] local and national [governments].” 

Pagtaguyod sa kamalayan at aksiyon

Isinusulong ng Nascent Technologies ang makakalikasang pagnenegosyong nakasentro sa konserbasyon ng enerhiya. Itinataguyod nila ang paggamit ng malawakang sodium ion battery system para sa solar power at robotics technology para sa pagpapanumbalik ng mga kagubatan.

Nagbalik-tanaw si Echauz sa maagang karanasan ng pakikipag-ugnayan ng Nascent Technologies sa mga panlabas na kompanya. Sumubok sila ng 31 beses bago makatanggap ng suporta para sa kanilang advanced battery laboratory sa Quezon City. Hinikayat ni Echauz ang pamayanang Lasalyanong huwag sumuko at patunayan ang kani-kanilang tunay na kapasidad.

Binigyang-diin din ni Ocbeña ang kahalagahan ng mga ugnayan sa pagbuo ng mga start-up. Itinatag ang Animo Labs upang umagapay sa mga indibidwal na nagnanais magsimula ng kanilang sariling start-up at magsilbing daan sa pagbuo nila ng mga koneksiyon.

Ikinintal naman ni Burro sa pamayanang Lasalyanong nararapat maging malinaw sa kanila ang pagbabagong nais nilang makita at ang mga kinakailangang hakbang sa pagsasakatuparan ng mga ito. Payo ni Burro, “You may fail a few pitches, [but] as long as you keep your head up [and] keep pushing at it, you’ll find the right people and it will no longer be an impossible dream.”