Pagtuklas sa adbokasiya at interes ng mga Lasalyano, binigyang-tuon sa ARW 2024

Kuha ni Georvene Marzan

ITINAMPOK sa Annual Recruitment Week (ARW) 2024 ang iba’t ibang organisasyon at aktibidad na nakasentro sa mga programa, adbokasiya, at interes ng mga estudyante sa De La Salle University (DLSU)-Manila, Setyembre 9 hanggang Oktubre 12.

Binigyang-buhay ng mga grupo ng Student Media Office ang St. Joseph Hall Walk sa temang Disney, Setyembre 9 hanggang 14, bago lumipat sa online recruitment, Setyembre 16 hanggang 21. Pinaindak naman ng Culture and Arts Office (CAO) ang Henry Sy Sr. Hall Grounds sa konseptong modernized ‘70s, Setyembre 16 hanggang 24.

Isinara ng Council of Student Organizations (CSO) ang pagtitipon ng mga organisasyong pang-estudyante sa CSO ARW 2024: The Archer Calls na hango sa Hunger Games. Nasaksihan nito ang 49 na grupo ng CSO sa mga nabanggit na lugar, gayundin sa Don Enrique T. Yuchengco Hall Cave, Velasco Hall Walk, Bloemen Hall, at St. Miguel Hall Walk, Oktubre 7 hanggang 12.

Taunang pagkakataong hatid ng CAO at GCOE

Ibinida ng Green Media Group (GMG) executive board sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na pinili ng CAO ang temang modernized ‘70s upang bigyang-halaga ang Golden Jubilee ng DLSU bilang pamantasan. Kapansin-pansin ito sa mga booth at publicity material ng mga Culture and Arts Group (CAG) sa katatapos na ARW.

Nagpakitang-gilas din ang iba’t ibang CAG sa mga inihanda nilang pagtatanghal sa arts mob nitong Setyembre 18. Kaugnay nito, binigyang-diin ng GMG ang adbokasiya ng CAO na itaguyod ang kultura, relihiyon, at serbisyo sa bansa bilang opisinang nagsisilbing pundasyon ng mga estudyanteng manlilikha sa Pamantasan. Hinuhubog sa bawat training program, palihan, at ensayo ng mga CAG ang kadalubhasaan ng kanilang mga miyembro sa kaniya-kaniyang larang.

Ibinahagi naman ng GMG na sinuri nila ang kalagayan at priyoridad ng kanilang organisasyon bilang paghahanda sa ARW. Malugod din nilang ibinalita ang matagumpay na pagrekluta ng mga miyembrong magpapatuloy sa legasiya ng GMG.

Salaysay ng GMG, “Kada taon, sinisikap namin [sa CAO na] maibahagi sa mga estudyante ng DLSU ang halaga ng iba’t ibang kultura at sining ng Pilipinas at mahikayat silang sumali sa aming mga grupo upang ipagpatuloy ang adbokasiyang ito.”

Ipinabatid naman ni Lorenz Wee, team manager ng ECT: Eco Archers Team (ECT), sa APP na hindi sila sumabay sa pagrekluta ng ibang organisasyon sa Pamantasan. Kabilang ang ECT sa Gokongwei College of Engineering at regular na kalahok sa likas-kayang paligsahang Shell Eco-marathon.

Ipinagbigay-alam ni Wee na nagtagal ang kanilang recruitment mula ikalawa hanggang ikatlong linggo ng unang termino. Aniya, naging hamon dito ang kakulangan nila ng bisibilidad, partikular na sa mga bagong Lasalyanong hindi pa pamilyar sa kanilang grupo. Gayunpaman, ipinahayag ni Wee na maraming estudyante ang bumisita sa booth ng ECT nitong ARW.

Mga hakbang ng CSO

Inilahad ni Guin Durusan, project head for events ng CSO ARW 2024, sa APP na gumamit sila ng kulay ginto upang ibagay ang kanilang tema sa ika-50 anibersaryo ng CSO. Bukod sa mga inihandang booth, pumarada rin ang mga kaisang organisasyon mula Br. Connon Hall hanggang Henry Sy Sr. Hall at nagdaos ng sports fest sa Enrique Razon Sports Complex, Oktubre 2, 6, at 9.

Binigyang-diin ni Monica Go, project head for documentations ng CSO ARW 2024, ang layunin ng recruitment na pagkalooban ng plataporma ang mga organisasyon sa loob at labas ng kanilang opisinang makalapit sa mga estudyante. Dagdag pa niya, “Our main goal is to [also] give the students an enjoyable recruitment week. So, one that’s filled with games and events that help them get to know the different groups in La Salle.”

Ibinida naman ni JC Cababan, pangulo ng AdCreate Society, sa APP na nais nilang paigtingin ang pagkamalikhain at kasanayan ng mga estudyante para sa kanilang mga tatahaking propesyon. Isinaad din niyang naging madali ang pakikipag-ugnayan nila sa sentral na komite ng ARW 2024 para sa mga pagpaplano ng AdCreate Society kasabay ng ika-25 taon ng pagkakabuo nito.

Nagsagawa ang organisasyon ng mga room–to-room campaign sa mga klase ng Bachelor of Science in Advertising Management at Bachelor of Science in Marketing Management upang makaabot ng mas maraming estudyante.

Pagwakas ni Cababan, “We all entered the University not knowing what the future held for us. Luckily, CSO organizations are there to help us find a second family for this new chapter in our lives and direct us to a path of discovery as we go along the epic highs and lows of college life.”