PINAGKAITAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ng panalo ang naghihikahos na Jose Rizal University (JRU) Lady Bombers, 25–18, 25–20, 25–16, sa pagsasara ng unang yugto ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Oktubre 13.
Itinanghal na Player of the Game si DLSU open hitter Baby Jyne Soreño matapos pumuntirya ng sampung puntos mula sa umaatikabong anim na service ace at apat na atake. Nagpakitang-gilas din ang mga bata ng kampo na sina Sandy Demain at Amor Guinto sa kanilang pagpukol ng 11 at sampung puntos. Bumalandra naman si Deala Nicole ng pitong puntos upang pangunahan ang Lady Bombers.
Naging matumal ang simula ng Lady Spikers sa unang yugto ng laro matapos ang pagbulaga ng mga atake ni Lady Bomber Patricia Del Pilar, 0–3. Subalit, nagpasiklab ng isang crosscourt hit si Guinto na hudyat ng pag-arangkada ng opensa ng Taft mainstays, 1–3. Bunsod ng momentum, nakapagpundar ng 7–1 run ang Lady Spikers mula sa sunod-sunod na unforced error ng Mandaluyong-based squad, 16–10. Tinuldukan ni Soreño ang unang yugto sa bisa ng dalawang service ace, 25–18.
Sa kabila ng dominanteng presensiya sa ere, maagang natali ang mga paa ng Lady Spikers sa pagtudla ng back-to-back na alas ni Lady Bomber Shannine Preta, 3–4. Inalalayan naman ni middle blocker Amie Provido ang opensa ng DLSU nang magmitsa ng matutulin na atake, 8–5. Sa pagsalang ng kasalukuyang kapitana na si Soreño sa service line, ibinalandra niya ang bumobombang topspin serve na pumako sa Lady Bombers sa anim na marka, 18–6. Nangapa ang kampo ng Taft sa mga huling kaluskos ng set bunsod ng mga error na pumitas sa kanilang abante sa limang puntos, 23–18. Buhat nito, sumulong ng isang pamatay-sunog si Demain mula sa one-hand set ni Maile Salang, 24–19. Umagapay rin si Soreño sa luntiang koponan at isinara ang talaan mula sa kanan, 25–20.
Umalagwa ng 4–0 run ang Lady Spikers sa pagsisimula ng ikatlong yugto ng laban, 4–0. Bumira pa ng isang monster block si Provido na tumulong sa pagragasa ng momentum ng Taft mainstays, 6–2. Samantala, pinadaplis ni DLSU open hitter Demain ang kaniyang tirada sa kamay ng JRU upang isalaksak ang isang off-the-block hit, 21–14. Sa magkasunod na atake mula sa gitna ni Lilay Del Castillo, patuloy na pumabor ang ihip ng hangin sa mga taga-Taft, 23–16. Winakasan ni Guinto ang sagupaan gamit ang isang crosscourt na palo, 25–16.
Binigyang-diin ni middle blocker Del Castillo sa Ang Pahayagang Plaridel na magiging impluwensiyal ang dominadong kartada ng kampo pagdako sa ikalawang yugto ng torneo. Paliwanag ng sophomore, “As a rebuilding team, importante sa’min itong mga past games na nanalo kami.”
Matapos lampasuhin ang JRU, walang mantsa na 3–0 panala-talo rekord ang isusukbit ng Lady Spikers sa pagpasok sa Pool E ng tagisan sa quarterfinals ng liga.